- BULGAR
- Jul 9, 2024
News @Balitang Probinsiya | July 9, 2024
Quezon — Tatlong drug trafficker ang nadakip sa drug-bust operation ng mga otoridad kamakalawa sa Brgy. Guis-Guis, Sariaya sa lalawigang ito.
Hindi na muna pinangalanan ang mga suspek na pawang nasa hustong gulang habang iniimbestigahan sila ng pulisya.
Ayon sa ulat, may tinanggap na impormasyon ang mga otoridad na nagbebenta ng shabu ang mga suspek kaya agad nagsagawa ng drug-bust ang mga operatiba na naging dahilan upang madakip ang mga pusher.
Napag-alaman na nakakumpiska ang pulisya ng walong gramo ng hinihinalang shabu at markadong pera sa pag-iingat ng mga suspek.
Nakapiit na ang mga suspek na pawang nahaharap sa kasong paglabag sa Dangerous Drugs Act of 2002.
SUNDALO, PATAY SA BUS
NEGROS OCCIDENTAL -- Isang sundalo ang namatay nang mabangga ng isang pampasaherong bus ang kinalululanan nitong motorsiklo kamakalawa sa Brgy. Manalad, Ilog sa lalawigang ito.
Ang biktima ay kinilala ng pulisya na si Pfc. John Leo Saldua, 33, sundalo ng Philippine Army (PA) na nakatalaga sa nasabing lalawigan.
Ayon sa ulat, nawalan umano ng kontrol sa pagmamaneho ang bus drviver kaya nabangga nito ang motorsiklong kinalululanan ng biktima.
Nabatid na sa lakas ng impact ay nagtamo ng malaking pinsala sa ulo at katawan ang biktima na agad nitong ikinamatay.
Nangako naman ang bus driver na tutulong sa gastos at danyos sa pagkamatay ng biktima.
LABORER, BINOGA NG KATOMA
AKLAN -- Isang laborer ang sugatan nang tagain sa ulo ng kanyang kainuman kamakalawa sa Brgy. Arcanghel, Balete sa lalawigang ito.
Kinilala ng pulisya ang biktima na si Anthony But, samantalang ang suspek ay si Mars Cebuano, kapwa nasa hustong gulang at parehong nakatira sa nabanggit na barangay.
Ayon sa ulat, habang nag-iinuman ay nagkaroon ng pagtatalo ang dalawa hanggang kumuha ng itak ang suspek at tinaga sa ulo ang biktima.
Agad dinala ng mga saksi ang biktima sa ospital at kasalukuyang inoobserbahan.
Sumuko naman sa pulisya ang suspek na nahaharap sa kasong frustrated murder at illegal possession of deadly weapon.
MAGBIYENAN, TODAS SA PAMAMARIL
MAGUINDANAO DEL SUR -- Patay ang magbiyenan nang pagbabarilin ng mga armadong salarin kamakalawa sa Brgy. Poblacion, Ampatuan sa lalawigang ito.
Ang mga biktimang nagtamo ng mga tama ng bala sa katawan ay nakilalang sina Kalmo Butatek, 80, at Kael Nandang, 48, kapwa nakatira sa nabanggit na barangay.
Ayon sa ulat, habang nasa labas ng kanilang bahay ang magbiyenan ay biglang sumulpot ang mga hindi kilalang armadong lalaki at agad pinagbabaril ang mga biktima.
Matapos tiyaking patay na ang mga biktima ay mabilis na tumakas ang mga suspek,
Inaalam pa ng pulisya ang motibo ng mga suspek sa pamamaslang sa magbiyenan.




