top of page
Search

ni Bong Go @Bisyo Magserbisyo | Dec. 7, 2024



Bisyo Magserbisyo ni Bong Go


Unti-unti nang nagbubunga ang ating matagal nang adbokasiya na magkaroon ng maayos at kumportableng evacuation centers ang mga kababayan nating naaapektuhan sa panahon ng kalamidad at sakuna.


Masaya kong ibinabalita na isa nang ganap na batas ang panukala natin na kung maipatutupad nang tama ay poprotekta sa dignidad at buhay ng mga Pilipinong biktima ng kalamidad. 


Kahapon, December 6, ay nilagdaan na ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. ang Republic Act No. 12076: “An Act establishing evacuation centers for every city and municipality and appropriating funds therefor” o kilala bilang Ligtas Pinoy Centers Act. Sa ilalim nito, magtatayo ng ligtas, permanente at kumpleto sa mga pasilidad na evacuation centers sa mga siyudad at munisipalidad sa buong bansa. Tayo ang principal author at isa sa co-sponsors nito sa Senado. 


Sa panahon ng kalamidad, masakit makitang ang pinaghirapang ipundar ng ating mga kababayan sa loob ng mahabang panahon ay naglahong parang bula. Mas masakit lalo na kung may nasawi. Panahon na para tiyakin ang kaligtasan, seguridad at dignidad ng ating mga evacuees. Hindi man maiwasan ang krisis, ang mga naghihirap ay dapat huwag nang pahirapan pa. 


Napakalungkot makita ang ating mga kababayan na nagsisiksikan sa mga hindi angkop na lugar gaya ng mga eskwelahan na apektado maging mga estudyante dahil naaantala ang kanilang klase; at sa covered courts na walang sapat na sanitation. Kung minsan ay sa kalsada na lang. Kaya ang bagong batas na ito ay isang malaking hakbang para sa kaligtasan at kaginhawaan ng ating mga kababayan. Patuloy nating ipaglalaban ang maayos na implementasyon ng batas na ito.


Kahapon din ay nilagdaan na para maging batas ang Republic Act No. 12077, o ang “Student Loan Payment Moratorium During Disasters and Emergencies Act,” na naglalayon na maibsan ang problemang pinansyal ng mga estudyante at kanilang pamilya kapag may kalamidad at iba pang krisis. Co-sponsor at co-author tayo nito.  


Ang tanong marahil ng maraming kabataang mag-aaral: “Dapang-dapa kami sa delubyo, paano na ang student loan ko?” Kaya natin isinulong ang Student Loan Payment Moratorium During Disasters and Emergencies Law ay para mabigyan ng palugit ang mga estudyanteng may pagkakautang pero hindi makabayad dahil tinamaan ng kalamidad at iba pang sakuna. 


Ang edukasyon ay susi para sa mas magandang kinabukasan ng mga kabataan. Sa pamamagitan ng bagong batas na ito, masisiguro nating hindi magiging hadlang ang krisis sa pagkakamit ng kanilang pangarap. Hindi natin hahayaang maging dagdag na pasanin pa nila ang student loans sa gitna ng mga kalamidad.  


Bahagi rin ito ng ating inisyatiba bilang chairperson ng Senate Committee on Youth na maprotektahan ang karapatan ng bawat Pilipino sa de-kalidad na edukasyon, na isa sa mga pundasyon sa pagsulong at pag-unlad ng ating bansa. Bigyan natin ng sapat na pagkakataon ang mga kabataan na makapagtapos ng pag-aaral dahil sila ang pag-asa at future leaders ng ating bayan.


Hindi naman tayo tumitigil sa paghahatid ng serbisyo sa mga nangangailangan at sa pakikipagkapit-bisig sa kapwa natin lingkod-bayan upang ilapit ang gobyerno sa tao.


Dumalo tayo sa ginanap na Vice Mayors’ League of the Philippines 4th Quarter 2024 National Executive Board Meeting Opening Ceremonies sa paanyaya ni VM Ninong dela Cruz noong December 4 sa Maynila. Pinagkalooban nila tayo ng “Pasasalamat Award” dahil sa ating pagiging consistent na kaalyado ng mga bise alkalde.


Guest of honor and speaker tayo sa 4th Siklab Youth Sports Awards na ginanap noong December 5 sa Taguig City, kung saan ginawaran tayo ng “Lifetime Achievement Award” dahil sa ating patuloy na suporta sa ating mga atleta at sa pagpapalaganap ng sports program na pangunahin nating adhikain bilang tayo ang chairperson ng Senate Committee on Sports. 


With or without an award, patuloy ang ating suporta sa ating mga atleta at pagseserbisyo sa kapwa Pilipino sa abot ng ating makakaya. 

Ang aking Malasakit Team naman ay tumulong sa Aklan para sa 1,162 mahihirap na residente ng Malinao, at 1,743 sa Makato. Sa ating inisyatiba katuwang si Gov. Joen Miraflores ay nakatanggap din sila ng tulong pinansyal. 


Nasa Cebu tayo kahapon, December 6, at personal na pinangunahan ang pagkakaloob ng tulong para sa 678 na nawalan ng tirahan sa Mandaue City. Matapos ito ay nagsagawa tayo ng katulad na relief effort para sa 799 na nawalan din ng tirahan sa Lapu-Lapu City. Ang mga benepisyaryo ay nabigyan din ng emergency housing allowance mula sa NHA na ating isinulong para may pambili sila ng materyales sa pagpapaayos ng kanilang tahanan. Dumalo rin tayo sa League of Municipalities of the Philippines Cebu Chapter Year End General Assembly sa paanyaya ni LMP President Mayor Sun Shimura. 


Sinaksihan din natin ang pamamahagi ng aking opisina ng tulong para sa 926 na nawalan ng tirahan sa Cebu City, na nabigyan din ng tulong pinansyal ng NHA sa ating inisyatiba.


Ang aking Malasakit Team ay naghatid din ng tulong sa iba’t ibang komunidad tulad ng 509 mahihirap na residente ng Braulio E. Dujali, Davao del Norte katuwang si Mayor Leah Marie Romano. Binalikan natin at muling binigyan ng tulong ang apat na residente ng Barangay Leon Garcia, Davao City na nawalan ng tirahan, na sa ating inisyatiba ay nakatanggap din ng tulong mula sa NHA. 


Naghatid tayo ng tulong sa 98 residente ng Bacnotan, La Union na nawalan ng hanapbuhay katuwang si Mayor Divine Fontanilla; at 198 sa Maigo, Lanao del Norte kaagapay si BM Joseph Neri. Sa ating pakikipagkapit-bisig sa DOLE, nabigyan din sila ng pansamantalang trabaho.


Nagkaloob din tayo ng dagdag na tulong para sa 100 scholars sa Biliran province.

Proteksyunan natin ang dignidad ng bawat Pilipino lalo na ang mga biktima ng sakuna. Patuloy akong magseserbisyo sa inyo sa abot ng aking makakaya dahil bisyo ko na ang magserbisyo, at naniniwala ako na ang serbisyo sa tao ay serbisyo rin sa Diyos.


Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.


Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.

 
 

ni Bong Go @Bisyo Magserbisyo | Dec. 4, 2024



Bisyo Magserbisyo ni Bong Go

Nagpapasalamat ako sa ating Panginoon, kay Allah, sa biyaya ng buhay at pagkakataong makapagserbisyo pa sa aking mga kapwa Pilipino! 


Noon Lunes, December 2, habang papunta ako sa Mabitac, Laguna para personal na saksihan ang pagbubukas ng bagong tayong Super Health Center doon, napilitan ang piloto ng helicopter na aming sinasakyan na mag-emergency landing sa bulubunduking bahagi ng bayan ng Pililla, Rizal dahil sa zero visibility. Sa sobrang lakas ng hangin, ulan at kapal ng fog, muntik na naming matamaan ang windmills doon!


Sa totoo lang, pangatlong pagkakataon na ito na muntik na akong madisgrasya dahil sa pagtupad ko sa aking tungkulin bilang lingkod-bayan. Totoo na God is good all the time! Basta maganda ang layunin mo, hindi ka Niya pababayaan. May good karma talaga ang pagtulong sa mga tao. 


Kapag oras mo na, oras mo na talaga. Salamat sa Diyos dahil sa kanyang pagprotekta sa akin at sa aking mga kasama. Kapag sa Panginoon ka nakasandal, walang dapat ikatakot na magbuwis ng buhay sa ngalan ng pagseserbisyo para sa mga kapwa ko Pilipino, lalo na sa mga mahihirap nating kababayan at higit na nangangailangan.


Naniniwala ako na isang malaking karangalan ang mabuhay at mamatay na nagsisilbi para sa ating bayan.


Gaya ng madalas kong sabihin, isang beses lang tayong dadaan sa mundong ito, kaya kung anumang kabutihan o tulong ang puwede nating gawin sa ating kapwa ay gawin na natin ngayon dahil hindi na tayo babalik sa mundong ito. 


Kaya basta kaya ng aking oras at katawan, wala akong sinasayang na panahon para makapaghatid ng tulong sa abot ng aking makakaya sa ating mga kababayan. Bumisita tayo noong November 30 sa lalawigan ng Rizal at pinangunahan ang pamamahagi ng tulong para sa 1,226 estudyante ng mga bayan ng Angono at Taytay. Sa ating inisyatiba at pakikipagtuwang kay Gov. Nina Ynares at sa national government, nakatanggap ang mga benepisyaryo ng tulong pinansyal. Sinaksihan din natin ang ribbon cutting ceremony ng Super Health Center sa Angono. 


Naging guest of honor and speaker tayo sa Philippine Association of Thoracic, Cardiac, and Vascular Surgery, Incorporated (PATACSI) Annual Convention and Induction Ceremony na ginanap sa Pasig City. Bilang chair ng Senate Committee on Health, tinitiyak natin ang patuloy na suporta sa ating health professionals. 


Sinaksihan naman natin ang pamamahagi ng tulong ng aking Malasakit Team para sa 1,000 mahihirap na residente ng Sison, Pangasinan katuwang si Mayor Danilo Uy.


Nakiisa rin tayo sa pamamagitan ng video call sa ginanap na League of Municipalities of the Philippines (LMP) Bukidnon Chapter Year End Assessment sa Cebu City. 


Noong December 2 rin, hindi man natuloy ang aking pagbisita sa Mabitac, Laguna, nirepresenta ako ng aking opisina sa pagbubukas ng bagong Super Health Center kung saan nakiisa ako sa pamamagitan ng video call at nagpamahagi rin kami ng tulong tulad ng foodpacks sa mga health worker at empleyado ng LGU doon. 


Nang umayos na ang panahon, sinikap nating makabiyahe sa Nasugbu, Batangas upang suportahan ang mga local youth leaders sa ginanap na 2024 National Youth Convention ng National Youth Commission sa paanyaya ni NYC Chair Jeff Ortega. Bilang tayo ang chairperson ng Senate Committee on Youth, ibinahagi natin ang mga programa na ating ipinaglaban para sa kapakanan ng mga kabataan na future leaders at pag-asa ng ating bayan. 


Dumalo rin tayo sa LMP Bohol Chapter Year End Assessment sa imbitasyon ni Mayor Eping Estavilla na ginanap sa Parañaque City. Nakiisa rin tayo sa Christmas fellowship ng Parañaque City government kasama sina Cong. Edwin Olivarez, Cong. Gus Tambunting, Mayor Eric Olivarez, at Vice Mayor Joan Villafuerte.


Kahapon, nakiisa tayo sa ginanap na Philippine Councilors League Year End Assembly sa imbitasyon ni PCL National Chairman Coun. Raul Corro. Nakisaya rin tayo sa ating mga mamamahayag sa idinaos na Senate Media Christmas gathering. 


Sinaksihan naman ng aking opisina ang groundbreaking ng itatayong Super Health Center sa Brgy. Lamacan, Argao, Cebu kasama si Mayor Allan Sesaldo.


Sa patuloy na paghahatid ng aking Malasakit Team ng tulong, nakapamahagi tayo para sa 300 mahihirap na residente ng Kalibo, Aklan katuwang si VG Boy Quimpo. Nabigyan din natin ng dagdag na tulong ang 128 scholars ng Kalinga State University.


Patuloy na magseserbisyo sa inyo ang inyong Senator Kuya Bong Go dahil bisyo ko na ang magserbisyo, at naniniwala ako na ang serbisyo sa tao ay serbisyo sa Diyos!


Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.


Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.

 
 

ni Bong Go @Bisyo Magserbisyo | Nov. 30, 2024



Bisyo Magserbisyo ni Bong Go


Tulad ng bayaning Supremo na si Andres Bonifacio na nag-alay ng kanyang buhay para sa bayan, ginugunita natin ngayong araw na ito ang kagitingan ng lahing Pilipino na handang magsakripisyo para sa kapwa. 


Sa dami ng mga hamon na pinagdadaanan natin bilang isang bansa tulad ng kalamidad, kahirapan, peace and order, at iba pa, ang palaging panawagan ko sa mga kasamahan ko sa gobyerno, unahin natin ang magmalasakit at magserbisyo. Tutukan natin ang pangangailangan ng mga Pilipino lalo na ng mga mahihirap. Huwag nating sayangin ang oras sa mga bagay na hindi naman napapakinabangan ng taumbayan, gawin ang tama, at unahin ang kapwa. 


Ang lagi ngang paalala sa akin ni dating Pangulong Rodrigo Duterte: magtrabaho ka lang nang tahimik, gawin ang tama, at unahin ang kapakanan ng iyong kapwa. 


Bilang inyong Senador Kuya Bong Go, patuloy nating binabantayan ang mga pangakong binitawan sa atin ng PhilHealth sa mga naging pagdinig na isinagawa ng Senate Committee on Health na ating pinamumunuan. Magtatapos na ang taon kaya dapat nating kumustahin ang mga ipinangakong reporma tulad ng mas mataas na case rates; dagdag na benefit packages, lalo na sa 10 pinakanakakamatay na sakit; pagkakaloob ng libreng gamot at assistive devices gaya ng salamin sa mata at wheelchairs; pagsasama sa dental, visual, emergency at preventive care; at pag-a-update ng kanilang mga polisiya para matugunan ang pangangailangan ng mga Pilipino.


Ang pag-scrap sa Single Period of Confinement policy noong nakaraang buwan at ang anunsyo kahapon lamang na isasama na ang dental care sa benepisyo ng PhilHealth ay ilan lamang sa ating ipinaglaban na naisakatuparan na nila. Sulit man ang ating pangungulit, hindi tayo titigil hanggang matupad ang lahat ng kanilang pangako upang maproteksyunan ang kalusugan ng bawat Pilipino. 


Patuloy din ang ating paalala sa Department of Social Welfare and Development na huwag sanang maantala kahit pansamantala lang ang release ng tulong medikal sa pamamagitan ng guarantee letters. Naiintindihan natin na sa pagsasara ng taon ay nagsasara rin ng libro ang bawat ahensya ng pamahalaan. Pero tandaan sana natin na ang sakit ay walang deadline at walang extension ang buhay ng isang taong may sakit kung wala siyang matatakbuhan. 


Kaugnay nito, nagbigay din ng garantiya ang pamunuan ng DSWD na maglalabas ng polisiya para ma-access din ng mga pasyente ang medical assistance mula sa ahensya sa pamamagitan ng Malasakit Centers. Isinulong natin noon ang batas na nagtatag sa Malasakit Centers Program para mailapit ang tulong medikal ng pamahalaan lalo na sa mga mahihirap na Pilipino.


Samantala, hindi tayo humihinto sa pagseserbisyo. Bumisita tayo sa Bacoor City, Cavite noong November 27 at personal na pinangunahan ang turnover ng 12 units ng service vehicles para sa kanilang local government. Napondohan ito sa ating pakikipagtulungan kasama ni Mayor Strike Revilla. Matapos ito ay personal din nating pinangunahan ang relief effort para sa 1,128 mahihirap sa lugar. Sa pakikipagkapit-bisig sa DOLE at LGU, nabigyan din ang mga benepisyaryo ng pansamantalang trabaho. 


Kinagabihan ay dumalo tayo sa ginanap na Radio Mindanao Network (RMN) Conference sa Pasay City kung saan pinahalagahan natin ang papel ng media sa ating demokrasya. 

Pumunta rin tayo sa Pangasinan, kung saan ako ay adopted son ng buong probinsya, noong November 28 at sinaksihan ang inagurasyon ng itinayong Super Health Center sa Balungao. Nagbigay tayo ng tulong sa health workers na nandoon. Matatandaang dinaluhan ko rin noon ang groundbreaking ceremony kung saan ako ay kinilala bilang adopted son ng kanilang bayan.


Matapos nito ay bumisita rin tayo sa Bayambang at pinangunahan ang pamamahagi ng tulong sa 1,000 mahihirap na sa ating inisyatiba at pakikipagtuwang kay Gov. Monmon Guico ay napagkalooban din ng financial support. Dumalo rin tayo sa League of Vice Governors of the Philippines’ 98th National Assembly na ginanap sa Makati City sa kinagabihan. 


Kahapon, November 29, nasa probinsya naman tayo ng Biliran at personal na nagkaloob ng tulong sa 1,617 barangay health workers, nutrition scholars at daycare workers, na sa ating pakikipagtuwang kay Gov. Gerard Roger Espina ay nabigyan din ng tulong pinansyal. Dagdag rito, tumulong tayo sa iba pang 1,000 BHWs, BNS, typhoon victims at transport workers sa Naval na nakakuha rin ng tulong pinansyal na ating isinulong katuwang si Mayor Gretchen Espina. Sinaksihan din natin ang inagurasyon ng itinayong Super Health Center sa lugar. Binisita natin ang Malasakit Center sa Biliran Provincial Hospital, at nagpakain sa mga pasyente at staff. 


Nag-inspeksyon naman tayo sa itinatayong auditorium stage, isang proyektong napondohan sa ating inisyatiba. Nagkaroon din tayo ng meet and greet sa mga alkalde ng Biliran kasama si Gov. Espina at Cong. Gerryboy Espina. Nagbalik tayo sa Metro Manila at dumalo sa Liga ng mga Barangay Year-end Celebration na ginanap sa Paranaque City sa paanyaya ni LNB President BM Jessica Dy. 


Sinaksihan naman ng aking opisina ang turnover ng itinayong Super Health Center sa Brgy. Makilas, Ipil, Zamboanga Sibugay. 


Patuloy naman ang aking Malasakit Team sa paghahatid ng tulong. Nakapamahagi tayo sa mga mahihirap na residente sa iba’t ibang komunidad kabilang ang 500 sa Estancia, Iloilo katuwang si Mayor Mark Cordero; 167 sa Tanauan City, Batangas kaagapay si VM Jun Trinidad, at 264 pa katuwang naman ang mga konsehal ng lungsod; 1,000 sa San Remigio, Antique kasama natin si Mayor Mar Mission at sa Bulakan, Bulacan ay 139 katuwang sina Councilors Aron del Rosario at Archie San Jose.


Inalalayan natin ang mga naging biktima ng mga insidente ng sunog at nabigyan ng tulong ang 108 sa Iloilo City; at 212 sa Pasig City.


Binalikan natin at muling binigyan ng tulong ang mga naapektuhan ng kalamidad kabilang ang 78 sa Bayawan City, Negros Oriental; at 44 sa Dumaguete City. Nakatanggap din ang mga ito ng emergency housing assistance mula sa NHA na ating isinulong para may pambili sila ng materyales sa pagpapaayos ng kanilang nasirang bahay.  


Nagkaloob din ang aking opisina ng dagdag na tulong sa 144 scholars ng Mindoro State University.


Minsan lang tayong dadaan sa mundong ito kaya’t kung anong tulong ang puwede nating ibigay sa ating kapwa, gawin na natin ngayon. Bisyo ko ang magserbisyo, at naniniwala ako na ang serbisyo sa tao ay serbisyo sa Diyos!


Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.


Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page