top of page
Search

ni Ka Ambo @Bistado | October 6, 2025



Bistado ni Ka Ambo


Pagod na tayo sa kakasubaybay sa Congress hearing.

Hindi na kapani-paniwala ang mga impormasyong inilalabas at lumalabas.

Karaniwan ay propaganda at kontra-propaganda lamang.


----$$$--


KUNG susuriin, nagtatakipan talaga — ang mga kongresista at senador.

Kung illegal o labag sa regulasyon ang “insertion” at “unprogrammed” -- na inaamin ng mga mambabatas, lalabas na guilty ang buong Kongreso — Kamara at Senado.


----$$$--


KUNG ituturing na tumpak ang pahayag ni ex-Congressman Zaldy Co -- na hindi siya nagsosolo -- dahil nilagdaan ng ‘mayorya’ at ‘Malacanang’ ang batas o GAA, at aprubado ng ehekutibo ang paglalabas ng pondo -- ibig sabihin, guilty din ang “lahat ng higher executives”.

Isa tayo sa naniniwala sa ganyang konsepto!


-----$$$--


SA totoo lang, dapat aminin ng Malacanang at liderato ng Kongreso — Kamara at Senado ang kanilang pagkakamali, pagkukulang at pagkakasala.

Sa doktrina ng Simbahang Katoliko, hindi mapapatawad ang kasalanan ng “walang pag-amin (kumpisal) at pagsisisi”.

Absolusyon ang tawag diyan.


-----$$$--


HINDI malayong may magpatiwakal, makaranas ng atake sa puso o stroke sa matataas na lider ng bansa dili kaya’y makaranas ng “hindi maipaliwanag na sakit” — kapag kinimkim ang kanilang pagkakasala.

Mistulang bilanggo ng guilty feelings ang natatago nilang kamalayan dahil sa “masama nilang ugali”.


Batay sa sinaunang karunungan, iyan mismo ang konsensya at karma!


-----$$$--


Walang nagpapakalat ng planong kudeta, umuugong ang pang-aagaw ng poder gamit ang military — dahil sa pag-aakalang dinadaya, pinagtatakpan at binabaluktot ang batas at probisyon ng Konstitusyon.


Kapag garapal ang pambabastos sa Konstitusyon — at pag-BALUKTOT sa proseso upang makatakas ang utak ng kawalanghiyaan — hindi kailanman maglalaho ang “tsismis ng kudeta”.


----$$$--


ANG posibilidad ng kudeta ay hindi lilitaw kapag malinaw na makakasuhan ang mga utak ng pandarambong.

Pero, kapag nagtatakipan at nakikipagkutsaba ang mga nag-iimbestiga — sa malaon at madali ay tiyak na kikilos ang lahat ng sektor — hindi lamang ang military at pulis — bagkus ay ang mismong sambayanan upang maitama ang lahat!


----$$$--


ISANG malaking paghamon kay Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. na magdesisyon at kumilos nang mabilis, at marahas upang maiayos ang pagiging burara ng kanyang mga ayudante — bago manghimasok ang mga dayuhan.

Hindi na dapat pang marinig ang urgent call mula sa ibayong dagat: “Cut, cut it cleanly; cut, cut it cleanly”!



Kung may reaksyon, sumbong o katanungan, sumulat sa ASINTADO ni Judith Sto. Domingo sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa asintado.bulgar@gmail.com.

 
 

ni Ka Ambo @Bistado | October 5, 2025



Bistado ni Ka Ambo


Natabunan na nang todo ang isyu sa missing sabungeros.

Tulad sa flood control project scam, wala pa ring matibay na ebidensya laban sa mastermind sa pagkawala ng 34 sabungero.


----$$$--


SA totoo lang, walang “body of the crime” sa mga nawawalang sabungero.

Paano makakausad ang kaso — at sa totoo lang, tumahimik na ang lahat — DOJ at ang mismong mainstream media.


----$$$--


Sa flood control project scam -- ang “body of the crime”, sangkatutak at malilinaw ang ebidensya — dokumentado at aktuwal.

Pero, bakit hindi maituro at hindi tinutukoy nang lantaran ang “mastermind”?


-----$$$---


IYAN din ang problema sa graft and corruption, paano makakakuha ng matibay na ebidensya sa utak ng pandarambong?

Tulad sa missing sabungeros case, sumasandal ang mga imbestigador sa testimonya at physical evidence na ibibigay ng whistleblower.


----$$$--


SA aktuwal, mas malilinaw at matitibay ang ebidensya laban sa “whistleblower” na nangangarap na maging “state witness”.

Ibig sabihin, nais ng publiko na may “mahatulan batay sa ebidensya”, mas shortcut na kasuhan ang nagtatangka na maging “state witness”.


-----$$$--


MASELAN ang debate ng mga imbestigador dahil kailangan nilang magdesisyon sa dalawang bagay.

Una, kung mabilis na conviction, dapat ay kasuhan na lang ang potential state witness o whistleblower — dahil may matibay na ebidensya.

Ikalawa, gamitin ang state witness cum whistleblower laban sa hinihinalang utak — upang magkaroon ng prima facie at matibay na ebidensya!


-----$$$--


GAYUNMAN, mas mainam kung ang whistleblower at state witness laban sa mastermind -- ay hindi kasama sa mga “main suspects”.

Iyan ang pagkakaiba ng ex-Marine na lumantad sa Senado at kay Julie Patidongan na nais tumestigo laban sa utak ng krimen.


----$$$--


SI Patidongan ay hindi nalalayo sa mga ex-DPWH executive at mga kontraktor na nais maging state witness at whistleblower.

Pero, hindi dapat makaligtas ang mga “main suspect” sa kanilang pananagutan gamit ang pribilehiyo ng batas sa pagiging state witness.


---$$$--


ANG mabigat dito, kapag naabsuwelto ang mastermind na itinuro ng state witness sa pagdinig ng kaso.

Absuwelto na ang mastermind, absuwelto pa ang mga kasapakat.


----$$$--


ISANG magandang halimbawa rito ay ang kaso ni Janet Napoles na itinuro ng state witness na kanyang “dating tauhan”.

Absuwelto ang kanyang tauhan, pero nahatulan si Napoles.


-----$$$--


KAHIT ang salapi ay pondo ng gobyerno, isang pribadong tao — ang naging “mastermind” na taliwas sa esensiya ng kaso.

Paano magiging mastermind ang isang “private person” sa ninakaw na pondo ng gobyerno?


----$$$--


DAPAT nating suriin at unawain ang flood control project scam bilang “pondo ng gobyerno” — ang ninakaw.

Posibleng mahatulan din dito ay pribadong kontraktor, imbes ang mga opisyal ng gobyerno.


----$$$--


KAPAG bilyun-bilyong pisong pondo ng gobyerno, dapat ang mastermind — ay opisyal ng gobyerno — dahil hindi maimamaniobra ang kulimbat — nang walang basbas ng mga talipandas sa pamahalaan.

Ang mga pribadong tao — ay manika at piyon lamang ng mga ‘mandarambong’ sa pamahalaan.



Kung may reaksyon, sumbong o katanungan, sumulat sa ASINTADO ni Judith Sto. Domingo sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa asintado.bulgar@gmail.com.

 
 

ni Ka Ambo @Bistado | October 4, 2025



Bistado ni Ka Ambo


Nagkakaisa ang mga eksperto: Wala nang “cold war” ang US, Russia at China.

Pero, nag-level-up ito -- umuusok at nagliliyab na ang “hot war”— buwelo sa Ikatlong Digmaang Pandaigdig.


----$$$--


NAG-USAP nang personal sina US President Donald Trump at Russian strongman Vladimir Putin sa Alaska kamakailan, pero hindi nabuhusan ng malamig na tubig ang mitsa ng digmaan.


Ngayon, sinisikap ni Trump na maareglo ang China — pero sino o aling bansa ang

kanyang isasakripisyo?


Taiwan o Pilipinas?


-----$$$--


KAPAG binantaan ni Trump ang China, malaking siklab ‘yan ng panibagong digmaan.

Pero, ang giyera — ay siyang modelo ng larong ahedres sa sinaunang panahon.

Aling piyesa ang gagamitin at isa-sacrifice ng “GRANDMASTER” — upang makanakaw ng “advantage”?


-----$$$---


NAMULAT ang bansa sa kahalagahan ng preparasyon sa malakas na lindol nang yumanig ang Cebu.


Walang ulat, kung naging epektibo ba ang earthquake drill sa naturang lugar?


----$$$--


DAPAT ay nilinaw ng NDRRMC kung naging epektibo ang kanilang “national earthquake drill”.


Ano ang resulta ng earthquake drill sa mga lokalidad na tinamaan ng lindol?


-----$$$--


NAPAKAHALAGA ng assessment na ito, dahil iyan ay aktuwal na “validation” o kumpirmasyon — kung tama o angkop ang ginagawang earthquake drill sa mga lokalidad.


Halimbawa, ipinakita sa isang social media post — ang mga paslit na naglalaro sa isang computer shop nang biglang lumindol.


Nakakatuwa na “nagamit” nila ang “duck, cover and hold” — sa ilalim ng mesa.


----$$$--


ANG “duck-cover-hold” technique ay simpleng payo na epektibo naman.

Pero, nasaan ang instant reaction na “relief goods, blanket, tubig, tent”?

Ipinakita ang “improvised plastic” na ginamit ng mga survivor na mistulang insekto na nakasiksik sa “cocoon” ang mga biktima.


----$$$--


KUNG seryoso ang gobyerno sa emergency response partikular sa panahon ng malakas na lindol — dapat ay may “emergency warehouse” sa bawat barangay — na may sapat na kagamitan — tent, blanket, canned goods, medicine at iba.

Monthly o buwan-buwan ay iniimbentaryo ang “emergency supply” — na nakatoka ang DSWD, DND at LGU.

Malinaw na ang pondo o budget sa “emergency response” ay hindi nalalayo sa flood control project scam.


----$$$--


NABISTO ang corruption sa flood control — nang makaranas ng malalaking baha sa lahat ng lugar, bakit walang nagbubunyag ng katiwalian---sa “emergency response” sa panahon ng lindol?


Ibig sabihin, dapat iulat ng DSWD, LGU at iba pang ahensya — kung saan dinala ang “budget”—at suriin kung sangkot din ito sa “raket ng insertion at unprogrammed fund”.


----$$$--


WALA bang pagdinig sa Kongreso — upang suriin kung bakit—walang “emergency supply” sa mga lugar na tinamaan ng lindol?Hindi dapat nagmumula sa malalayong lugar ang “emergency supply” — bagkus ito ay dapat awtomatiko — na nasa barangay hall o munisipyo — na agad makakaabot sa mga biktima — ilang oras lang, matapos maranasan ang lindol o kalamidad.


----$$$--


HINDI lang infrastructure projects ang talamak ang corruption, bagkus ay maging ang proseso ng procurement na posibleng “short delivery, substandard or ghost purchase” — sa lahat ng antas at sulok ng burukrasya.


Nasaan ang DILG, bakit hindi nila dinisiplina at binabantayan ang “gugulin” o “cash flow” ng mga LGUs?


Kaawa-awang Pinoy — matagal na kayong pinagsasamantalahan ng mga talipandas!



Kung may reaksyon, sumbong o katanungan, sumulat sa ASINTADO ni Judith Sto. Domingo sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa asintado.bulgar@gmail.com.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page