top of page
Search

by News @Balitang Probinsiya | September 11, 2024




General Santos City — Isang rider ang namatay nang bumangga ang kinalululanan niyang motorsiklo sa concrete barrier kamakalawa sa Brgy. Mabuhay sa lungsod na ito.


Ang biktima ay kinilala ng pulisya na si Mark Angelo Panes, nasa hustong gulang at nakatira sa nabanggit na lungsod.


Ayon sa ulat, nawalan umano ng kontrol si Panes sa pagmamaneho ng motorsiklo kaya bumangga ito sa concrete barrier.


Nabatid na sa lakas ng impact ay nagtamo ng malaking pinsala sa ulo at katawan ang biktima.


Dinala pa ng mga saksi ang mga biktima sa ospital, pero idineklara itong dead-on-arrival.



MEKANIKO, HULI SA DRUG-BUST


AKLAN -- Isang mekaniko ang nadakip sa drug-bust operation ng mga otoridad kamakalawa sa Brgy. Poblacion, Kalibo sa lalawigang ito.


Ang suspek ay kinilala ng pulisya na si Jun Ledesma, nasa hustong gulang, residente ng nabanggit na bayan.


Ayon sa ulat, may tinanggap na impormasyon ang mga otoridad na nagbebenta ng droga si Ledesma kaya nadakip ito sa drug-bust operation ng mga operatiba,


Hindi naman nanlaban ang suspek nang dakpin siya ng pulisya sa nasabing lugar matapos na makumpiskahan ito ng isang pakete ng hinihinalang shabu.


Nakapiit na ang suspek na nahaharap sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.



KAGAWAD, DINEDBOL NG RIDING-IN-TANDEM


CEBU -- Isang kagawad ang namatay nang pagbabarilin ng riding-in-tandem kamakalawa sa Brgy. Cogon, Bogo City sa lalawigang ito.


Ang biktimang nagtamo ng mga tama ng bala sa katawan ay nakilalang si Kagawad Antonio Godinez, nasa hustong gulang, residente sa nasabing barangay.


Ayon sa ulat, habang lulan si Godinez ng kanyang motorsiklo sa nasabing lugar ay biglang sumulpot ang mga suspek na nakasakay din sa isang motorsiklo at agad pinagbabaril ang biktima.


Matapos tiyaking patay na ang biktima ay saka mabilis na tumakas ang mga salarin. 

Nagpalabas na ng manhunt operation ang pulisya para madakip ang mga suspek. 



2 NOTORYUS NA TULAK, TIKLO SA BUY-BUST


CAPIZ -- Dalawang notoryus na drug pusher ang nadakip sa buy-bust operation ng pulisya kamakalawa sa Brgy. Tiza, Roxas City sa lalawigang ito.

Itinago na muna ang mga suspek sa mga alyas na “Aldrin” at “Jimmer,” kapwa nasa hustong gulang habang iniimbestigahan pa sila ng mga otoridad.


Ayon sa ulat, nadakip ang mga suspek sa buy-bust operation ng pulisya sa naturang lugar.


Nabatid na nakakumpiska ang mga otoridad ng tatlong gramo ng hinihinalang shabu at marked money sa pag-iingat ng mga suspek. 


Nakapiit na ang mga suspek na kapwa nahaharap sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

 
 
  • BULGAR
  • Sep 10, 2024

by News @Balitang Probinsiya | September 10, 2024



South Cotabato — Tatlong HVT na drug pusher ang dinakip ng mga otoridad sa buy-bust operation kamakalawa sa Brgy. Magsaysay, Polomolok sa lalawigang ito.

Ang mga suspek ay kinilala ng mga otoridad sa mga alyas na “Esoy,” “Bon” at “Jay,” pawang nasa hustong gulang at mga residente ng nasabing bayan.


Nabatid na may tinanggap na impormasyon ang pulisya na nagbebenta ng shabu ang mga suspek kaya naaresto ang tatlong drug pusher sa buy-bust operation.


Napag-alaman na nakakumpiska ang mga otoridad ng limang pakete ng hinihinalang shabu at markadong pera sa pag-iingat ng mga suspek.


Nakapiit na ang mga suspek na pawang nahaharap sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.



LOLO, NATAGPUANG PATAY SA PALAYAN


AKLAN -- Isang 75-anyos na lolo ang natagpuang patay kamakalawa sa palayan sa Brgy. Solido, Nabas sa lalawigang ito.


Ang biktima ay kinilala lang sa pangalang Victor Sumanga, nakatira sa nabanggit na bayan.


Nabatid na ilang residente ang nakatagpo sa bangkay ng biktima sa nasabing palayan.


Napag-alaman na huling nakitang buhay ang biktima habang naglalakad patungo sa palayan.


Patuloy pa ang imbestigasyon ng mga otoridad sa pagkamatay ng biktima sa nasabing lugar.



VEGETABLE VENDOR, TODAS SA MOTORSIKLO


NEGROS OCCIDENTAL -- Isang vegetable vendor ang namatay nang mabangga ng isang motorsiklo kamakalawa sa Brgy. Mabini, Villadolid sa lalawigang ito.


Sa kahilingan ng pamilya ng biktima ay hindi na isinapubliko ng pulisya ang pangalan nito na nakatira sa nabanggit na bayan.


Ayon sa ulat, tumatawid sa kalsada ang biktima nang mabangga ng motorsiklo na minamaneho ng hindi pinangalanang rider.


Nabatid na nagtamo ang biktima ng sugat sa paa at katawan, at agad itong dinala ng mga saksi sa pagamutan, pero idineklarang dead-on-arrival.


Nangako naman ang rider na sasagutin niya ang gastos sa ospital, punerarya at lahat ng danyos sa pagkamatay ng biktima.

 
 

by News @Balitang Probinsiya | September 9, 2024



Quezon — Isang wanted na carnapper ang inaresto ng pulisya kamakalawa sa kanyang hideout sa Brgy. Ibabang Iyam, Lucena City sa lalawigang ito.


Ang suspek ay kinilala ng pulisya na si Carlo Japson, nasa hustong gulang at pansamantalang nakatira sa nasabing barangay. 


Ayon sa ulat, dinakip ang suspek sa bisa ng warrant of arrest na inisyu ng korte kaugnay sa kinasasangkutan nitong kasong carnapping sa Naga City.


Nabatid na matagal nang pinaghananap ng pulisya ang suspek at kamakalawa lang itong natiyempuhang madakip.


Hindi naman nanlaban ang suspek sa mga otoridad at sa ngayon ay nakapiit na sa detention cell ng himpilan ng pulisya. 



DALAGITA, GINAHASA NG LOLO


GENERAL SANTOS CITY -- Isang 60-anyos na lolo na gumahasa sa isang 14-anyos na dalagita ang naaresto kamakalawa ng pulisya sa Brgy. San Jose sa lungsod na ito.

Hindi na muna isinapubliko ng mga otoridad ang pangalan ng suspek habang iniimbestigahan ito sa himpilan ng pulisya. 


Ayon sa ulat, ang suspek umano ang itinuturo ng dalagita na gumahasa sa kanya sa bukid.


Matapos ang panggagahasa ay nagsumbong ang dalagita sa kanyang mga magulang kaya nagtungo sila sa pulisya at ipinahuli ang suspek. 


Sumama naman sa pulisya ang suspek nang dakpin siya at sa ngayon ay sinampahan na ng kasong rape.



2 KELOT, TIKLO SA BUY-BUST


NEGROS OCCIDENTAL -- Dalawang binatang drug pusher ang nadakip sa buy-bust operation ng mga otoridad kamakalawa sa Brgy. Binicuil, Kabankalan City sa lalawigang ito.


Ang mga suspek, isang 24-anyos at isang edad 27, ay hindi na muna pinangalanan ng mga otoridad habang iniimbestigahan sila sa himpilan ng pulisya.


Ayon sa ulat, naaresto ang mga suspek nang pagbentahan nila ng shabu ang mga operatiba na nagpanggap na buyer ng droga.


Nabatid na nakakumpiska ang mga otoridad ng 26 gramo ng hinihinalang shabu at markadong pera sa pag-iingat ng mga suspek.


Nakapiit na ang mga suspek na kapwa nahaharap sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.



TOP 2 WANTED, NASAKOTE


ANTIQUE -- Isang top 2 most wanted criminal ang naaresto ng pulisya kamakalawa sa kanyang hideout sa Brgy. San Vicente, Culasi sa lalawigang ito.


Hindi na muna pinangalanan ng pulisya ang suspek na edad 39, habang iniimbestigahan pa ito.


Ayon sa ulat, dinakip ng mga otoridad ang suspek sa bisa ng warrant of arrest na inisyu ng korte kaugnay sa kinasasangkutan nitong kasong robbery with homicide.


Nabatid na nakita ng mga operatiba ang suspek sa nasabing lugar kaya agad itong inaresto.


Hindi naman nanlaban ang suspek at ngayon ay nakapiit na sa detention cell ng himpilan ng pulisya.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page