top of page
Search

ni Ka Ambo @Bistado | Mar. 31, 2025



Bistado ni Ka Ambo

Marami ang kwidaw kung ano ang pinasok na kasunduan ng Pilipinas sa US.

Walang ispesipikong detalye kung ano ang napagkasunduan.


 ---$$$--


BINABANGGIT dito ang industrial defense agreement.

May konotasyon ito ng malakihang pagmamanupaktura o paggawa ng mga produktong panggiyera.


----$$$--


PARA higit na maunawaan at magkaroon tayo ng ideya, mahirap tungkabin ang detalye hinggil dito, pero kapag tinalakay natin ang sitwasyon sa Ukraine ay posibleng hindi ito nalalayo.


Sa ngayon, masigla ang industrial defense sector sa Ukraine dahil gumagawa sila ng iba’t ibang klase ng drone o unmanned warcraft.


----$$$--


ISA sa posibleng napagkasunduan ay may kinalaman sa potensyal na magmanupaktura rin sa Pilipinas ng mga modernong gamit sa digmaan.

Walang masama, bagkus ay magiging aktibo ang bansa sa malawakang preparasyon sa digmaan.


---$$$--


TIYAK na papalag ang ibang sektor, pero magpapagulo lang ‘yan ng sitwasyon — dahil tulad sa Ukraine, hindi puwedeng tumanggi ang mga ito sa ‘kapritso’ ng US.

Eh, ang Pilipinas, puwede bang pumalag?


----$$$--


Sa totoo lang, ang China ay pumapalag at kumokontra dahil -- hindi sinasadya, mistulang preparasyon ito kontra sa mga banta ng Tsekwa hindi lang sa Pilipinas kundi maging sa Taiwan.


Makakatuwang ng Pilipinas ang mga kaalyado tulad ng Japan, South Korea, Australia, New Zealand at maging ang France o Britain kung kailangan.


----$$$--


MAPAPANSIN natin na ang mga international news ay karaniwang tungkol sa preparasyon sa digmaan.


Pinakamainit dito — ay ang posibilidad na biglang sunggaban ng Mainland China ang pinaninindigan nilang probinsya — ang Taiwan.


----$$$--

KAHIT ang Palawan ay mistulang inaangkin din ng China bukod ang karagatang kanilang kinokontrol sa West Philippine Sea.


Hindi na lalayas pa ang China sa WPS, kaya bang awayin ng Pilipinas ang Beijing nang hindi kasama ang US at mga kaalyadong bansa?

Ang sagot: Hindi!


----$$$---


SA ngayon, ang Syria ay pinagpapartehan ng malalaking bansa — na may magkakaibang ideolohiya.


Nais ng Israel na makontrol ang ilang teritoryo ng Syria pero nanindigan ang Turkey na hindi sila papayag na magkahati-hati ang orihinal na teritoryo ng Syria.


----$$$--


MALINAW na hindi pa tapos ang digmaan sa Middle East, bagkus ay nagbabagong anyo lang ito — at higit na mabibigat ang mga masasangkot.

Paano kung biglang maggiyera ang Israel at Turkey?


----$$$--


IMBES na humupa, lalong nabibingit sa Ikatlong Digmaang Pandaigdig ang ibabaw ng mundo.


Hanggang kailan ito matatapos?


Kung may reaksyon, sumbong o katanungan, sumulat sa ASINTADO ni Judith Sto. Domingo sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa asintado.bulgar@gmail.com.

 
 

ni Ka Ambo @Bistado | Mar. 30, 2025



Bistado ni Ka Ambo

Tinamaan ng magnitude 7.7 earthquake ang Myanmar at Thailand.

Daan-daan ang namatay at gumuho ang hindi mabilang na gusali.


-----$$$--


Tiyak na magsasagawa ng earthquake drill sa Metro Manila.

Kung kailan lumilindol saka nagpapraktis.


----$$$--


SA totoo lang, ang 7.7 magnitude earthquake ay mahirap paghandaan. 

Kahit ang mga rescuer ay tiyak na magpa-panic at mababalewala ang preparasyon.

Paano mo paghahandaan ang pagguho ng napakataas na gusali tulad sa naganap sa Bangkok?


-----$$$--


PERIODIC o consistent dapat ang preparasyon.

Ibig sabihin, kailangan ay ipatupad ang earthquake drill tulad sa pag-awit ng “Lupang Hinirang” tuwing Lunes at retreat ng bandila tuwing Biyernes.

Malinaw na dapat isama sa “weekly program” ng bawat LGU ang earthquake at disaster drill — ‘yan ang tumpak — wala nang iba pa.


-----$$$--


AKTUWAL at pormal nang kumalas si Sen. Imee sa Alyansa. Iyan ang tama, dapat ay malinaw ang desisyon.

Disposisyon ang tawag diyan.


----$$$--


ANG disposisyon ay nakapundasyon sa malinaw na kumbiksyon.

Ang kumbiksyon ay ang paniniwala at paninindigan sa isang sitwasyon na sa paningin at pakiramdam ay iyon ang tumpak at nararapat.


----$$$--


WALANG sisisi sa iyo at maging ikaw ay hindi dapat magsisi kapag ang iyong desisyon ay nakabatay sa kumbiksyon — at iyan ay pinoproteksyunan ng lahat ng Konstitusyon sa balat ng lupa.


Kahit pa lumabas sa bandang huli na tila hindi naaayon sa moralidad o batas ang iyong prinsipyo at paninindigan — iyan ay pinagbubuwisan ng buhay.


----$$$--


NAGIGING martir, bayani at panatiko — dahil ang pundasyon ng kanyang aksyon at aktibidad ay nakabatay sa kanyang kumbiksyon.

Iyan ang sariling desisyon at disposisyong hindi idinidikta ng sinuman — kapatid, magulang o kahit kaibigan.


Ikaw, handa ka bang maging santo, bayani o martir?

Kailangang maunawaan mo ang kumbiksyon, desisyon at disposisyon!


----$$$--


SA pagboto dapat ay may desisyon, kumbiksyon at disposisyon ang bawat isa.

Puwedeng tanggapin ang biyaya, insentibo o kahit cash mula sa korup na kandidato.

Pero, ang dapat mong iboto ay kung sino ang paniniwala mong magbubunsod ng pagbabago at pag-unlad.


----$$$--


HINDI dapat nagpapadikta sa kinang ng salapi o sa pabor o sa impluwensya ninuman.

Magdesisyon ka batay sa iyong kumbiksyon at hindi sa dikta ng ibang tao.

Iyan ang disposisyon — at iyan ang biyaya ng isang demokratikong institusyon!


Kung may reaksyon, sumbong o katanungan, sumulat sa ASINTADO ni Judith Sto. Domingo sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa asintado.bulgar@gmail.com.

 
 

ni Ka Ambo @Bistado | Mar. 29, 2025



Bistado ni Ka Ambo

Dumating na si US Defense Secretary Pete Hegseth upang makipagmiting kay Defense Secretary Gibo Teodoro.

Walang duda, “giyera” ang pag-uusapan.


----$$$--


MAUGONG ang ulat na magdadala pa uli ng isa pang Typhon missile system ang US sa teritoryo ng Pilipinas.

Tiyak na papalag ang China.


----$$$--


AKTUWAL na soberanya ng bansa ang agenda.

Soberanya ng ‘Pinas na sinasakop ng China o soberanya ng ‘Pinas na sinasawsawan ng US.

Mas mainam sana kung soberanya ng ‘Pinas na malaya sa panghihimasok ng China at US.


----$$$--


Sa praktikalidad, ang mahihinang bansa gaya ng Pilipinas ay mahihirapang ipreserba ang soberanya nang hindi madidiktahan o pakikialaman ng malalaking bansa.


Isang halimbawa dito ang Ukraine, puwede bang sabihin ng Ukraine sa US na lumayas kayo at huwag ninyo kaming pakialamanan.

Hindi puwede.


----$$$--


SA totoo lang, ang isyu ngayon ay ang rare mineral deposit ng Ukraine na hindi malayong maisanla sa US — kapalit ng suporta kontra Russia.

Sa aktuwal, ang bundok-bundok na natural resources ng Pilipinas ay matagal nang ‘nasamsam’ ng mga dayuhan.


----$$$--


MASELANG isyu ang soberanya at dahil ang nag-uusap ay dalawang defense chief ng bansa --walang duda, iyan ang agenda.

Kung makikinabang ang Pilipinas o ang US — o parehong mabibiyayaan ang dalawang bansa?

Iyan ang dapat masagot.


----$$$--


KAPAG soberanya ang agenda at detalye ng usapan ay karaniwang “state secret”.

Nakataya dito ang seguridad ng bansa.


Mag-aantay lang tayo kung ano ang ipahayag ng Malacañang at ng Pentagon sa agenda ng mga kumperensiya.


----$$$--


SIYEMPRE, umaasa tayo na mas makikinabang ang Pilipinas sa alinmang usapan sa mga dayuhan.

Iyan ang ipagdasal natin nang walang patid.


Kung may reaksyon, sumbong o katanungan, sumulat sa ASINTADO ni Judith Sto. Domingo sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa asintado.bulgar@gmail.com.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page