- BULGAR
- Aug 24, 2024
ni Bong Go @Bisyo Magserbisyo | August 24, 2024

Kamakailan ay nalaman natin sa pagdinig sa Senado na ating pinamunuan bilang chairperson ng Senate Health Committee na may sobra-sobrang pondo ang PhilHealth na nagkakahalaga ng humigit-kumulang 500 bilyong piso na natutulog lang kaya ngayon ay ililipat na ang parte nito na P89.9B sa National Treasury.
Hindi katanggap-tanggap para sa akin na may mga naghihingalong pasyente na humihingi ng tulong sa gobyerno para may ipampagamot samantalang may pondo riyan na pangkalusugan naman na nakatiwangwang lang, planong gamitin sa ibang mga programa, at hindi mapapakinabangan ng mga mahihirap na may sakit.
Sana naman ay magising na ang pamunuan ng PhilHealth. Hindi naman sila bangko na dapat mag-ipon lang ng pondo. Gamitin sana nila ito para mas maproteksyunan ang kalusugan at buhay ng bawat Pilipino ayon sa kanilang mandato, at alinsunod din sa Universal Health Care Law.
Tinututulan ko rin ang “Single Period of Confinement Policy” ng PhilHealth kung saan isang beses lang covered ng PhilHealth ang parehong medical condition sa loob ng tatlong buwan. Halimbawa, nag-bleeding ang isang buntis dahil sa maselang kondisyon. Kapag dinugo siya ulit sa loob ng susunod na 90 araw ay labas na sa PhilHealth coverage ang bayarin ng pasyente. Hindi katanggap-tanggap ito lalo na’t may pondo naman pala na puwedeng itulong sa nangangailangan!
Mismong ang pamunuan ng PhilHealth ay aminadong “flawed” o palyado ang polisiyang ito kaya’t nangako sila na pag-aaralang rebisahin ang naturang regulasyon. Tututukan natin ito hanggang tuparin ng PhilHealth ang kanilang pangako, katulad na lamang ng naunang pangako na irerekomenda sa Pangulo na bawasan ang premium contribution ng mga miyembro.
Ang kapakanan at kalusugan ng bawat Pilipino ay hindi dapat pinaghihintay. Uulitin ko, ang pondo ng PhilHealth ay dapat na gamitin sa health. Imbes na pinapatulog ng PhilHealth ang pondong pangkalusugan na mula naman sa taumbayan at para sa kanila, dapat ay gamitin ito para palawakin pa ang benepisyo o packages mula PhilHealth, itaas pa ang case rates na sasakop sa pangangailangan ng mga pasyente, at maibaba ang premium contributions ng mga Pilipinong nag-aambag buwan-buwan para may pondo ang PhilHealth.
Nitong nakaraang linggo rin ay sinuportahan natin ang panukalang SBN 2620 bilang co-author at co-sponsor na nais amyendahan ang UHC Law. Kapag naisabatas, kasama na rito ang pagbaba ng premium contributions sa PhilHealth.
Sa pagdinig pa rin ay ipinunto natin sa Department of Health na hindi dapat maantala ang mga proyektong nasa ilalim ng Health Facilities Enhancement Program. Napakaimportante ng mga pasilidad pangkalusugan lalo na sa kanayunan.
Sa kabila nito, pinasalamatan pa rin natin ang DOH dahil sa matagumpay na implementasyon ng Super Health Centers. Isa rito ang Super Health Center sa Tingloy, Batangas na isang isla na ating nabisita noon. Ang mga kababayan nating Batangueño doon, hindi na kailangang bumiyahe ng bangka para magpa-check-up. Masasabi nating isa itong modelo kung ano ang naisasakatuparan kung magtutulungan tayo at uunahin natin ang kapakanan ng mga kababayan natin.
Bilang inyong Mr. Malasakit na ang tanging bisyo ay magserbisyo, patuloy ang ating paghahatid ng tulong at paglalapit ng mga serbisyo ng gobyerno sa mga nangangailangan nito.
Dumalo tayo sa ginanap na League of Municipalities of the Philippines - Luzon Island Cluster Conference bilang isa sa Guest Speakers sa paanyaya ni LMP National President Mayor JB Bernos noong August 21. Nakiisa rin tayo sa ginanap na Higalaay Festival Pyro Musical Fireworks sa Cagayan de Oro City sa araw na iyon.
Personal naman nating pinangunahan ang pagkakaloob ng tulong pinansyal sa 22 cooperatives sa Northern Mindanao Region noong August 22 sa Cagayan de Oro City katuwang ang Cooperative Development Authority sa ilalim ng kanilang programang Malasakit sa Kooperatiba na ating isinulong. Sinuportahan din natin ang 1,000 mahihirap na residente sa lungsod katuwang si Mayor Klarex Uy.
Kahapon, August 23, ay sinaksihan natin ang groundbreaking ng itatayong footbridge sa National Highway ng Polomolok, South Cotabato na napondohan sa ating kapasidad bilang vice chairperson ng Finance Committee. Personal din nating pinangunahan ang pamamahagi ng tulong sa 1,000 mahihirap na residente ng Polomolok — na sa ating inisyatiba ay may natanggap ding tulong pinansyal mula sa gobyerno sa pakikipag-ugnayan natin kay Mayor Bernie Palencia. Sinuportahan natin ang 1,000 residenteng nawalan ng hanapbuhay na napagkalooban din ng pansamantalang trabaho.
Nagkaloob tayo ng suporta sa 23 cooperatives sa Region 12 na nabigyan din ng tulong pinansyal mula sa Malasakit sa Kooperatiba na programa ng CDA na ating isinulong. Nakipag-ugnayan tayo sa araw na iyon sa OFW Global Movement for Empowerment (OFW GME), na ginanap naman sa Gen. Santos City.
Samantala, sinimulan na ang pagtatayo ng Super Health Center sa Cuartero, Capiz na binisita ng aking Malasakit Team sa araw ding iyon. Tuluy-tuloy naman kami sa pag-agapay sa mga biktima ng sunog gaya ng walo sa Paranaque City; at 12 sa Malabon City.
Namahagi rin tayo ng tulong sa 2,000 mahihirap na residente ng Digos City katuwang si Mayor Josef Cagas; at 2,500 sa General Santos City katuwang si Mayor Lorelie Pacquiao. Sa ating inisyatiba, nakatanggap din ang mga ito ng tulong pinansyal mula sa lokal na pamahalaan.
Nag-abot din tayo ng tulong sa mga nawalan ng hanapbuhay bukod sa pansamantalang trabaho na naibigay ng gobyerno na ating isinulong para sa kanila. Kasama rito ang 53 sa Cuyapo, Nueva Ecija katuwang si VM Cinderella Ramos; 110 sa Lebak, Sultan Kudarat kaagapay si Mayor Frederick Celestial; 257 sa Kapangan, Benguet kasama si Mayor Manny Fermin; 69 sa Quezon City kaalalay si Coun. Candy Medina; 35 sa La Carlota City, Negros Occidental katuwang si VG Jeffrey Ferrer. Sa Ilocos Sur ay natulungan din ang 38 sa Santiago, katuwang si Coun. Bobby Gutierrez, at 98 sa Suyo kaagapay naman si Mayor Mario Subagan. Sa Pangasinan ay naalalayan din ang 39 sa Burgos kasama si BM Apple Bacay, at 108 pa sa Binmaley kasama sina Councilor Urbano Delos Angeles III at Councilor Amelito Sison.
Sinaksihan din ng aking Malasakit Team ang groundbreaking ng Super Health Center sa Anda, Pangasinan.
Ilapit natin ang serbisyo ng gobyerno sa mga tao. Tandaan natin na ang kalusugan ay katumbas ng buhay ng bawat Pilipino. Kaya sa abot ng aking makakaya ay patuloy akong magseserbisyo sa inyong lahat dahil bisyo ko ang magserbisyo, at naniniwala ako na ang serbisyo sa tao ay serbisyo sa Diyos.
Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.
Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.




