top of page
Search

ni Bong Go @Bisyo Magserbisyo | April 12, 2023


Ayaw talaga natin ‘yung pumipila nang buong araw ang ating mga kababayan, makakuha lang ng serbisyo mula sa gobyerno. ‘Yan ang laging sinasabi sa akin ni dating Pangulong Rodrigo Duterte kahit noong mayor pa lang siya. Ang tunay na serbisyo ay nakikita sa maliliit na bagay na magpapagaan ng buhay ng mga tao. Kaya dapat maipagpatuloy ang mga sinimulang reporma, at tiwala naman ako sa bagong administrasyon na gagawin nila ang dapat upang mapagaan ang pinapasan ng ating mga kababayan.

Sa harap ng maraming hinaing ng ating mga kababayan na parating o papalabas ng ating bansa—maging sila man ay overseas Filipino workers o magbabakasyon lang— muli nating binigyang-diin na mahalagang maipasa ang ating inihain na Senate Bill No. 1185 o ang panukalang “Bureau of Immigration Modernization Act”.

Kung maisabatas, ito ay naglalayon na mapaganda at mas maging maayos ang immigration services ng ating bansa at maiiwasan din ang katiwalian sa trabaho sa pamamagitan ng pag-a-upgrade sa sistema ng BI, ng mga pasilidad nito at maging ng mga tauhan.

Binigyang-diin natin ito kasunod ng mga alegasyon ng katiwalian at mga reklamo sa serbisyo na nagresulta sa mga insidente na marami sa ating mga kababayan ang hindi nakasakay sa eroplano, partikular ang ating OFWs. Kailangang maipagpatuloy na i-modernize ang nasabing ahensya.

Ang BI rin ay marahil ang unang nakakaharap ng ating mga bisita pagdating sa bansa at ang kanilang serbisyo ay repleksyon ng ating sistema ng pamamalakad. Habang maituturing silang gatekeepers ng ating bansa, malaki rin ang epekto ng kanilang serbisyo sa reputasyon natin sa mga bisita.

Noong nakaraang administrasyon ni dating Pangulong Duterte, sinikap nating suportahan ang mga hakbang upang mas mapaganda at mamodernisa ang serbisyo ng BI. Bilang halimbawa, sinuportahan natin noon, noong hindi pa ako Senador, ang pagbubukas ng electronic gates system sa piling airports, tulad sa Davao City, Mactan-Cebu, Clark at pati NAIA, para mapabilis ang proseso ng mga bumibisita sa bansa.

Kung inyong matatandaan, kamakailan ay kinondena natin ang insidente kung saan ang isang BI officer ay nangotong diumano sa isang OFW. Hindi pinasakay sa eroplano ang OFW na patungo ng France kahit kumpleto na ang kanyang mga dokumento noon pang Agosto 7, 2022. Bagama’t kinikilala natin ang sipag at dedikasyon ng marami sa ating mga kawani ng gobyerno, hinding-hindi natin palalampasin ang mga gawain ng mga umaabuso sa kanilang kapangyarihan at sinisira ang tiwala ng ating mga kababayan. Managot ang dapat managot. Huwag nating hayaan ang mga nang-aabuso.

Kung maisasabatas ang SBN 1185, makakatulong ito para matugunan ang mga isyung matagal nang kinakaharap ng BI dahil layunin nitong mapabilis ang mga proseso ng ahensya, mabawasan ang red tape at korupsyon, at maipagkaloob sa publiko ang mas maayos at epektibong serbisyo.

Sa ilalim ng SBN 1185, ang kasalukuyang posisyon ng mga opisyal at kawani ng BI ay ia-upgrade para matugunan ang pangangailangan sa immigration services ng ating bansa na sa kasalukuyan ay mabilis na lumalaki. Ang paglikha ng mga bagong posisyon sa ilalim ng nasabing panukala ay magpapataas at magpapalakas sa pagiging produktibo at episyente ng ahensya. Kung mas mapapabuti rin natin ang compensation scheme ng mga nagtatrabaho sa ahensya, mas maiiwasan ang katiwalian.

Kapag naisabatas, pagkakalooban din ang BI Board of Commissioners ng mekanismo para magamit kada taon ang 30% ng koleksyon ng ahensya mula sa immigration fees, bayad at multa, at iba pang kinita na maaaring makolekta para ipatupad ang batas at masuportahan ang isinasagawang modernisasyon.

Panahon na upang masiguro na magiging ligtas at maayos ang paglalakbay ng bawat Pilipino sa kahit ano’ng airport sa bansa, lalo na ang ating mga OFWs. Mahal at suportado ko ang ating mga manggagawa sa loob at labas ng ating bansa. Naging instrumento nila tayo para maisabatas ang paglikha sa Department of Migrant Workers (DMW) sa pamamagitan ng Republic Act No. 11641, na naging co-author at co-sponsor tayo. Ito rin ang inaasam natin sakaling tuluyang maging batas ang SBN 1185—ang mabigyan ng proteksyon ang ating mga biyahero, at mas mapaganda ang serbisyo sa ating mga paliparan.

Samantala, bago ang Mahal na Araw ay naghatid ng tulong ang aking tanggapan sa 33 nating kababayang biktima ng magkakahiwalay na insidente ng sunog mula sa anim na barangay sa Cebu City. Kahapon, inalalayan din natin ang 50 nasunugan sa Bgy. Moonwalk, Parañaque City. Idinaos din ang inagurasyon ng itinayong Multi-Purpose Building sa Jose Dalman, Zamboanga del Norte na ating natulungang mapondohan.

Bilang suporta naman sa ating mga kapatid sa entertainment industry, dumalo tayo sa 1st Summer MMFF Gabi ng Parangal na ginanap sa Cubao, Quezon City. Matatandaan na inirekomenda ko noon ang pagkakaroon ng dagdag na film festival upang mabigyan ng mas maraming pagkakataon ang mga nasa industriya na maipamalas ang kanilang talento at galing. Natutuwa ako na naisakatuparan na ito.

Kaya naman hinihikayat ko ang lahat ng ating mga kababayan na suportahan ang mga pelikulang Pilipino sa Summer MMFF ngayong taon. Mapa-bata man o matanda, sigurado ako na may pelikulang para sa inyo sa festival na ito.

Sa ating pagbabalik mula sa mahaba-haba ring bakasyon, umaasa akong ang ilang araw na pahinga ay nagbigay sa ating lahat ng panibagong sigla upang ipagpatuloy natin ang ating mga pang-araw-araw na gawain para sa ating pamilya at sa ating bansa.


Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.


Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.

 
 

ni Bong Go @Bisyo Magserbisyo | April 5, 2023



Inaalala natin ngayong linggo ang buhay, kamatayan at muling pagkabuhay ng ating Panginoong Hesu-Kristo. Panahon din ito para magkaroon tayo ng repleksyon sa Kanyang mga aral na iniwan sa atin, at sa ating mga sariling kalooban ay humihingi ng kapatawaran sa ating mga nagawang kasalanan. Lumalahok din tayo sa iba’t ibang tradisyong kaakibat ng Semana Santa gaya ng pabasa ng Pasyon, pagbisita sa mga simbahan, pagdarasal, at pagpapatawad sa mga nagkasala sa atin.


Dahil naman sa mahabang bakasyon, nagkakaroon tayo ng oras para makapiling ang ating mga mahal sa buhay. Magandang pagkakataon din ito para magkaroon tayo ng pansamantalang panahon para makapagpahinga sa ating mga gawain at ma-recharge ang ating mga katawan at isipan.


Isama natin sa ating mga panalangin na sana ay magtuluy-tuloy na ang pagganda ng ating ekonomiya at tuluyan na tayong makabalik sa normal. Ipagdasal din natin na maging ligtas ang ating bansa sa mga mapaminsalang kalamidad at sakuna, at patuloy na umiral ang pagbabayanihan, pagkakaisa at pagmamalasakit sa kapwa Pilipino.


Anuman ang inyong aktibidad ngayong Holy Week, umaasa ako na maging ligtas kayong lahat at ingatan ang inyong mga kalusugan. Napakainit ng panahon, kaya tiyakin na lagi kayong hydrated at huwag magbababad sa ilalim ng araw sa mga oras na napakatindi ng init. Umaasa ako na sa ating pagbabalik sa ating mga gawain sa mga susunod na linggo, taglay natin ang panibagong sigla sa pisikal at espiritwal nating kalagayan.


Samantala, sa pagsisimula ng Semana Santa ay tinutukan pa rin natin ang ating mga gawain bilang lingkod bayan.


Noong Abril 1, biyaheng Bayombong, Nueva Vizcaya tayo para daluhan ang 32nd Annual General Assembly ng Tam-an Banaue Multipurpose Cooperative. Ang Tam-an BMPC ay isang malaking kooperatiba na tumutulong sa kabuhayan ng mga residente sa kanilang komunidad. Sa aking mensahe, ipinaabot ko sa mga opisyal at miyembro ng kooperatiba na malaki ang kanilang papel na ginagampanan sa pagpapaangat ng buhay ng ating mga kababayan at pagtugon sa mga problema ng kahirapan sa ating bansa.


Ibinahagi ko rin sa kanila ang mga programa at batas na naisulong natin sa Senado para mas mapalakas pa ang mga kooperatiba. Isa rito ang Republic Act No. 11535, na co-author ako, at nilagdaan ni dating Pangulong Rodrigo Duterte noong Hulyo 27, 2021.


Itinatakda ng nasabing batas ang pagtatalaga ng cooperative development officers sa bawat munisipyo, lungsod at probinsya para mas mapalakas ang kapasidad ng mga kooperatiba at masuportahan ang kanilang patuloy na pag-unlad.


Nagpapasalamat naman ako sa Tuwali Tribe na idineklara tayo bilang honorary son ng kanilang tribo, at kinilala bilang “Aliguyon” na ang ibig sabihin ay dakila at mapagkalingang lider. Ito rin ang pangalan ng kanilang Ifugao hero sa epikong “Hudhod ni Aliguyon” na isang magiting na mandirigma at pinuno ng Hannanga. Bahagi ng pagkilala sa atin, pinagsuot tayo ng kanilang tribal garments gaya ng scarf, sash, belt, headpiece, spear at itak.


Nagsagawa rin tayo ng monitoring visit sa Malasakit Center na nasa Region 2 Trauma and Medical Center. Namahagi tayo ng personal na tulong sa 234 in-patients at sa 1,494 frontliners kabilang na ang mga security guards, utility workers, at hospital staff. May dagdag namang hiwalay na pinansyal na tulong ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa mga kuwalipikadong pasyente ru’n.


Matapos ito ay pinangunahan natin ang pagkakaloob ng tulong sa 500 magsasaka ng Bayombong na lubos na naapektuhan ang hanapbuhay dahil sa hagupit ng Bagyong Paeng. Ang DSWD ay may hiwalay ding tulong para sa mga kuwalipikadong benepisyaryo.


Hindi rin natin kinaligtaang alalayan ang ating mga kababayang nahaharap sa iba’t ibang krisis.


Nabigyan ng aking tanggapan ng ayuda ang 119 mahihirap na residente ng Sto. Domingo, Nueva Ecija; at 43 pa sa Arayat, Pampanga. Nagkaloob din tayo ng tulong sa 60 out-patients ng Ospital ng Lungsod ng San Jose del Monte, Bulacan.


Inalalayan din natin ang mga pamilyang naapektuhan ng sunog sa iba’t ibang bahagi ng bansa—kabilang ang 74 biktima sa Bgy. Merville, Parañaque City; 63 sa Barobo, Surigao del Sur; dalawa sa Cotabato City; isa sa Kidapawan City; isa sa Carmen, at 12 sa Antipas, Cotabato province; at tig-iisang pamilya mula sa Tacurong City, Esperanza at Lambayong sa Sultan Kudarat.


Ngayong Holy Week, ang personal ko namang panalangin ay ang magkaroon pa tayo ng sapat na lakas at kakayahan na maipagpatuloy ang pagmamalasakit at pagseserbisyo sa inyong lahat sa abot ng aking makakaya at kapasidad. Ito ang aking paraan ng paglilingkod sa Diyos dahil naniniwala ako na ang serbisyo sa tao ay serbisyo sa Diyos.


Umaasa rin ako na sa ating magiging pagninilay ngayong Semana Santa, bigyan sana tayong lahat ng oportunidad na maisagawa ang isa sa dakilang aral ng Panginoong Hesu-Kristo—ang mahalin at magmalasakit sa ating kapwa gaya ng pagmamahal natin sa ating sarili.


Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.


Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.

 
 

ni Bong Go @Bisyo Magserbisyo | April 2, 2023



Ang patuloy na pagpapatayo ng mga imprastruktura sa iba’t ibang bahagi ng ating bansa ay napakahalaga upang mabilis tayong makabangon mula sa pandemya at sumigla ang ating ekonomiya. Naghahatid din ito ng balanseng oportunidad para sa pag-unlad ng bawat komunidad.

Maganda ang naging bunga ng Build, Build, Build (BBB) Program ng administrasyong Duterte, na prayoridad ang pagpapatayo ng iba’t ibang imprastruktura gaya ng mga highway, airport, seaport, atbp. Importanteng maipagpatuloy ang programang ito upang matiyak ang patuloy na pag-unlad ng ating bansa.

Malaki ang pasasalamat natin kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr., dahil ipinagpapatuloy niya ang programa sa pamamagitan ng inisyatibang “Build Better More”. Kamakailan, inaprubahan ng National Economic and Development Authority (NEDA) ang 194 high-impact priority projects sa ilalim ng Build Better More program na nagkakahalaga ng P9 trilyon. Lilikha ito ng maraming oportunidad at trabaho para sa ating mga kapwa Pilipino, mapaganda ang serbisyo ng gobyerno, at magkakaroon ng komportableng buhay ang ating mga kababayan.

Ito ang dahilan kaya suportado natin ang pagpapatayo ng New International Airport sa Bulacan.

Isa itong oportunidad sa ating mga kababayan sa labas ng Metro Manila, at para na rin pagaanin ang daloy ng trapiko sa Kamaynilaan. Isang paraan din ito para masolusyonan ang mga problemang nararanasan ng mga pasahero ru’n.

Isa naman sa mga proyekto ng BBB program ay ang Calapan Port Passenger Terminal Building ng Philippine Ports Authority sa Calapan City, na dinaluhan natin ang inagurasyon, noong Marso 27, bilang guest speaker, world-class ang disenyo, at ito ang pinakamalaking passenger terminal building sa ating bansa.

Sa mga nakalipas na araw, nabisita rin natin at nainspeksyon ang ilan sa infrastructure projects na isa tayo sa naging instrumento para mapondohan, gaya sa San Jose del Monte City Convention Center sa Bulacan; dalawang palapag na public market sa Don Salvador Benedicto, Negros Occidental; dalawang multi-purpose buildings sa Bgy. Batasan at Bgy. Commonwealth sa Quezon City; bagong Provincial Administration Building sa Sta. Cruz, Laguna; at ang Santo Domingo-Aliaga Road and Bridge sa Nueva Ecija. Ilan lamang ito sa handog ng gobyerno sa taumbayan para mas maisaayos ang serbisyo-publiko sa kanilang komunidad.

Bago ang Semana Santa, tuluy-tuloy naman ang ating mga gawain sa loob at labas ng Senado. Nasaksihan kahapon ang inagurasyon ng dalawang Multi-Purpose Building sa Quezon City, Promise, Bgy. Bagong Silangan at Kasundan Extension, Bgy. Commonwealth.


Instrumento tayo para mapondohan ang dalawang proyektong ito. Pinangunahan din natin ang pamamahagi ng ayuda para sa 1,000 mahihirap na residente mula sa dalawang barangay.

Noong Marso 30, ay nasa Surigao naman tayo at sinaksihan ang blessing, inauguration at turnover ng Bgy. Mangagoy Evacuation Center sa Bislig City.


Naging instrumento rin tayo para mapondohan ito, malaking tulong ito sa mga residenteng walang pansamantalang matutuluyan kapag may kalamidad o sakuna.


Nagbigay din tayo ng tulong sa mga residente sa nasabing barangay.


Matapos ito ay dumiretso tayo sa Agusan del Sur para saksihan naman ang groundbreaking ng Sta. Josefa Super Health Center, turnover ng road concreting project sa Bgy. Poblacion na natulungan din nating mapondohan, at nag-abot din tayo ng tulong sa mahihirap na mga residente ru’n.

Samantala, dinaluhan din namin ang 32nd Annual Convention ng Prosecutor’s League of the Philippines, Inc. (PLP), kasama si ex-P-Duterte, noong Marso 29 sa Davao City.


Binanggit ko rito ang isa sa mahalagang batas na naging co-author ako, at ito ang Republic Act No. 11643 na kung saan nagkakaloob ng survivorship benefits sa naiwang legitimate spouse and dependent children ng namayapang retired members ng National Prosecution Service. Ito ay bilang pagkilala sa mga sakripisyo ng mga prosecutors sa kanilang naging tungkulin.

At noong Marso 28, dinaluhan naman natin ang ribbon cutting ceremony at blessing ng 256-Slice CT Scan Machine, at bagong renovate na auditorium sa HQ AFP Health Services Command, Camp V. Luna sa Quezon City.


Matapos ito, personal nating tiningnan ang sitwasyon at pinagkalooban ng tulong ang 114 residente ng Parola Compound, Binondo sa Maynila na nasunugan.

Bukod naman sa pagdalo sa inagurasyon ng Calapan Port Passenger Terminal Building noong Lunes, na aking naunang nabanggit, sinaksihan din natin ang groundbreaking ng itatayong Guinobatan Super Health Center sa Calapan City.


Nag-inspeksyon din tayo sa itinatayong Sentrong Pangkabataan sa naturang siyudad, na ating ipinaglabang mapondohan, at nagsagawa rin tayo ng monitoring visit sa Malasakit Center na nasa Oriental Mindoro Provincial Hospital.


Nag-abot din tayo ng tulong sa mga apektado ng oil spill sa mga bayan ng Pola at Roxas.


Nauna na nating natulungan ang mga apektado sa Gloria at Pinamalayan.


Naglibot naman sa iba’t ibang komunidad ang aking relief team upang mamahagi ng tulong sa mga kababayan nating apektado ng iba’t ibang krisis. Maagap tayong umalalay sa mga nasunugan sa Bulacan gaya ng 39 residente ng Calumpit, 10 sa Obando at 1 sa

Malolos. Naalalayan din ang 24 nasunugan sa Bgy. Tambo, Parañaque City; 6 sa Bgy. San Francisco, Pampanga at 1sa Bataan. Nabigyan din ng tulong ang 333 mahihirap na residente ng Dinagat Island, 166 sa Tanauan, Batangas, 127 sa Bacolod City, siyam dito ang nasunugan, at 100 pa sa Pulupandan, Negros Occidental.


Mga kapwa ko Pilipino, Semana Santa na sa susunod na linggo. Sama-sama nating gawing panata ang makatulong sa ating mga kapwa Pilipino sa abot ng ating makakaya.


Magdasal tayo at magpasalamat sa buhay na ibinigay ng Panginoon sa atin.


Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.


Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page