top of page
Search

ni Ka Ambo @Bistado | September 27, 2025



Bistado ni Ka Ambo


Umaagaw uli ng atensyon — ang mga ulat hinggil sa sitwasyon ni Digong sa ICC detention cell sa The Hague, Netherlands.

Ipinoproseso na ang kanyang interim release.

Pero, wala pang final decision kung papayagan.


----$$$--


NAKAPOKUS ang argumento sa “mental health” ni ex-PRRD.

Edad otsenta na si Digong na pinaniniwalaang dumaranas ng “mild cognitive impairment”.


-----$$$--


KARANIWANG dumaranas ang mga may higit sa 80-anyos ng MCI — at ito ay buwelo bago makaranas ng aktuwal na dementia.

Ibig sabihin, tulad sa paglabo ng mata, lumalabo rin ang “proseso sa pag-unawa” ng isang tumatanda ng tao.


-----$$$--


GAYUNMAN, sakaling matindi ang stress, kapos ng mahimbing na tulog, at walang maayos na nutrisyon at ehersisyo — magiging grabe ang mga sintomas.

Kapag nagkagayon, mauuwi ito sa aktuwal na dementia — may mga oras o araw na “kapos siya ng pag-unawa”.

Iyan ay posibleng maranasan ni Digong — na siyang pagbabatayan ng desisyon ng ICC trial chamber kung papayagan siya sa interim release o tuluyang i-dismiss ang kaso.


----$$$--


MAAARING nababahala rin ang Malacanang sa sitwasyon ni Digong kaya’t inatasan ang Philippine Embassy sa The Hague na bumisita nang personal kay Digong.

Pero, binigyan ng negatibong kahulugan ito ng pamilya Duterte, dahil inilihim daw ang pagdalaw.

Nanganganib umano ang buhay ni Digong sa posibleng lihim na pagbisita.


----$$$--


SA aktuwal, umiskor ang depensa sa kaso, dahil ginawaran ng ICC ng indefinite suspension ang pagbasa ng kaso o ang pagpapatuloy ng pagdinig.

Mismong ang detention center ang nagpasuri sa mental health ni Digong na pinagbatayan ng suspension sa pagdinig.


-----$$$--


ANG “isyung Duterte” ay sumasabay sa masalimuot na imbestigasyon sa multi-bilyong-pisong flood control project scam.

Nagkakadawit-dawit na ang mga matataas na opisyal ng bansa sa isang modus operandi na matagal nang nararanasan ng burukrasya.


----$$$--


TULAD ng “Kuwentong Aswang”, hindi matapos-tapos ang modus sa “pork barrel” — na

naghunos sa maraming anyo — DAP, PDAF at ngayon ay DPWH’s flood control projects.

Sa totoo lang, isang “tribu ang aswang” sa Pilipinas, nakasiksik ito sa halos lahat ng antas at sulok ng burukrasya — sa balatkayo ng “development projects and programs, procurement at disbursement process — mula barangay, munisipalidad, siyudad, probinsya, rehiyon, department, Kongreso, hudikatura at Malacanang — kasama ang AFP at pulisya”.


Immortal ang aswang, tulad din ng pagiging immortal ng mga “lords”. 

Kumbaga, kontrolado ang demokratikong proseso ng mga “Kampon ni Taning”.




Kung may reaksyon, sumbong o katanungan, sumulat sa ASINTADO ni Judith Sto. Domingo sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa asintado.bulgar@gmail.com.

 
 

ni Ka Ambo @Bistado | September 25, 2025



Bistado ni Ka Ambo


Pinaiikot lang ang ordinaryong Pinoy ng mga kongresista at senador na nag-iimbestiga.

Alam naman nila ang sagot sa kanilang mga tanong.


----$$$--


Kumbaga sa titser, tanong nang tanong sa estudyanteng si Juan, pero sa aktuwal — alam naman niya ang sagot.


Halimbawa, sino ang pambansang bayani?Alam ng titser na si Dr. Jose Rizal ang sagot, pero bakit nagtatanong pa?


----$$$--


WALANG “insertion” at “unprogrammed” funds na magagalaw o magagamit nang “hindi alam” ng Speaker ng Kamara, Senate President, DBM chief at mismong mga department head.


Tanong mismo ni Senate President Tito Sotto sa engineer, hindi ba alam ng boss mo ang mga ginagawa mo?


Gusto ni Tito Sen — na ang sagot dapat ng engineer sa kanyang tinanong ay “oo” or “yes”.


----$$$--


ERE ang tanong: Hindi ba alam ng Senate President ang paggamit ng “insertion” at “unprogrammed funds” — ng anim na senador?

Sino ba ang pordarekord na “pinakamaraming beses na termino” sa Senado?


----$$$--


INIYAYABANG ni Sotto na hawak niya ang ‘record’ na may pinakamaraming beses na na-reelect sa Senate.


Pero, bakit siya ‘nagtatanong’ sa mga engineer tungkol sa “insertion” at “unprogrammed” funds na ginamit sa flood control projects scam?

Mas masasagot ‘yan mismo ni Sotto kaysa ng mga engineer.


----$$$--


MAHIHIRAPAN ang sinuman na sagutin ang tanong sa paggamit ng “pondo” sa GAA, NEP, “insertion” o “unprogrammed fund”, maliban sa mga senador.

Ang mga iyan ay lihim na proseso — at imposible na hindi alam ng Speaker ng Kamara at mismo ng Senate President.


Pinakahuli, imposible na walang basbas ng DBM na kumakatawan sa Malacañang.


-----$$$--


KAPAG walang alam o nagtatanga-tangahan ang Malacañang, DBM, Kamara, Senado at gabinete — sa alingasngas sa paglustay ng pondo — dapat ay pumasok dito ang COA, Ombudsman at Civil Service Commission.


Ang mga constitutional bodies na ito ay siyang dapat nagbabantay sa tatlong sangay ng gobyerno — ehekutibo, lehislatura at maging ang hudikatura.


----$$$--


MALINAW ang sitwasyon, palyado at dispalinghado ang ehekutibo, lehislatura at hudikatura, pero bakit inutil din ang constitutional body?


Sa ganyang sitwasyon at senaryo — mapanganib ‘yan dahil maaaring ilarawan ito bilang “failure” ng buong sistema ng gobyerno.


----$$$--


KAPAG nagkutsabahan ang tatlong sangay ng gobyerno dili kaya’y paralisado ang “balance of power” — at inutil ang constitutional bodies na dapat ay kumakastigo sa mga ito — saan patungo ang Republika ng Pilipinas?


Obligasyon at isang malaking hamon kay Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. — na huwag kunsintehin ang kutsabahan, bagkus ay ipakita sa madla — na gumagana nang malusog ang probisyon ng Konstitusyon.


----$$$--


Dapat ay magpakita ng “kamay na bakal” si PBBM hangga’t hindi pa huli ang lahat.

Kapag tameme si junior — siya rin ang magdurusa -- at tatanggap ng parusa ng taumbayan.


----$$$--


ANG pagkakasangkot ng komisyoner ng Commission on Audit — ay hindi biro.

Ito ay konkretong ebidensya ng kabiguan ng demokratikong proseso na ipatupad ang esensiya ng Konstitusyon at demokrasya.


Kung dispalinghado ang proseso, saan tayo pupunta?


Sumagot kayo? Bakit kayo namumutla?



Kung may reaksyon, sumbong o katanungan, sumulat sa ASINTADO ni Judith Sto. Domingo sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa asintado.bulgar@gmail.com.

 
 

ni Ka Ambo @Bistado | September 23, 2025



Bistado ni Ka Ambo


May mga nagtatanong: Mairaos kaya ni PBBM ang 6-year term?

Sa ipinakitang bugso ng mga nagprotesta noong Linggo, mahirap sagutin ang tanong.


----$$$--


Magkakaiba kasi ang agenda ng mga raliyista.

Sa totoo lang, isang grupo riyan ay maka-Marcos.

Obvious na ang ilang pangkat ay maka-Duterte.


----$$$--

MALINAW din ang kulay ng mga maka-CPP-NPA-NDF na kasama sa nagprotesta.


Mayroon din nagpapahiwatig ng “maka-kanan” o linyang military.


----$$$--


MAY mga nagprotesta, para lamang makaganti sa pagsasarado ng kanilang establisimyento partikular ang media network.

Mayroon ding lehitimong grupo ng mga kabataan at estudyante.


----$$$--


SA isang video clip, mayroon ding vendor tulad ng nag-aalok ng fishball at kikiam.

Nariyan din ang ilang pulitiko at malalaking lider ng negosyante na ikinatawan ni Gov. Chavit.


-----$$$--


DATI-RATI, ang pinakaaktibo, pinakamaingay at pinakamagulo — ay ang hanay ng mga manggagawa, pero tila nasasapawan sila ng ilang pangkat.

Magkakaiba ang kulay ng mga pumagitna sa kalye at ginamit lamang ang isyu ng “flood control project modus” upang sukatin ang damdamin ng mga tao.


----$$$--


MARAMING nagprotesta, pero malinaw na watak-watak.

Aktuwal pang nakipag-away ang maka-Duterte sa ilang grupo — na nagpapatunay na hindi “solido” ang grupo na nagpapantasyang maibagsak ang administrasyon ni Marcos Jr.


-----$$$--


MAS okey sana ay magkanya-kanya ng araw ng protesta ang magkakahiwalay na pangkat na may kani-kanya ring agenda.

Halimbawa, mauna na ang grupo ng mga maka-Marcos.


----$$$--


HUMUGOT din ng espesyal na araw ang mga maka-Duterte.

Sundan ito ng mga makaka-kaliwa o nagsisimpatiya sa CPP-NPA-NDF. 


----$$$--


DAPAT din humugot ng araw ang grupo ng mga relihiyon.

Magkani-kanya ng petsa ang Iglesia ni Cristo, Simbahang Katoliko at El Shaddai, at siyempre, puwede ring maprotesta ang mga maka-Jesus Is Lord upang maidepensa ang reputasyon ng kanilang founder na nadumihan ng putik ng isyu ng korupsiyon.


----$$$--


PINAKAMAHALAGA, magtakda ng espesyal na petsa ang lehitimo at walang batik pulitika na hanay ng mga kabataan — young professionals, estudyante at out-of-school youth tulad ng nagtitinda ng fishball at kikiam.

Kung nais ng mga negosyante na magprotesta ay puwede rin.


---$$$--


ANG street protest bilang instrumento sa pagpapalit ng liderato ng bansa — ay sinasang-ayunan ng Konstitusyon.

Isinalegal ito nang katigan ng Korte Suprema ang pag-upo ni Tita Cory na natalo sa official canvassing ng Comelec pero naging president.


----$$$--


KINATIGAN din ng Korte Suprema ang pag-upo sa Malacañang ng noon ay bise presidente na si Gloria Macapagal-Arroyo nang “magtraydor” sa noo’y commanding-in-chief na si Erap si dating AFP chief Angelo Reyes.

Nang lumaon, nag-suicide si Reyes nang ma-bully sa Senate hearing.


-----$$$--


ANG kasaysayan ay paulit-ulit lang na nagaganap — nagbabago ng aktuwal na “bida at kontrabida”.

Mahirap matiyak na mananatili sa Malacanang si PBBM hanggang 2028.


----$$$--


LINGID sa kaalaman ng marami, ang pinakamaselang “component” ng pagpapalit ng liderato — batay sa kasaysayan ay hindi “domestic issue”, bagkus ay ang panghihimasok ng mga dayuhan.

Maging mapagmatyag, lalo na’t nagbago na nang tuluyan ang modernong henerasyon.


----$$$--


ALALAHANIN natin, bumubuwelo ang buong mundo sa isang hindi maiiwasang Ikatlong Digmaang Pandaigdig kung saan, hindi makakaiwas ang Pilipinas.

Kailangan ang isang “super strong leader” ngayon -- at sa 2028!

Kailangan ay maipadama ni PBBM sa mga Pinoy at mismo sa mga dayuhan -- na siya ay isang brusko at super strong upang matapos niya ang kanyang termino — sibakin ang dapat sibakin sa burukrasya!



Kung may reaksyon, sumbong o katanungan, sumulat sa ASINTADO ni Judith Sto. Domingo sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa asintado.bulgar@gmail.com.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page