top of page
Search

@Buti na lang may SSS | Januuary 14, 2024


Dear SSS, 

 

Magandang araw! Ako ay dentista rito sa Mandaluyong City. Ano ang schedule ng pagbabayad sa SSS ng katulad kong dentista. Salamat. — Abigail

 

Mabuting araw sa iyo, Abigail! 

 

Itinuturing ng SSS ang mga katulad ninyong dentista bilang mga self-employed member. At para sa mga self-employed member, ang deadline ng pagbabayad ng inyong kontribusyon sa SSS ay tuwing huling araw ng kasunod na buwan ng applicable month o quarter.


Ibig sabihin, ang iyong kontribusyon para sa buwan ng Disyembre 2023 o di kaya’y para sa 4th quarter ng 2023 (Oktubre hanggang Disyembre 2023) ay maaari mong bayaran hanggang Enero 31, 2024.


Ito rin ang sinusunod na deadline ng contribution payment ng mga voluntary at non-working spouse member ng SSS.  


Sinu-sino ba ang mga self-employed? Sila ang mga indibidwal na kumikita mula sa kanyang sariling negosyo o propesyon na walang employer kung hindi ang kanyang sarili habang hindi pa siya umaabot ng 60 taong gulang.


Kabilang dito ang mga propesyonal tulad ng abogado o doktor, may sariling opisina man o wala, mga nagmamay-ari o magkasosyo sa negosyo, mga artista, direktor o manunulat ng pelikula na hindi itinuturing na empleyado, mga propesyonal na atleta, coaches, hinete at tagapagsanay, gayundin ang mga magsasaka at mangingisda na sinaklaw naman noong 1995. Kabilang din dito ang mga contractual at job order worker na nasa mga ahensya ng pamahalaan.


Sa kasalukuyan, ang SSS contribution rate ay 14% ng monthly salary credit na hindi hihigit sa P30,000. Maaari mo namang ibatay ang halaga ng iyong magiging buwanang kontribusyon, Abigail sa monthly salary credit o ang salary level kung saan nakabase ang iyong buwanang kita na idineklara mo naman sa iyong registration form o SS Form E-1 (Personal Record). 


Samantala, ang Schedule of Contributions ay makikita sa SSS website, www.sss.gov.ph o kaya’y sa Facebook page nito sa Philippine Social Security System. Dagdag dito, ang buwanang kontribusyon ng self-employed ay maaaring tumaas o bumaba batay sa iyong aktuwal na kinikita.


Halimbawa, Abigail ang idineklara mong buwanang kita sa registration form ay P19,250.


Batay sa Schedule of Contributions, ito ay katumbas sa P19,500 monthly salary credit at may kaukulang SSS contribution na P2,730 kada buwan at P30 naman kada buwan ang para sa iyong Employee’s Compensation (EC) contributions na may kabuuang halaga kontribusyon na P2,760 kada buwan. 


Simula noong September 2020 ay sakop na rin ng Employees’ Compensation Program ang mga self-employed member na katulad mo, Abigail. Ito ay karagdagang proteksyon kung sakaling ikaw ay magkasakit, mabalda o mamatay habang naghahanapbuhay. Ito ay nagkakahalaga ng P10 kada buwan kung ang kita mo ay P14,749.99 pababa at P30 naman kada buwan kung ang kita ay P14,750 pataas. 


***


Patuloy na tumatanggap ng aplikasyon ang SSS para sa loan penalty condonation program nito.  Inilunsad ang Consolidation of Past Due Short-Term Member Loans with Condonation of Penalty Program (Conso Loan) para tulungan ang mga miyembro na mayroong past-due loans sa SSS. Sa ilalim ng programa, hindi na sisingilin ang kaukulang penalties o multa ng kanilang past-due loans. Sa halip, ang tangi na lamang nilang babayaran ay ang orihinal o principal amount at interes nito.


Maaaring bayaran ang prinsipal at interes sa pamamagitan ng one-time full payment, o kaya’y bayaran kahit 10% nito bilang down payment at ang natitirang balanse ay babayaran nang hulugan sa loob ng hanggang 60 buwan o limang taon, depende sa halaga ng kanilang pagkakautang.


Sakop ng Conso Loan ang salary loan, calamity loan, Salary Loan Early Renewal Program (SLERP), emergency loan, at restructured loans gaya ng Loan Restructuring Program (LRP) noong mga nakaraang taon. 

 

 
 

@Buti na lang may SSS |December 30, 2023


Dear SSS, 

 

Magandang araw! Ako ay isang magsasaka dito sa General Tinio, Nueva Ecija. Nais ko sanang itanong kung paano maipagpapatuloy ng katulad kong magsasaka ang paghuhulog sa SSS. Salamat. — Mang Kiko

 

 

Mabuting araw sa iyo, Mang Kiko! 


Kinikilala ng SSS ang mahalagang tungkulin na ginagampanan ng mga magsasaka at mangingisda sa ating ekonomiya. Kaya noong Oktubre 1995, sinimulan ng SSS ang coverage ng mga magsasaka at mangingisda para mabigyan din sila ng kaukulang social security protection nang sa gayon ay may magagamit sila sa oras ng pagkakasakit, panganganak, pagkabalda, pagreretiro, inboluntaryong pagkawala ng trabaho, pagkamatay, pagpapalibing, at mga biglaang pangangailangan. 


Noong nakaraang taon, inilunsad ng SSS ang Flexible Payment Schedule ng Social Security (SS) at Employees’ Compensation (EC) contributions para sa lahat ng magsasaka, mangingisda, at mga self-employed individual sa informal economy.


Sa ilalim ng nasabing programa, maaari na kayong magbayad, Mang Kiko, ng inyong SSS contributions para sa nakalipas na 12 buwan mula sa kasalukuyang buwan.


Halimbawa, kung kayo ay magbabayad ng SSS contributions ngayong buwan ng Enero, maaari pa ninyong bayaran ang inyong mga kontribusyon para sa Enero hanggang Disyembre 2023.


Samantala, ang schedule na ito ay hindi applicable o ipinatutupad para sa ibang miyembro, lalo na sa mga regular na self-employed dahil hindi pinapayagan sa ganitong membership type ang retroactive payments. 


Narito naman ang comparison ng regular na payment schedule para sa mga self-employed member at ng bagong flexible payment schedule para sa mga magsasaka, mangingisda at self-employed individuals na kabilang sa informal economy:



Nakita ng SSS na ang regular payment schedule para sa mga self-employed member ay hindi akma o naaayon sa schedule ng kita ng ating mga magsasaka at mangingisda.


Hindi kasi sila tulad ng karaniwang manggagawa na tumatanggap ng sahod kada buwan, dahil sila ay nagkakaroon lamang ng kita sa panahon ng anihan ng kanilang pananim na may mga partikular na buwan lamang sa loob ng isang taon. 


Sa isinagawang pag-aaral ng SSS, lumalabas na may kaukulang harvest season ang mga magsasaka at ito ay:

  • Para sa palay

Pangunahing ani: Setyembre hanggang Disyembre

Ikalawang ani: Enero hanggang Abril

Kabuuang bilang ng buwan: 8 buwan/12 buwan

  • Para sa mais

Pangunahing ani: Hulyo hanggang Setyembre

Ikalawang ani: Pebrero hanggang Mayo

Kabuuang bilang ng buwan: 8 buwan/12 buwan


Dahil dito ay minarapat ng SSS na ibatay sa kanilang harvest season ang schedule ng pagbabayad ng kanilang kontribusyon para maipagpatuloy nila ang kanilang pagiging miyembro.


Ang halaga ng kontribusyon naman na kanilang babayaran ay batay sa idedeklara nilang buwanang kita. Sa kasalukuyan, maaari silang maghulog mula P570 hanggang P4,230 kada buwan. Kasama na rito ang kontribusyon sa ilalim ng EmployeesCompensation Program (ECP) na P10 kung ang Monthly Salary Credit o MSC ay P4,000 hanggang P14,500 at P30 naman kung ang MSC ay P15,000 o higit pa. 


Maaari silang magbayad ng kanilang kontribusyon gamit ang SSS Mobile App, Bayad o GCash app o kaya’y sa pamamagitan ng ShopeePay. Gayundin, maaari nila itong bayaran sa pamamagitan ng internet banking facility ng Security Bank at Union Bank of the Philippines, SSS branch na may tellering facility, accredited payment centers, at SSS-accredited partner agents.


Malaki ang magiging pakinabang ng isang magsasaka o mangingisda kung patuloy na maghuhulog sa SSS hanggang sa siya ay magretiro. Sa panahon ng inyong pagreretiro, Mang Kiko, ay aanihin ninyo ang naimpok sa SSS bilang buwanang pensyon kung kayo ay may naipon na 120 buwan na kontribusyon. Kayo rin ang makikinabang sa kontribusyong inihuhulog ninyo ngayon sa SSS at sa darating pang mga taon.


***


Patuloy na tumatanggap ng aplikasyon ang SSS para sa Consolidation of Past Due Short-Term Member Loans with Condonation of Penalty Program o Conso Loan, para tulungan ang mga miyembro na mayroong past-due loans sa SSS. Sa ilalim ng programa, hindi na sisingilin ang kaukulang penalties o multa ng kanilang past-due loans. Sa halip, tanging ang orihinal o principal amount at interes na lamang ang kanilang babayaran.


Maaaring bayaran ang prinsipal at interes sa pamamagitan ng one-time full payment, o kaya’y bayaran kahit 10% nito bilang down payment at ang natitirang balanse ay babayaran nang hulugan sa loob ng hanggang 60 buwan o limang taon, depende sa halaga ng kanilang pagkakautang.


Sakop ng Conso Loan ang salary loan, calamity loan, Salary Loan Early Renewal Program (SLERP), emergency loan, at restructured loans gaya ng Loan Restructuring Program (LRP) noong mga nakaraang taon. 


 
 

@Buti na lang may SSS |December 30, 2023


Dear SSS,


Magandang araw! Ako ay isang construction worker dito sa Taguig City. Nais kong itanong kung bakit kinakailangan akong magpamiyembro sa Social Security System (SSS)? Bakit ba ito mahalaga sa isang manggagawa na  katulad ko?


Salamat — Rob


Mabuting araw sa iyo, Rob!


Napapanahon ang iyong katanungan sapagkat sa susunod na mga araw ay ipagdiriwang natin ang pagsapit ng panibagong taon. Isa sa pinakamagandang maireregalo mo sa iyong sarili sa New Year ay ang pagkakaroon ng social security coverage, lalo na sa mga manggagawang katulad mo, Rob, na nagtatrabaho sa pribadong sektor. 


Para sa iyong kaalaman, ang SSS ay naitatag noong Setyembre 1, 1957 sa bisa ng Republic Act No. 1161 o ang Social Security Act of 1954. Layon ng batas na mabigyang proteksyon ang mga manggagawa sa pribadong sektor, maging mga propesyunal at nasa informal sektor. Bilang tugon, ang SSS ang itinalaga ng gobyerno upang pangasiwaan ang iba’t ibang social security programs para sa mga miyembro nito.


Samantala, ang paghuhulog sa SSS ay isang paraan ng pag-iipon para sa iyong pagreretiro, maging ang paghahanda sa oras ng pangangailangan o contingencies. 


Bilang isang miyembro, maaari kang makakuha ng benepisyo para sa pagkakasakit (sickness), panganganak (maternity), pagkabalda (disability), pagkawala ng trabaho (unemployment), pagreretiro (retirement), pagpapalibing (funeral) at pagkamatay (death). Kailangan lamang na makatugon ka sa mga kuwalipikasyon ng bawat benepisyo. Gayundin, maaari kang makahiram sa mga programang pautang nito tulad ng salary loan, calamity loan, educational assistance loan, at pension loan para naman sa retirement pensioners. 


Sinusundan ng SSS ang defined benefit system kung saan nagbibigay ng mga benepisyo tulad ng sickness at maternity allowance at pensyon na kinukuwenta gamit ang bilang ng naihulog na kontribusyon at monthly salary credit o ang salary level kung saan ibinabase ang halaga ng buwanang kontribusyon ng miyembro. Dahil dito, ang bawat manggagawa na nagiging miyembro ng SSS ay siguradong makatatanggap ng kaukulang benepisyo mula sa SSS basta’t may sapat na kontribusyon.


May kasabihan na “once a member, always a member” dahil panghabambuhay ang pagiging miyembro sa SSS. Kahit pa mahabang panahon na siyang hindi nakapaghulog ay hindi mawawalang bisa ang kanyang mga naihulog na kontribusyon sa SSS. 


Kaya, malaki ang maitutulong ng SSS sa mga taon ng iyong pagtatrabaho, Rob. Sa panahon ng iyong pagreretiro ay mapapakinabangan mo na ang naimpok mo sa SSS bilang pensyon na tatanggapin mo habang ikaw ay nabubuhay.


Ang SSS ay patuloy na mananatiling kaagapay ng bawat manggagawang Pilipino sa makabagong panahon at sinisiguro na makapagbigay ng tamang benepisyo sa mga miyembro at sa nararapat na benepisyaryo nito.  


***


Patuloy na tumatanggap ng aplikasyon ang SSS para sa loan penalty condonation program nito. Inilunsad ang Consolidation of Past Due Short-Term Member Loans with Condonation of Penalty Program (Conso Loan) para tulungan ang mga miyembro na mayroong past-due loans sa SSS. Sa ilalim ng programa, hindi na sisingilin ang kaukulang penalties o multa ng kanilang past-due loans. Sa halip, ang tangi na lamang nilang babayaran ay ang orihinal o principal amount at interes nito.


Maaaring bayaran ang prinsipal at interes sa pamamagitan ng one-time full payment, o kaya’y bayaran kahit 10% nito bilang down payment at ang natitirang balanse ay babayaran nang hulugan sa loob ng hanggang 60 buwan o limang taon, depende sa halaga ng kanilang pagkakautang.


Sakop ng Conso Loan ang salary loan, calamity loan, Salary Loan Early Renewal Program (SLERP), emergency loan, at restructured loans gaya ng Loan Restructuring Program (LRP) noong mga nakaraang taon.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page