top of page
Search

by News @Balitang Probinsiya | Oct. 4, 2024



Camarines Norte — Isang pulis na umawat sa away ang napatay nang barilin sa ulo ng isang salarin kamakalawa sa Brgy. Palanas, Paracale sa lalawigang ito.

Hindi na muna pinangalanan ang nasawing biktima hangga’t hindi pa naipapabatid sa pamilya nito ang kanyang pagkamatay.


Ayon sa ulat, nagsasagawa ng intelligence gathering ang pulis sa nasabing barangay nang makita nitong nagtatalo sina alyas "Loloy" at alyas "Boy" tungkol sa pinag-aagawan nilang lupa.


Nang lumapit ang pulis para umawat ay biglang binaril ni "Loloy" sa tiyan si "Boy" at pagkaraan ay binaril din sa ulo ang nasabing otoridad.


Nabatid na namatay sa pinangyarihan ng krimen ang pulis, samantalang ginagamot pa sa ospital si "Boy" habang naglunsad na rin ng manhunt operation ang mga operatiba para madakip ang salarin.



RESORT, NASUNOG


ILOCOS NORTE -- Isang resort ang tinupok ng apoy kamakalawa sa Brgy. Saud, Pagudpud sa lalawigang ito.


Sa kahilingan ng may-ari ng resort ay hindi na isinapubliko ng mga otoridad ang pangalan ng nasabing establisimyento.


Ayon sa ulat, nakita ng mga kawani ng resort na biglang sumiklab ang sunog sa main office ng naturang establisimyento.


Wala namang iniulat na nadisgrasya sa naganap na insidente.

Sa imbestigasyon ng mga otoridad ay napag-alaman na faulty wiring ang sanhi ng sunog sa resort.



BIGTIME TULAK, TIKLO SA DRUG-BUST


ILOILO CITY -- Isang bigtime drug pusher ang nadakip sa drug-bust operation ng mga otoridad kamakalawa sa Zone 6, Boulevard Village, Molo District sa lungsod na ito.


Ang suspek ay kinilala ng pulisya na si Stephen Suria, 45 at residente ng naturang lugar. 

Ayon sa ulat, naaresto ang suspek nang pagbentahan nito ng shabu ang mga operatibang nagpanggap na buyer ng illegal drugs. 


Napag-alaman na nakakumpiska ang mga otoridad ng 200 gramo ng hinihinalang shabu at markadong pera sa pag-iingat ng suspek.

Nakapiit na ang suspek na nahaharap sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.



DALAGITA, PATAY SA KURYENTE


AKLAN -- Isang 13-anyos na dalagita ang namatay nang makuryente kamakalawa sa kusina ng kanilang bahay sa Brgy. Ginictan, Altavas sa lalawigang ito.

Sa kahilingan ng pamilya ng biktima ay hindi na pinangalanan ang biktima na residente sa nasabing barangay. 


Ayon sa ulat, habang nasa kusina ng kanilang bahay ang dalagita ay napahawak ito sa live wire kaya nakuryente.


Napag-alaman na nagtamo ng 3rd degree burns sa buong katawan ang biktima.

Agad na dinala ng kanyang mga kamag-anak ang biktima sa ospital, pero idineklara itong dead-on-arrival.


 
 

by News @Balitang Probinsiya | Oct. 3, 2024



Aklan — Kapwa sugatan ang magkaangkas sa motorsiklo nang mabangga sila ng isang pampasaherong bus kamakalawa sa Brgy. Bagumbayan, Buruanga sa lalawigang ito.

Hindi na muna isinapubliko ng mga otoridad ang pangalan ng dalawang biktima hangga’t hindi pa naipapabatid sa kanilang mga pamilya ang naganap na aksidente.


Ayon sa ulat, nawalan umano ng kontrol sa pagmamaneho ng bus ang hindi pinangalanang driver, nasa hustong gulang, kaya nabangga ang motorsiklong kinalululanan ng mga biktima.


Nabatid na sa lakas ng impact ay nagtamo ng malaking pinsala sa ulo at katawan ang mga  biktima at sa ngayon ay ginagamot pa sila sa ospital.

Napag-alaman na sinampahan na ng mga otoridad ang bus driver ng kasong reckless imprudence resulting to double physical injury and damage to property.



EX-COP, SINALVAGE SA TALAHIBAN


LAGUNA -- Isang bangkay ng dating pulis na biktima ng salvage ang natagpuan kamakalawa sa matalahib na lugar sa Brgy. Janopol Oriental, Tanauan City sa lalawigang ito.

Kinilala ng pulisya ang biktima na si retired policeman Arnel Tobes, nasa hustong gulang, dating nakatalaga sa Sto. Tomas Police Station.

Nabatid na ilang residente ang nag-report sa pulisya tungkol sa natagpuan nilang bangkay na may taklob ng plastic bag sa ulo.

May hinala ang mga otoridad na sa ibang lugar pinatay ang biktima at itinapon lang sa nasabing barangay ang bangkay nito upang iligaw sila sa imbestigasyon.

Patuloy pa ang imbestigasyon ng pulisya para makilala ang mga salarin.



3 DRUG DEALER, ARESTADO


KALINGA -- Tatlong drug dealer ang naaresto ng mga otoridad sa drug-bust operation ng mga operatiba kamakalawa sa Brgy. Bulanao, Tabuk City sa lalawigang ito.

Hindi na muna pinangalanan ang mga suspek na pawang nasa hustong gulang habang iniimbestigahan pa sila ng pulisya.


Nabatid na naaresto ang mga suspek sa drug-bust operation ng mga operatiba sa nabanggit na barangay.


Ayon sa ulat, nakakumpiska ang mga otoridad ng 192 kilo ng hinihinalang marijuana sa pag-iingat ng mga suspek.


Nahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.



SEKYU, TIMBOG SA BOGA


ILOILO -- Isang security guard ang dinakip ng mga otoridad nang makumpiskahan ng isang baril at mga bala kamakalawa sa loob ng kanyang bahay sa Brgy. Naumuan, Mina sa lalawigang ito.


Kinilala ng pulisya ang suspek na si John Henri Planco, nasa hustong gulang at residente sa nabanggit na barangay.


Nabatid na sinalakay ng mga otoridad sa bisa ng search warrant ang bahay ni Planco at dito nakumpiska ang isang baril at mga bala. 


Hindi naman nanlaban ang suspek nang dakpin siya ng mga operatiba sa nasabing lugar.


Nakapiit na ang suspek na nahaharap sa kasong illegal possession of firearms and ammunitions.



 
 
  • BULGAR
  • Sep 28, 2024

by News @Balitang Probinsiya | Sep. 28, 2024



Aklan — Isang babae ang namatay nang mabangga ng isang motorsiklo kamakalawa sa Brgy. Tambak, New Washington sa lalawigang ito.

Sa ngayon ay inaalam pa ng mga otoridad ang pagkakakilanlan ng biktima na nasa hustong edad. 


Ayon sa ulat, mabilis umano ang takbo ng motorsiklo na minamaneho ng hindi pinangalanang rider kaya nabangga nito ang biktimang tumatawid sa kalsada.

Agad dinala ng mga saksi ang biktima sa pagamutan, pero idineklara itong dead-on-arrival.


Nahaharap ng rider sa kasong reckless imprudence resulting to homicide.



2 POI SA PUMATAY SA LABORER


SOUTH COTABATO -- May dalawang person of interest (POI) na ang pulisya sa pamamaril at pagpatay sa isang laborer kamakailan sa Brgy. Poblacion, Polomolok sa lalawigang ito.


Ang biktima sa nasabing krimen ay si Dexter Ramos, nasa hustong gulang at residente sa nabanggit na barangay. 

Nabatid na nakaupo sa harap ng kanilang bahay si Ramos nang sumulpot ang dalawang hindi kilalang salarin at agad pinagbabaril ang biktima noong Setyembre 16, 2024.


Dahil sa masusing imbestigasyon ng mga otoridad ay mayroon na silang dalawang person of interest na nakatakda nilang imbitahan at imbestigahan sa naturang krimen.

Sakali umanong mapatunayan na sila ang mga salarin, agad silang sasampahan ng kasong murder at saka ikukulong.



2 DRUG DEALER, HULI SA DRUG-BUST


BACOLOD CITY -- Dalawang drug dealer ang naaresto ng mga otoridad sa drug-bust operation ng mga operatiba kamakalawa sa Purok Consuelo, Brgy. Villamonte sa lungsod na ito.


Habang iniimbestigahan ay hindi na muna pinangalanan ng pulisya ang dalawang suspek na kapwa nasa hustong gulang at parehong residente sa nasabing lungsod.

Nabatid na naaresto ang mga suspek nang pagbentahan nila ng shabu ang mga operatibang nagpanggap na buyer ng illegal drugs. 


Ayon sa ulat, nakakumpiska ang mga otoridad ng mahigit 35 gramo ng hinihinalang shabu at markadong pera sa pag-iingat ng mga suspek.

Nahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page