top of page
Search

ni Ka Ambo @Bistado | October 10, 2025



Bistado ni Ka Ambo


Buwan ng Santo Rosario ngayon.

Pero tila walang gaanong aktibidad ang Simbahang Katoliko kaugnay ng tirintas ng mga dasal na iniaalay kay Birheng Maria.

----$$$--

MAS inaatupag ng ilang grupo ng simbahan ay ang makisawsaw sa mapulitikang batikos kaugnay ng iskandalong flood control projects.

Nagpapasimuno sila ng mga kilos-protesta kung saan ay hindi sinasala ang mga dumadalo.

----$$$-- 

MAAYOS ang mga street protest sa lalawigan ng Bulacan. 

Pero dapat matiyak nila na hindi nakikiparada ang mga botante o mga “ward leader” ng mga kongresistang inaakusahan.

May nagsasabi kasi na ang ilan sa mga namamataan ay mga taga-kampanya rin mismo ng mga pulitikong binabatikos sa flood control projects.

----$$$--

MAS mainam kung ang mga dating bumoto sa mga kongresista — tulad ng mga volunteer watchers ay hindi nila iboboto pa ang inaakusahang pulitiko.

Pero, kapag namigay ng “allowance” para sa kampanya — ang mismong mga kongresista — magpapalista uli ang mga “sumama” sa kilos-protesta.

-----$$$---

MAPAPANSIN na hindi gaanong dagsa ang mga kasama sa “parade ng protesta” na pinaniniwalaang inorganisa ng ilang grupo.

Mahirap talagang sandalan ang “street protest” kung ang nais ay maitama ang “mali”.

----$$$--

MAS epektib ay kung mag-oorganisa ng “special task force” ang pribadong sektor — kasama ang religious group, kabataan, kababaihan, negosyante at maging ang mga titser at abogado.

Kung talagang seryoso ang mga taga-Bulacan na matikman ang hustisya sa “multi-bilyong-pisong katiwalian”, dapat ay magboluntaryo ang mga Bulakenyong abogado at idokumento ang mga ebidensya.

----$$$--

ANG konkretong solusyon ay hindi ang kilos-protesta, bagkus ay ang pormal na kaso sa hukuman.

Kasuhan agad ang mga ganyang korporasyon na nakipagkontrata sa DPWH.

Dapat humingi ng danyos gamit ang hukuman -- dili kaya’y ipa-back job ang mga proyekto na itinatadhana sa kontrata.

----$$$--

HALIMBAWA, sa munting bayan ng Balagtas na sinasabing naglaan ng higit sa P3 bilyon para sa iba’t ibang flood control projects, dapat itong ipa-back job sa mga kontratista.

‘Yan ang tama at simpleng proseso.

----$$$--

Hiwalay ang pormal na kasong ito ng breach of contract sa “pananagutang legal” na isinasagawa ng ICI.

Ibig sabihin, habang nag-iimbestiga ang ICI, magboluntaryo ang mga abogado — na maghanap ng ebidensya — at hilingin sa hukuman — na gampanan ng mga kontratista — kung ano ang nakasaad sa kontrata.

----$$$--

SA aktuwal, mala-imposibleng magampanan ng ICI ang trabaho — at hindi rin ito institusyunalisadong “entidad” para sa pormal na pagsasampa ng kaso.

Malaking hamon ito sa Municipal Government of Balagtas at mismo sa Sangguniang Bayan na bumuo ng special committee at himukin ang pribadong sektor — na tumulong sa pormal na pagsasampa ng kaso upang marekober ang P3 bilyong inilaan sa bayan ni Gat Francisco Balagtas.

----$$$--

HINDI kailangan ang dakdak at propaganda, dapat ay kongkretong aktibidad upang marekober — ang P3 bilyon ninakaw sa mga mamamayan ng Balagtas.

Kung matutukoy na kasabwat ang kongresista at iba pang opisyal ng gobyerno — dapat itong ilantad sa publiko — upang sila ang personal na managot sa dambuhalang panloloko sa mga mamamayan ng Bigaa.




Kung may reaksyon, sumbong o katanungan, sumulat sa ASINTADO ni Judith Sto. Domingo sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa asintado.bulgar@gmail.com.

 
 

ni Ka Ambo @Bistado | October 8, 2025



Bistado ni Ka Ambo


Bumagsak ang palitan ng piso kontra dolyar.

Dausdos din ang stock market.

Maging ang foreign investors ay lumalayas.

Saklolo!


----$$$---


NAGREREKLAMO ang ilang bumbay, wala silang masingil sa mga mumunting negosyante sa ibaba ng laylayan.

Dumarami ang kaso ng pagnanakaw at panggogoyo sa kapwa — walang pera.


----$$$--


DUMARAMI ang nagkakasakit, pero parang tameme ang Department of Health.

Inutil din yata tulad ng DPWH.


----$$$--


NAGKALAT ang pulubi at mga may “psychosis” na natutulog sa kalye.

Ang tinutulungan ng DSWD — ay kung sino ang “maykaya” na mabuhay -- pero ang mga “hopeless person” ay pinababayaan.


----$$$--


ANG mga traffic enforcer ay hinuhuli ang mga tsuper — na may “pang-areglo” pero ang mga gumagambala sa trapiko — tulad ng street vendor at “pulubi kuno” — ay hindi binabawalan sa gitna ng lansangan.

Wala kasing “panlagay” ang mga pobre-pobrehan.


----$$$--


INAAKALA ng mga traffic enforcer ay sakop lamang nila ang may hawak ng manibela — ‘yan ay isang kamangmangan.

Ang lahat ng nakaka-obstruct sa kalye — ay dapat iniaayos ng traffic enforcers — kasama ang vendors at pulubi.


----$$$--


ANG mga pulubi — alaga man ng mga sindikato o hindi — ay dapat inaasikaso at binabantayan ng DSWD.

Malinaw na ang DSWD — ay tulad din ng DPWH — batbat ng kaduda-dudang aktibidad.


----$$$--


MAGING ang mga nagbabanal-banalan na mga religious group ay tila dedma sa mga pulubi na mga may “mental illness” na naghambalang sa bangketa at mga lansangan.

Bulag, pipi at bingi ang mga ehekutibo ng LGU at barangay na nakakasakop sa lugar kung saan naglipaw o naglipana ang mga “hopeless” Pinoy.


----$$$--


KUNG ang mga ninakaw na multi-bilyong piso ng mga pulitiko, ehekutibo at mga kontraktor ay inilalaan sa mga “hopeless” persons — disin sana’y masaya ang lahat.

Plastik at pagkukunwari ang pagtulong ng gobyerno sa mga “hopeless” persons.


----$$$--


Ang DSWD dapat ay siyang naatasang sumaklolo sa mga Pinoy na “wala nang pag-asa” na mabuhay nang marangal at disente.

Hindi lamang pagnanakaw sa pondo — ang kahulugan ng corruption, bagkus isang klase rin ng katiwalian ang pagtakas sa responsibilidad at “kamangmangan”.


-----$$$--


SA laganap na katiwalian sa loob ng gobyerno, wala ring corporate services para sumaklolo sa mga wala nang pag-asang Pinoy — pulubi at may ‘mental illness’.

Kahit ang mga alagad ng sekta at relihiyon ay mga ‘mapagkunwari’ lamang — at ‘naglulustay’ ng mga donasyon at ambag sa simbahan at sambahan.


----$$$--


SAAN patungo ang ating bansa kung ang gobyerno at pribadong sector ay kapwa makasarili—at “pera-pera” lang?

Wala na, wala nang pag-asa pa si Juan!



Kung may reaksyon, sumbong o katanungan, sumulat sa ASINTADO ni Judith Sto. Domingo sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa asintado.bulgar@gmail.com.

 
 

ni Ka Ambo @Bistado | October 7, 2025



Bistado ni Ka Ambo



Kinumpirma na ang pagbibitiw ni Sen. Ping Lacson bilang chairman ng Blue Ribbon Committee ng Senado.

Hindi siya nagtagal sa posisyon tulad ni Sen. Rodante Marcoleta.

Kumbaga, yung “ribbon”, nagkapunit-punit na.


----$$$--


HINDI malayong masibak din ang bagumbago ring Senate president na si Tito Sen.

Kailangan kasi na ibalik ang reputasyon ng Senado.

At hindi kayang iangat ito ng isang batikang komedyante.


-----$$$--

ISANG tampulan ng katatawanan ang buong Kongreso — Kamara at Senado.

Makakapal ang mukha.

Halos lahat sila ay tila umaamin sa iba’t ibang modus sa “paglalaro sa budget”—amendments, insertion, unprogrammed!


----$$$--


Nakaksulasok ang sitwasyon — lumilitaw na ang mga nag-iimbestiga — ay napapatunayang “sabit din sa kabulastugan”.


Ang ‘kabulastugan sa budget’ ay garapal — at iniyayabang nilang ito ay “walang nilabag” na batas.


-----$$$--


PINANINIWALAANG wala silang kuwalipikasyon sa pagiging mambabatas -- kongresista at senador -- dahil sila mismo ang nag-i-interpret ng batas; at sila rin ang humahatol sa kanilang aktibidad.


Mawalang galang po, hindi kayong mga mambabatas — kongresista o senador — ang hahatol kung “legal o hindi legal” — ang “paglalaro sa budget” — bagkus ay ang hukuman, hudikatura o ang mismong Korte Suprema.


-----$$$--


ANG trabaho ng mga mambabatas — ay gumawa ng batas at hindi ang “humatol” sa kaduda-dudang aktibidad.

Iyan mismo ang probisyon ng Konstitusyon.


----$$$--


ILANG beses nang sinabi ng Korte Suprema na labag sa Konstitusyon — ang paglalaro sa budget, gaya ng PDAF at DAP.


Pero, patuloy na “nilalaro” ang budget — at hinahatulan ang kanilang sariling kabulastugan — bilang “walang nilabag na batas”.


-----$$$--


MAY motibo ang ginagawang paglalaro sa budget — at ito ay mapapatunayan sa volume at laki ng halaga na kanilang iminamaniobra.

At mistulang nagpipiyesta ang mga buhong na naglalaway — habang nalulunod sa baha ang ordinaryong mamamayan.


-----$$$--


MAY nagsasabi na ang pagiging elected officials ay hindi kasinghulugan ng “matatalino o mahuhusay”, bagkus ito ay kasingkahulugan ng pandarambong na ang kulimbat ay ginagamit sa pag-impluwensya sa mga “bobotante”.

Ang mga “bobotante” ay mayorya — kaya’t ang nahahalal ay binabansagang “buwaya”!


-----$$$--


ANG tanong: May solusyon ba?


Nakayukayok si Juan nang sumagot: “WALA PO”!



Kung may reaksyon, sumbong o katanungan, sumulat sa ASINTADO ni Judith Sto. Domingo sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa asintado.bulgar@gmail.com.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page