top of page
Search

ni Bong Go @Bisyo Magserbisyo | Marso 20, 2024

Ang edukasyon ay isa sa pangunahing karapatan ng ating mga kababayan at isa rin sa mahalagang tagapagsulong ng pag-unlad ng ating ekonomiya. Ang pagkakaroon ng access sa maayos na edukasyon ay magkakaloob sa mga mamamayan ng mas magagandang oportunidad para umangat ang kanilang kalagayan sa buhay. 


Kaya naman nagpapasalamat tayo kay Pangulong Ferdinand Marcos, Jr., dahil ganap nang batas ang Republic Act No. 11984, o ang “No Permit, No Exam Prohibition Act” matapos niyang lagdaan noong March 11, 2024. Isa tayo sa may-akda at nag-co-sponsor nito sa Senado, habang ang principal sponsor nito ay si Sen. Chiz Escudero at principal author naman si Sen. Bong Revilla. 


Sakop ng naturang batas ang lahat ng public and private educational institutions, mula sa basic (K-12) level hanggang sa higher education institutions, kabilang ang technical-vocational institutions na nag-o-offer ng mga kursong lampas ng isang taon. 


Ang RA 11984 ay magkakaloob ng mga mekanismo at alituntunin para matiyak na hindi magiging hadlang ang kahirapan sa mga “disadvantaged students” na makapag-exam o makatapos ng iba pa niyang educational requirements. 


Ang DSWD ang tutukoy kung sino ang maituturing na disadvantaged students na mabibigyan ng konting palugit kung kakailanganin para hindi maantala ang pag-aaral habang sinisikap nilang mabayaran ang kanilang matrikula at iba pang bayarin. 


Sa atin dito, ayaw natin hayaang maantala ang kanilang hangaring makapagtapos ng pag-aaral dahil sa pasanin na dulot ng kahirapan. Mahirap na nga, huwag na sanang pahirapan pa. Tulungan natin silang makapagtapos para maiahon ang kanilang pamilya mula sa hirap. 


Ang tanging paalala lang natin ay dapat maimplementa nang maayos ang batas para hindi rin naman makompromiso ang mga eskwelahan. Konting palugit lamang ito para makapag-exam pa rin ang mga kwalipikadong mahihirap na estudyante habang hindi pa makabayad ng matrikula on time, ngunit kakailanganin pa ring masunod ang mga requirements ng mga eskwelahan para makapagtapos ng pag-aaral. 


Bilang inyong Mr. Malasakit, lagi nating prayoridad na mabigyan ng magandang kinabukasan ang kabataan sa pamamagitan ng maayos na edukasyon. Dahil sa tagumpay ng Republic Act No. 10931, o ang Universal Access To Quality Tertiary Education Act, na nilagdaan ni dating Pangulong Rodrigo Duterte noon, isinusulong rin natin ngayon ang Senate Bill No. 1360 na naglalayon na mapalawak pa lalo ang coverage ng tertiary education subsidy sa pamamagitan ng pag-amyenda sa RA 10931.


Kung maisabatas, malaking tulong ito sa mga qualified Filipino students dahil magkakaroon na sila ng mas maraming options upang makapag-aral sa institution na nais nilang pasukan.


Co-author din tayo ng SBN 1864, o ang Student Loan Payment Moratorium During Disasters and Emergencies Act, na kung maisabatas ay naglalayon na mapagkalooban ng tulong ang mga estudyante na nagkaroon ng utang sa matrikula pero hindi mabayaran dahil sa mga sakuna at iba pang emergencies.


Bukod dito, iniakda din natin ang SBN 1964, o ang Kabalikat sa Pagtuturo Act, na naglalayon na mapalaki ang taunang teaching supplies allowance na ipinagkakaloob sa ating mga mahal na guro kung maisabatas. Nariyan din ang ating ipinanukalang SBN 1190 para naman mapalawak ang sakop ng Special Education Fund, kung maisabatas ito para magamit sa operasyon at pangangalaga sa mga pampublikong paaralan, suweldo at benepisyo para sa teaching and non-teaching personnel, pagkakaloob ng competency training sa teaching personnel, at iba pa. 


Nag-file rin tayo ng SBN 1786 na kung maisabatas ay nag-aatas sa Higher Education Institutions na magtatag ng mental health offices para mapangalagaan ang mental health ng mga estudyante at empleyado ng institusyon. Co-author din tayo ng SBN 379, o ang Basic Education Mental Health and Well-Being Promotion Act.


Bukod sa access to education, nais din nating ilapit ang serbisyo publiko sa mga taong nangangailangan kung kaya’t tuluy-tuloy tayo sa paghahatid ng tulong sa mga kababayan nating nahaharap sa iba’t ibang krisis. 


Noong March 18 ay personal nating binisita at binigyan ng tulong ang 197 residente ng Brgy. San Roque, Quezon City na naging biktima ng insidente ng sunog kamakailan.


Bilang Fire Prevention Month ngayon, paigtingin natin lalo ang pag-iingat upang maproteksyunan ang ating komunidad mula sa sunog. 


Kahapon, March 19, dumalo tayo sa Liga ng mga Barangay sa Pilipinas South Cotabato Chapter 21st Provincial Liga Congress na ginanap sa Pasay City sa paanyaya ni LNB Chapter President Neil Ryan Escobillo. Ang tema nilang “Ang Barangay sa Bagong Pilipinas: Magaling, Marunong, at Mapayapa” ay sumasalamin sa adhikain nating lahat na maghatid ng epektibong serbisyo sa kanilang nasasakupan. Bilang suporta, nagbigay ako ng konting tulong sa mga opisyal doon at nag-iwan ng payo na palaging unahin ang interes ng kapwa nating Pilipino. 


Masaya ko ring ibinabalita na isinagawa na ang inagurasyon ng itinayong Super Health Center ng Department of Health sa Magallanes, Cavite. 


Nakapunta rin ang ating Malasakit Team sa iba’t ibang komunidad para matulungan ang mga naging biktima ng magkakahiwalay na insidente ng sunog kabilang ang 52 sa Brgy. 157, Pasay City; 188 sa Brgy. Culiat, Quezon City; siyam sa Alabel, Sarangani Province; at 515 sa Brgy. Looc, Mandaue City. 


May nabigyan din tayo ng dagdag tulong na 81 na biktima noon ng sunog sa Navotas City na nakatanggap pa ng hiwalay na suporta mula sa NHA sa ilalim ng programang isinulong natin noon para may pambili ang mga ito ng pako, yero, semento at iba pang materyales sa pagtatayong muli ng kanilang tahanan.


Naayudahan din ng aking opisina ang 40 kababaihan sa ginanap na Women’s Month Celebration sa Bulaluhan sa Brgy. Concepcion, Malabon City; at 100 na kababaihan sa 1st Women’s Day Celebration sa Brgy. Tambo, Island Garden City of Samal. 


Natulungan din ang 115 mahihirap na estudyante sa Victorias City, Negros Occidental katuwang si Councilor Dereck Palanca; 305 mahihirap na residente ng Brgy. Poblacion, Dapa, Surigao del Norte katuwang si Brgy. Capt Susana Chua; at 1,000 benepisyaryo na miyembro ng Muslim communities sa Maguindanao del Norte katuwang si Vice Mayor Shameem Mastura.


Bisyo na natin ang magserbisyo, at sa ating walang tigil na pagseserbisyo ay patuloy tayong maghahanap ng paraan na tumulong sa abot ng ating makakaya sa mga kababayan nating nangangailangan. Magkaisa tayo sa ating iisang layunin na maiangat ang buhay ng bawat Pilipino at mabigyan ng mas magandang kinabukasan ang ating mga anak.

Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.


Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.

 
 

ni Bong Go @Bisyo Magserbisyo | Marso 16, 2024


Nagsagawa ng pagdinig sa Senado noong March 12 ang Senate Committee on Health na ating pinamumunuan at pinag-usapan ang pagpapabuti at pag-a-upgrade ng mga public health facilities sa buong Pilipinas. 


Sa hearing, binigyang-diin ko na ang pagpapalakas sa ating healthcare system ay isang mahalagang investment para sa kinabukasan ng ating bansa at sa kalusugan ng bawat Pilipino.


Ang mga layuning ito ang nagtulak sa atin upang isulong at suportahan ang mga panukalang pagpapatayo at pagsasaayos ng mga pampublikong ospital sa iba’t ibang komunidad. Ngunit bago natin ipasa ang mga panukalang ito, dapat ding siguraduhin na ang bawat ospital ay may sapat na pondo para sa pagpapatakbo at pagpapanatili sa mga ito.


Importante na maging operational ang mga health facilities at masiguro na kayang pondohan ang mga ito. Sabi ko nga, baka laging nag-aapruba ng mga batas kaming mga mambabatas pero wala namang budget, kaya napakaimportante na naroon sa ginanap na pagdinig ang mga taga-Department of Finance at ang Department of Budget and Management.


Umapela rin tayo sa iba nating kasamahan sa gobyerno na gamitin ang pera ng bayan para matulungan ang mga mahihirap. Dapat ang mga mahihirap na kababayan natin ang makikinabang dito sa mga ospital na ito. Unahin natin sila, lalo na ang mga helpless at hopeless nating kababayan.


Binigyang-diin din natin na walang sinumang pasyente ang dapat tanggihan ng gobyerno ng tulong pampagamot na kailangan nila. May mga medical assistance programs naman ang gobyerno na puwedeng ma-avail sa mga Malasakit Centers. Pera naman ng taumbayan ‘yan. Dapat lang na ibalik sa kanila sa panahon ng kanilang pangangailangan lalo na pagdating sa kalusugan.


Ito ay isang paalala na ang bawat kuwalipikadong Pilipino ay may karapatang makatanggap ng karampatang tulong at serbisyong medikal mula sa gobyerno. Sabi ko nga, alam ninyo minsan, ang ibang mga kababayan natin, umuuwi na lang, takot magpaospital, ang iba ay nalalagutan na lang ng hininga dahil sa takot sa babayaran sa ospital.Huwag nating hayaang may nais magpagamot na uuwi ng luhaan o bigo. May pondo naman para makatulong sa kanila.


Kung nagagamit nang tama ang mga programang ito at mapakinabangan ng taumbayan ang pondo ng bayan, dapat walang malalagutan ng hininga dahil sa kahirapan.Ilapit natin ang tulong ng gobyerno sa tao sa pamamagitan ng mabilis, maayos at maaasahang serbisyo. At dahil bisyo ko na ang magserbisyo, walang tigil ang ating paghahatid ng tulong sa mga komunidad natin na nangangailangan.


Masaya kong ibinabalita na noong March 13 ay isinagawa na ang groundbreaking ng itatayong Super Health Center sa Maramag, Bukidnon. Sa araw na iyon ay ginanap naman ang turnover ceremony ng itinayong Super Health Center sa Claver, Surigao del Norte. Nitong mga nakaraang araw din ay sinaksihan natin ang turnover ng Super Health Centers sa mga bayan ng Mabuhay at Olutanga sa Zamboanga Sibugay.


Nasaksihan din natin ang blessing ng Super Health Center sa Rizal, Nueva Ecija. Ang Super Health Centers ay isinulong natin kasama ang Department of Health, mga local government units at mga kapwa natin mambabatas upang mas mailapit sa tao ang pangunahing serbisyong medikal na kailangan ng mga komunidad.


Nasa Pampanga naman tayo noong March 14 at nagkaloob ng tulong sa mga benepisyaryo ng isinagawang medical mission sa Lubao, kasama sina Governor Delta Pineda at Vice Governor Nanay Pineda. Matapos ay binisita natin ang itinayong Super Health Center sa lugar. Bumisita rin tayo sa Arayat para personal na saksihan ang inagurasyon ng Super Health Center doon. Nagkaloob tayo ng tulong sa mga taga-Arayat na nawalan ng hanapbuhay, kasama sina Mayor Madir Alejandrino, Vice Mayor Bon Alejandrino at iba pang alkalde ng probinsya.


Nagpapasalamat tayo sa mga taga-Arayat sa pagdeklara sa atin bilang adopted son ng kanilang bayan. Dumiretso rin tayo sa Zambales para dumalo sa Liga ng mga Barangay Tarlac City Congress sa paanyaya ni Mayor Cristy Angeles.


Masaya ko ring ibinabalita na sa araw ding iyon ay isinagawa na ang groundbreaking ng itatayong Super Health Center sa Balo-i, Lanao del Norte na dinaluhan ng aking opisina.


Kahapon, March 15, nasa Pangasinan naman tayo para personal na saksihan ang inagurasyon ng Super Health Center sa Mapandan. Nagkaloob tayo ng tulong sa 500 residente na nawalan ng hanapbuhay kasama ang Department of Labor and Employment. Nakipagdiwang din tayo sa ginanap na Pandan Festival at nagkaloob ng suporta sa 200 festival attendees. 


Matapos ito ay dumiretso tayo sa Nueva Ecija at nag-inspeksyon sa itinayong Super Health Center sa Science City of Muñoz. Nagbigay tayo ng tulong sa 700 mahihirap na residente sa lugar katuwang si Cong. GP Padiernos. Bilang adopted son ng parehong probinsya ng Pangasinan at Nueva Ecija, sisikapin kong makatulong sa aking mga kababayan doon sa abot ng aking makakaya.


Kahapon din ay sinaksihan namin ang groundbreaking ng itatayong Super Health Center sa Jamindan, Capiz, gayundin ang soft launching ng itinayo namang Super Health Center sa Talisay, Camarines Norte, at ang grand opening ng Pili Public Market at groundbreaking ng itatayong Super Health Center sa Pili, Camarines Sur na ating isinulong noon.


Ang ating Malasakit Team naman ay pumunta sa iba’t ibang lugar sa bansa para maghatid ng tulong sa mga kababayan nating nahaharap sa iba’t ibang krisis.


Naayudahan ang mga naging biktima ng sunog kabilang ang 103 sa Roxas City, Capiz; 210 sa Parañaque City; 193 sa Las Piñas City; tatlo sa Maitum, Sarangani; lima sa General Santos City; 24 sa Cagayan de Oro City; 27 sa Marihatag, Surigao del Sur; 37 sa Balindong, Lanao del Sur; at sampu sa Marawi City. 


Bilang Fire Prevention Month ngayong Marso, paalala lang sa lahat na mag-ingat at panatilihing ligtas ang komunidad laban sa sunog.


Naabutan din ng tulong ng aking opisina ang ilang mahihirap na residente ng Quezon City katuwang si Councilor Mikey Belmonte, gayundin ang 300 benepisyaryo sa isinagawang medical and dental mission sa San Remigio, Antique kasama si Vice Governor Ed Denosta. Natulungan din ang mga nawalan ng hanapbuhay gaya ng 177 sa Masinloc, Zambales; at 169 sa Mulanay Quezon, na nabigyan din ng DOLE ng pansamantalang trabaho.Bilang inyong Mr. Malasakit, patuloy akong tutulong at magseserbisyo sa inyo sa abot ng aking makakaya.


Tuloy ang aking pagseserbisyo sa kapwa ko Pilipino dahil naniniwala ako na ang serbisyo sa tao ay serbisyo ‘yan sa Diyos.


Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.


Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.

 
 

ni Bong Go @Bisyo Magserbisyo | Marso 13, 2024


Masaya kong ibinabalita na pinangunahan natin, kasama si Senate Majority Floor Leader Joel Villanueva, ang pagbubukas ng ika-161 Malasakit Center sa ating bansa na nasa Joni Villanueva General Hospital sa Bocaue, Bulacan noong March 11. 


Dumalo rin sina Congressman Ambrosio “Boy” Cruz Jr., Governor Daniel Fernando, Vice Governor Alex Castro, Mayor Eduardo “JJV” Villanueva, Vice Mayor Sherwin Tugna, former congressman Domingo Rivera, gayundin ang mga opisyal ng Department of Health gaya ni Undersecretary Maria Rosario Vergeire na nirerepresenta si Secretary Ted Herbosa. 


Sa panibagong milestone na ito ng Malasakit Centers program ng gobyerno, mayroon na ngayong 90 sa Luzon, 30 sa Visayas, at 41 sa Mindanao. Sa Region 3, ito na ang ika-16 na Malasakit Center sa Central Luzon, at ang pang-apat sa probinsya ng Bulacan kabilang ang mga unang naitatag na nasa Bulacan Medical Center sa Malolos City, Rogaciano M. Mercado Memorial Hospital sa Sta. Maria, at Ospital ng San Jose del Monte.


Ang Malasakit Centers program ay na-institutionalize noong 2019 sa bisa ng Republic Act No. 11463 matapos maipasa ng mga kasamahan ko sa buong Kongreso, at kung saan tayo ang principal sponsor at author ng naturang batas. 


Ang Malasakit Center ay isang one-stop shop, kung saan nandidiyan na sa loob ng hospital ang PhilHealth, PCSO, DOH, at DSWD na tutulong sa ating mga kababayan sa kanilang hospital billing. May social worker po doon para magga-guide sa ating mga pasyente sa kanilang hospital bill at pagpapagamot. Sa datos ng DOH ay mahigit 10 milyon na ang natulungan ng mga Malasakit Centers sa buong bansa. 


Bilang Chair ng Senate Committee on Health, tayo rin ang principal sponsor ng Republic Act No. 11720 o An Act Establishing the Joni Villanueva General Hospital, at co-sponsor naman si Senator Villanueva. Ang pagkakatatag sa JVGH ay isang pagpapakita rin ng dedikasyon ng ating pamahalaan na mapaganda ang healthcare infrastructure at mailapit ang serbisyo medikal sa mga Pilipino. Nagpapasalamat tayo sa suporta ng ating mga kapwa mambabatas at mga lokal na opisyal ng Bocaue para maisakatuparan ang proyektong ito. 


Matapos naman ang paglulunsad ng naturang Malasakit Center, kasama ang aking Malasakit Team ay personal din tayong nagkaloob sa mga empleyado ng ospital at pasyente ng pagkain, grocery packs, vitamins, masks, shirts, at bola ng basketball at volleyball. May ilan na nakatanggap din ng bisikleta, bagong sapatos, cellular phones at relo. Nakatanggap din ang 100 pasyente ng ospital ng hiwalay na tulong pinansyal mula sa national government. 


Samantala, naghanda rin ang aking tanggapan sa araw na iyon ng palugaw para sa mga pasyente at kaanak ng mga ito na nakapila sa Malasakit Center bilang pagbibigay ng importansya sa nutrisyon ng bawat Pilipino.


Noong March 9 ay naging panauhing pandangal tayo sa isinagawang pagtitipon ng Carl Balita Review Center para sa LET Ultimate Final Coaching sa Cuneta Astrodome sa Pasay City. Binigyang-pugay natin ang mga future teachers at iba pang aspiring professionals na nakatakdang kumuha ng board exam para sa Licensure Examination for Teachers. Pinasalamatan natin si Dr. Carl Balita at ang mga bumubuo ng CBRC, at ang mga dumalo para sa Gawad Banyuhay 2024 na mga dekano at presidente ng iba't ibang unibersidad sa bansa.


Masaya ko ring ibinabalita na kahapon, March 12, ay pinasinayaan na ang itinayong Super Health Center sa Dolores, Eastern Samar. 


Samantala, nag-groundbreaking naman ang itatayong Super Health Center sa Brgy. San Simon sa Cagayan de Oro City noong March 8 kung saan namahagi rin ang aking Malasakit Team ng grocery packs sa ilang residente roon. 


Nakarating din ang aking Malasakit Team para maghatid ng tulong sa ating mga kababayan sa iba’t ibang komunidad. Naayudahan natin ang mga naging biktima ng magkakahiwalay na insidente ng sunog, kabilang ang 122 sa Brgy. 330, Zone 33, 1478 Fugoso Street, Sta Cruz, Maynila; dalawa sa Purok 2, Barangay Aundanao, Island Garden City of Samal; 183 sa Brgy. Nicolas, La Paz, Iloilo City; at anim sa Tanza, Cavite. 


Naayudahan din ang 146 na nawalan ng hanapbuhay sa Alabang, Muntinlupa City katuwang si Congresswoman Marissa del Mar Magsino. Ang mga ito ay nabigyan din ng national government ng pansamantalang trabaho. 


Natulungan din ang 160 maliliit na negosyante sa Bani, Pangasinan katuwang si Vice Mayor Yamamoto. Nakatanggap din ang mga ito ng tulong mula sa national government.


Nag-abot din tayo ng dagdag na tulong sa 175 TESDA graduates sa Brgy. Talamban, Cebu City katuwang ang Call Center Academy.


Bilang bahagi ng Women’s Month Celebration, nagbigay tayo ng dagdag na tulong para sa 2,000 kababaihan ng Governor Generoso sa Davao Oriental katuwang ang maybahay ni Mayor Kulot Inojales na si Ms. XZ May Inojales at Vice Mayor Kat Orencia. Maging ang 1,000 na kababaihan na dumalo sa isang Zumba at concert activity sa Brgy. Payatas, Quezon City katuwang si Councilor Mikey Belmonte ay nabigyan din ng tulong ng ating Malasakit Team. 


Samantala, binabati naman natin si dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte bilang sole Datu Bago Awardee para sa taong 2024 mula sa Datu Bago Awardees Organization Inc. Gaganapin ang paggawad sa kanya ngayong March 13 sa Davao City, at nakasentro lamang sa kanya ang okasyon bilang nag-iisang awardee ngayong taon.


Sa loob ng 36 na taon, halos kalahati na ng buhay ni Tatay Digong ang inilaan niya sa pagseserbisyo sa Davao City. It is long overdue, matagal na ito. At siya talaga ang pinaka-deserving na Davaoeño na makakuha ng award na ito. Walang katulad na pamumuno ang naging kontribusyon niya sa kaunlaran ng Davao City, kabilang ang mariing pagpapatupad ng peace and order, social welfare, at mga proyektong tumutulong na pagpapalawak ng ekonomiya at pagpopondo ng mga imprastraktura sa siyudad. 


Pero may recognition man o wala, patuloy na maglilingkod si Tatay Digong nang tapat.


Noon pa man, saksi tayo sa dedikasyon, tapang at pagmamahal sa pagseserbisyo para sa bayan, kapwa Davaoeño at mamamayang Pilipino.


Sa ating pagtupad sa tungkuling ipinagkatiwala ng mga kababayang Pilipino sa akin bilang inyong senador, sa abot ng aking makakaya at sa tulong ng ating mga kasamahan sa gobyerno ay patuloy pa nating ilalapit ang serbisyo medikal sa ating mga kababayan nasaan man sila sa bansa dahil bisyo ko na ang magserbisyo. 


Muli naman akong nagpapaalala na lagi ninyong ingatan ang inyong kalusugan lalo na ngayong Fire Prevention Month. Palagi nating tandaan na ang kalusugan ay katumbas ng buhay ng bawat Pilipino.


Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.


Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page