top of page
Search

ni Ka Ambo @Bistado | June 17, 2024



Bistado ni Ka Ambo

Gumagrabe na ang sitwasyon sa daigdig.


Imbes na maampat, ipinapuwesto na ang mga launcher ng missiles.


 ----$$$--


NAGPRAKTIS na ang Russia at iminaniobra na sa Cuba ang pang-atakeng submarine kontra sa US.


Nauna rito, ipinorma naman ng US ang sopistikadong launcher ng missile sa Ilocos kontra China.


 ----$$$--


SA aktuwal, ibinabala mismo ni PBBM sa mga Pinoy na may posibilidad na sorpresang magkaroon ng digmaan.


Iyan mismo ang ating naunang babala sa espasyong ito — gumigire na ang World War 3.


-----$$$--


SA pinakahuling balita, pinaralisa na ng US at European Union ang Moscow Exchange kung saan ibinabawal na ang transaksyon ng dolyar sa naturang Russia.


Nagbanta si Russian strongman Vladimir Putin na reresbak sila kontra US at EU.


-----$$$--


MALINAW na malinaw na hindi lang military ang nagmamaniobra, bagkus ay aktuwal nang idinamay ang ekonomiya.

Kumbaga sa boxing, sinikmuraan ni Joe Biden si Putin.


Makahirit kaya ng sorpresang left hook si Putin?


----$$$--


SA Pilipinas, pinagdedebatehan pa rin ang POGO.


Mismo ang China ang nagsabi na ipagbawal sa Pilipinas dapat ang POGO dahil bawal ito sa kanilang bansa.


----$$$--


KUNG sa China ay bawal ang POGO, bakit kinukunsinte sa Pilipinas?

Kailangan kasi ang campaign fund.


Entiendes?


----$$$--


DATI-RATI sa katindihan ng jueteng sa buong bansa partikular sa Central Luzon, ang intel fund ay nagmumula sa mga jueteng lord.


Ngayon kaya, saan humuhugot ng intel fund ang mga otoridad?

-----$$$--


SA ibang bansa, ang intel fund ay nagmumula sa illegal drug trafficking.


Isang dahilan ‘yan kung bakit hindi ito nasasawata.


----$$$--


NAIINTRIGA si FL Liza sa kontrobersiyal na “tagay” ni Senate President Chiz.


Nag-fiesta tuloy ang mga tsismoso’t tsismosa.


-----$$$--


NAPAKAHABA ng pamamalagi ni ex-FL Meldy sa Malacanang, pero bakit walang “Kodak” na tumatagay siya.


Kwidaw!!!


-----$$$--


WALA namang masama sa tagay, pinasasama lang ito ng impresyon at interpretasyon ng mga anti-Marcos.


Kumbaga, kay Tanggol — sala-sa-init, sala-sa-lamig.


Ang sitwasyon ang nagpapahamak pero hindi ang mismong personalidad.


 -----$$$---


TAPOS na ang El Niño, entrada naman ang La Niña.


Simot ang calamity fund sa mga buwaya.



Kung may reaksyon, sumbong o katanungan, sumulat sa ASINTADO ni Judith Sto. Domingo sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa asintado.bulgar@gmail.com.


 
 

ni Ka Ambo @Bistado | June 15, 2024



Bistado ni Ka Ambo


Ibabawal daw ang POGO.


Huhh, hindi papayag ang mga corrupt.


-----$$$--


MARAMI nang bansa ang nagbawal sa POGO.

Malinaw kasi ang ebidensya na kino-corrupt nito ang gobyerno at pribadong sektor.


Sa Pilipinas?Alam na ninyo ang sagot.


----$$$---


TULAD ng matagal na nating binabanggit, inilunsad ng Malacañang ang ‘Bagong Pilipinas’.


Pero, ano ba ang ispesipikong ideolohiya sa loob nito?


-----$$$---


MARAMI ang nagtatanong sa atin kung ano ba ang ideolohiya.


May ideolohiya ba sa loob ng ‘Bagong Pilipinas’?

O ito ba ay simpleng “slogan” lamang?


-----$$$--


KUNG tayo ang tatanungin, may ideolohiya sa loob ng ‘Bagong Pilipinas’.

Ang problema, walang nangangahas na ipaliwanag ito.


Bakit?Bibihira kasi ang may kakayahang ipaliwanag kung ano ang tunay na kahulugan ng ideolohiya.


-----$$$--


BILANG tulong natin sa mga naglunsad ng ‘Bagong Pilipinas’, sisimulan natin ang paliwanag kung ano ang ideolohiya.


Una, dapat muna nating maunawaan kung ano ang pagkakaiba ng ideolohiya, dogma, doktrina, plataporma, mithiin, adhikain, prinsipyo at paninindigan.


 -----$$$--


KAPAG hindi natin nasagot ang mga pagkakaiba ng mga naturang kataga, mahihirapan na maunawaan ang ideolohiya at hindi sinasadya, maililigaw ang mga mambabasa o mga tagapakinig.


Sa totoo lang, ang mga ‘Kaliwa’ at mga ‘Kanan’ ay “may alam” sa kahulugan ng ideolohiya.


Pero ang kanilang kaalaman ay idinikta o kinabisado lang nila mula sa mga naunang kadre.


-----$$$--


ANG mga nagkabisa na tila mga pastor ng ilang sekta, kabisote ang tawag sa kanila.


Hindi sila nalalayo sa mga loro na diretso sa pagtalak, pero hindi nauunawaan ang kahulugan nito.

 

-----$$$--


MAS mainam sana ay kambalan ng “ganap na ideolohiya” ang ‘Bagong Pilipinas’ imbes na maging slogan lamang.


Eh, sino ang papagitna?Sino ang gagamitin nila upang masuri, matukoy at maikalat ang ideolohiya sa likod ng ‘Bagong Pilipinas’? 


 ----$$$--


KAPAG kalgason o bara-bara ang paliwanag, ang ideolohiya ay mauuwi sa simpleng dogma, doktrina o plataporma lamang.


Isang maselang isyu ang ideolohiya, pero ito ang tunay na susi sa seryosong pagbabago sa ating Inang Bayan!



Kung may reaksyon, sumbong o katanungan, sumulat sa ASINTADO ni Judith Sto. Domingo sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa asintado.bulgar@gmail.com.


 
 

ni Ka Ambo @Bistado | June 3, 2024



Bistado ni Ka Ambo


Imbes na humupa, gumagrabe ang banta ng World War 3.


Ipinagagamit na ng U.S. at European Union ang mga armas na ibinigay nila sa Ukraine upang maatake ang loob ng Russia.


Nanangkupoo!


----$$$--


NAGPAPRAKTIS naman ang Russia ng nuclear weapons upang magamit sakaling magipit sila sa digmaan.


Sa aktuwal, lumalakad na ang mundo sa tinatawag na “pre-WW3”.


----$$$--


SA West Philippine Sea, walang duda na hindi na mapapalayas pa ang China sa pagsakop sa naturang karagatan.


Hindi na kasi maiiwasan pa ang giyerang Taiwan versus Mainland China.


Ang lahat ng desisyon at pagkilos ay patungo sa naturang direksyon.


----$$$--


NO choice ang Pilipinas kundi ang makipag-alyansa sa U.S.


Ipinagagamit na ni Marcos Jr. ang sariling lalawigan ng Ilocos Norte upang maging launching pad ng mga modernong missiles ng U.S.


Aktuwal na gagamitin ito, hindi lang sa pagdedepensa sa ‘Pinas, bagkus ay sa pagdedepensa rin sa Taiwan.


----$$$--


KAPALIT ng pagiging patutot, magbibigay ng milyun-milyong dolyar na ayuda sa Pilipinas ang U.S. at mga kaalyado nito.


Ang ayuda ay nasa porma ng military at economic packages.


-----$$$--


NAUULIT lang ang kasaysayan, posibleng nakatutok na sa ‘Pinas ang mga missile ng China hindi dahil kaaway nila ang mga Pinoy, bagkus ay dahil sa kaaway nila ang U.S.


Ang Maynila ay sinalakay ng Japan hindi dahil kaaway nila ang mga Pinoy, bagkus ay dahil sa kaaway nila ang Kano.


----$$$--

WALANG solusyon sa problema ng ‘Pinas.


Walang pinagkaiba ito sa isang nagdarahop na pamilya — didiktahan sila ng mga “among mayayaman” upang magamit na piyon.


Hangga’t nagdarahop ang ‘Pinas, mananatiling tuta ito ng U.S. at malalaking bansa.


----$$$--


TULAD ng Russia na kailangan nilang masakop ang Ukraine upang makadepensa sa atake ng Europe at U.S., kailangan ng China ang WPS upang makadepensa sa atake ng U.S. sakaling salakayin nila ang Taiwan.


Hangga’t may banta ang China laban sa Taiwan, hindi aalis ang Beijing sa pagkontrol sa WPS lalo pa’t ipinagagamit ang Northern Luzon bilang base military sa pagdedepensa sa Taiwan.


----$$$--


IMBES na magiging problema, ang sitwasyon ay ginagawang oportunidad upang makapagpundar ang ‘Pinas ng malalakas na armas.


Ginagamit din ang sitwasyon upang makarekober nang mabilis ang ekonomiya.


Klap, klap, klap!


----$$$--


NAPAKASELAN ang 2028 presidential election.


Kailangang-kailangan na maging “tuta” ng Kano ang susunod na presidente kapalit ni Marcos Jr.


Sino kaya?

----$$$---


HINATULANG guilty ng jury sa New York sa 34 kaso si Ex-U.S. President Donald Trump.


May huling baraha pa siya, ito ang November presidential election.


Tulad ni FPJ na isang celebrity na kinasuhan sa kanyang birth certificate, nakikopya na rin ang U.S. — kinakasuhan na rin ang potential winner sa presidential election.


Nai-import nila ang diskarteng Pinoy.


Ha! Ha! Ha!


Kung may reaksyon, sumbong o katanungan, sumulat sa ASINTADO ni Judith Sto. Domingo sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa asintado.bulgar@gmail.com.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page