top of page
Search
  • BULGAR
  • Sep 26, 2024

by News @Balitang Probinsiya | Sep. 26, 2024



Basilan — Isang wanted na terorista ang naaresto ng pulisya kamakalawa sa kanyang hideout sa Brgy. Tabiawan, Isabela City sa lalawigang ito.


Hindi na muna pinangalanan ang suspek na miyembro ng Abu Sayyaf Group (ASG), nasa hustong gulang at pansamantalang nakatira sa nabanggit na barangay, habang iniimbestigahan siya ng mga otoridad.


Ayon sa ulat, dinakip ng pulisya ang suspek sa bisa ng warrant of arrest na inisyu ng korte kaugnay sa kinasasangkutan nitong iba’t ibang kaso sa lalawigan.


Nabatid na may nagbigay impormasyon sa pinagtataguan ng terorista kaya agad rumesponde ang pulisya at nadakip ang suspek sa nasabing lugar.


Hindi naman nanlaban ang suspek at ngayon ay nakapiit na siya sa detention cell ng himpilan ng pulisya.



3 TULAK, TIMBOG SA DRUG DEN


BACOLOD CITY -- Tatlong drug pusher ang nadakip sa operasyon ng mga otoridad kamakalawa sa isang drug den sa Purok Ammaliz 1, Brgy. 40 sa lungsod na ito.


Kinilala ang mga suspek sa mga alyas na "Bebe," "Richard" at "Norlex," pawang nasa hustong gulang at mga nakatira sa naturang barangay. 


Ayon sa ulat, may tinanggap na impormasyon ang mga otoridad na ginagawang drug den ang isang bahay sa naturang barangay kaya agad itong sinalakay at dito nadakip ang mga drug pusher.


Napag-alaman na nakakumpiska ang pulisya ng walong gramo ng hinihinalang shabu at markadong pera sa pag-iingat ng mga suspek.

Nahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa Dangerous Drugs Act of 2002.



GINANG NA PUSHER, NASAKOTE


CAMIGUIN -- Isang ginang na bigtime na drug pusher ang nadakip sa buy-bust operation ng mga otoridad kamakalawa sa Brgy. Cabuan, Guinsiliban sa lalawigang ito.


Ang suspek ay kinilala ng pulisya na si Ruby Gerona, 40, at residente sa nasabing barangay.


Ayon sa ulat, naaresto ang suspek nang pagbentahan nito ng shabu ang mga operatiba na nagpanggap na buyer ng droga.


Nabatid na nakakumpiska ang mga otoridad ng mahigit 220 gramo ng hinihinalang shabu at markadong pera sa pag-iingat ng suspek.


Nakapiit na ang suspek na nahaharap sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

 
 
  • BULGAR
  • Sep 25, 2024

by News @Balitang Probinsiya | Sep. 25, 2024



Aklan — Isang rider ang sugatan nang sumemplang ang kinalululanan niyang motorsiklo kamakalawa sa Brgy. Agbalogo, Makato sa lalawigang ito.


Sa kahilingan ng biktima ay hindi na isinapubliko ng mga otoridad ang kanyang pangalan.


Ayon sa ulat, nawalan umano ng kontrol ang rider, nasa hustong gulang, residente ng nasabing bayan sa pagmamaneho ng motorsiklo kaya sumemplang ito sa kalsada.


Nabatid na nagtamo ng mga sugat sa ulo at katawan ang biktima sa naganap na aksidente.


Agad dinala ng mga saksi ang biktima sa ospital at kasalukuyang inoobserbahan.


16 KOMUNISTANG NPA, SUMURENDER


MISAMIS ORIENTAL – Nasa 16 miyembro ng New People’s Army (NPA) ang sumuko sa pamahalaan kamakalawa sa Cagayan de Oro City sa lalawigang ito.


Para sa kanilang seguridad ay hindi na pinangalanan ng mga otoridad ang 16 na sumurender na komunista na pawang miyembro ng NPA at nag-o-operate sa lalawigan.


Napag-alaman na isinuko rin ng mga komunistang NPA ang mga dala nilang armas, bala sa subersibong dokumento sa mga otoridad.


Ayon sa mga naturang rebelde, nahihirapan na umano silang mamuhay sa bundok kaya sumuko sila sa pamahalaan.


Isinasailalim na sa taktikal na interogasyon ang mga sumukong komunista para matiyak na bukal sa kanilang kalooban ang pagbabalik-loob sa gobyerno.


DRUG TRAFFICKER, NASAKOTE


BOHOL -- Isang drug trafficker ang naaresto sa operasyon ng mga otoridad kamakalawa sa Brgy. Tambangan, Loay sa lalawigang ito.

Hindi na muna pinangalanan ang suspek habang iniimbestigahan ito ng pulisya. 


Ayon sa ulat, naaresto ang suspek nang pagbentahan nito ng shabu ang mga operatibang nagpanggap na buyer ng illegal drugs. 


Napag-alaman na nakakumpiska ang mga otoridad ng 54 gramo ng hinihinalang shabu at markadong pera sa pag-iingat ng suspek.


Nakapiit na ang suspek na nahaharap sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.


MAGSASAKA, KINATAY NG MAG-UTOL


ILOILO -- Isang magsasaka ang pinagtataga hanggang mapatay ng magkapatid na kanyang nakaalitan kamakalawa sa Brgy. Palanguia, Pototan sa lalawigang ito.


Ang biktimang nagtamo ng mga tama ng taga sa iba’t ibang bahagi ng katawan ay nakilalang si Jeuz Pareno, 27, samantalang ang magkapatid na suspek ay nakilalang sina Jerol, 27 at Joebert Pedregosa, 25, pawang residente sa nasabing bayan.


Ayon sa ulat, habang nag-uusap ay nagkaroon ng pagtatalo si Pareno at magkapatid na Pedregosa hanggang pagtatagain ng mga suspek ang biktima.


Matapos ang pananaga ay nagtangkang tumakas ang magkapatid, pero naaresto sila ng mga nagrespondeng pulisya.


Nakapiit na ang magkapatid na suspek na kapwa nahaharap sa kasong murder.

 
 

by News @Balitang Probinsiya | Sep. 24, 2024



Aklan — Isang laborer na nakipaglamay sa burol ng isa nilang yumaong kabarangay ang binugbog ng mga hindi kilalang lalaki kamakalawa sa Brgy. Mabili, Kalibo sa lalawigang ito.


Ang biktima ay kinilala ng pulisya na si Ramon Tejada, nasa hustong gulang at residente ng nabanggit na bayan.


Ayon sa ulat, habang nasa lamay ay lumabas si Tejada para umihi sa talahiban, pero bigla umanong sumulpot ang mga suspek at pinagbubugbog ang biktima.


Matapos ang pambubugbog ay mabilis na tumakas ang mga suspek.

Ginagamot na ngayon sa ospital ang biktima, samantalang pinaghahanap ng pulisya ang mga suspek.



KELOT, TINODAS NG RIDER


BACOLOD CITY -- Isang lalaki ang namatay nang pagbabarilin ng isang hindi kilalang armadong rider kamakalawa sa Purok Lampirong, Brgy. 2 sa lungsod na ito.

Ang biktimang nagtamo ng mga tama ng bala sa katawan ay nakilalang si Aljun Baticados, nasa hustong gulang at residente sa nasabing barangay.


Ayon sa ulat, habang naglalakad si Baticados sa nasabing lugar nang biglang sumulpot ang suspek na lulan ng isang motorsiklo at agad pinagbabaril ang biktima.

Matapos tiyaking patay na ang biktima ay saka mabilis na tumakas ang salarin. 

Nagpalabas na ng manhunt operation ang pulisya para madakip ang suspek. 



4 HVT TIKLO SA DRUG-BUST


PAMPANGA -- Apat na high-value target (HVT) sa illegal drugs ang naaresto ng mga otoridad sa drug-bust operation ng mga operatiba kamakalawa sa Brgy. Sta. Teresita, Angeles City sa lalawigang ito.


Kinilala ang mga suspek na sina Jeffrey Panganiban, Mark de Jesus, Joey dela Rosa at Ronald Reyes, pawang nasa hustong gulang at mga residente sa nabanggit na lungsod. 


Nabatid na nadakip ang mga suspek nang pagbentahan nila ng shabu ang mga operatibang nagpanggap na buyer ng illegal drugs. 


Ayon sa ulat, nakakumpiska ang mga otoridad ng 12 gramo ng hinihinalang shabu at markadong pera sa pag-iingat ng mga suspek.


Nahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page