top of page
Search

News @Balitang Probinsiya | July 17, 2024



Cotabato — Inaresto ng mga otoridad ang mag-asawang notoryus na pusher at anim na adik sa drug-bust operation ng mga operatiba kamakalawa sa Brgy. Cabaruyan, Libungan sa lalawigang ito.


Ang mga suspek ay ang mag-asawang Rafael at Catherine Batomalaque, samantalang hindi na muna pinangalanan ang anim na drug addict na pawang nasa hustong gulang at mga residente sa nasabing lalawigan. 


Napag-alaman na may tinanggap na impormasyon ang mga otoridad na nagbebenta ng shabu ang mag-asawa at ginagawang drug den ang kanilang bahay kaya agad nagsagawa ng drug-bust operation ang mga operatiba na naging dahilan upang madakip ang mga suspek.


Ayon sa ulat, nakakumpiska ang pulisya ng ilang gramo ng hinihinalang shabu at mga drug paraphernalia sa pag-iingat ng mga suspek.


Nakapiit na ang mag-asawang suspek na pawang nahahaharap sa kasong paglabag sa Dangerous Drugs Act of 2002.



KELOT, SINAKSAK NG KAALITAN


QUEZON -- Isang 48-anyos na lalaki ang sugatan nang saksakin ng kanyang nakaalitang kapitbahay kamakalawa sa Brgy. Balugohin, Atimonan sa lalawigang ito.


Ang biktimang nagtamo ng mga tama ng saksak sa katawan ay nakilala sa pangalang “Teddy,” samantalang ang suspek ay nakilala sa pangalang “Michael,” nasa hustong

gulang, at kapwa nakatira sa nabanggit na barangay.


Ayon sa ulat, habang nag-uusap ay nagkaroon ng pagtatalo sina “Teddy” at “Michael” na humantong para saksakin ng suspek ang biktima.


Agad dinala ng kanyang mga kamag-anak ang biktima sa ospital at sa kasalukuyan ay inoobserbahan pa, samantalang naaresto naman ng mga rumespondeng pulisya ang suspek.


Nakapiit na ang suspek na nahaharap sa kasong frustrated murder.



LASING, TINODAS NG KAPITBAHAY


CAPIZ -- Isang lasing na lalaki ang namatay nang barilin ng kanyang kapitbahay kamakalawa sa Brgy. Quevedo, Maayon sa lalawigang ito.


Ang biktimang nagtamo ng isang tama ng bala sa katawan ay nakilalang si Joseph Taladtad, nasa hustong gulang at nakatira sa nasabing barangay. 


Ayon sa ulat, nagkaroon ng pagtatalo ang lasing na si Taladtad at kapitbahay niyang si Augusto Diestro, habang nagtatalo ay naglabas ng baril saka binaril ng suspek ang biktima sa katawan.


Agad dinala ng mga saksi ang biktima sa ospital, pero idineklara itong dead-on-arrival.

Mabilis namang rumesponde ang pulisya at nadakip ang suspek na nahaharap sa kasong murder at illegal possession of firearms and ammunitions.



3 BAHAY, TINUPOK NG APOY


CAMARINES SUR -- Tatlong bahay ang tinupok ng apoy kamakalawa sa Brgy. Liboro, Ragay sa lalawigang ito.


Ang sunog ay nagmula sa tahanan ng hindi pinangalanang residente sa naturang lugar.


Ayon sa ulat, nakita ng mga residente na biglang sumiklab ang sunog sa isang bahay at dahil sa mabilis na pagkalat ng apoy ay nadamay ang dalawa pang kabahayan sa naturang lugar.


Wala namang iniulat na nadisgrasya sa naganap na insidente.


Sa ngayon ay inaalam pa ng mga arson investigator ang sanhi at halaga ng napinsala sa tatlong tahanan na nasunog sa nabanggit na barangay.

 
 

News @Balitang Probinsiya | July 16, 2024



Cavite — Isang armadong rider ang naaresto ng isang traffic enforcer kamakalawa sa Brgy. Talaba 3, Bacoor City sa lalawigang ito.


Ang suspek ay kinilala sa alyas na “Danny,” nasa hustong gulang, samantalang hindi na isinapubliko ng mga otoridad ang pangalan ng civilian traffic enforcer na nakahuli sa armadong rider.


Ayon sa ulat, habang nagmamando ng trapiko ang traffic enforcer ay pinara nito ang motorsiklo ng suspek dahil wala itong plaka, pero hindi huminto ang rider.


Dahil dito, sumakay agad sa kanyang motorsiklo ang traffic enforcer at hinabol ang tumakas na rider saka binundol ito kaya sumemplang ang suspek.


Habang nakahiga ay kinapkapan ito ng traffic enforcer at dito nakuha ang isang baril at mga bala na naging dahilan upang dakpin ang suspek habang sinampahan sa pulisya ng kasong illegal possession of firearms and ammunitions.




POLICE INFORMER, PATAY SA 2 GUNRUNNER


MAGUINDANAO DEL NORTE -- Isang police informer ang namatay nang barilin ng dalawang gunrunner kamakalawa sa Brgy. Ungap, bayan ng Sultan Kudarat sa lalawigang ito.


Ang biktimang nagtamo ng mga tama ng bala sa katawan ay nakilalang si Datudido Mamaluba, nasa hustong gulang at police informer ng Sultan Kudarat Municipal Police Station.


Ayon sa ulat, si Mamaluba ang nakipagtransaksyon sa pagbili ng mga baril sa mga gunrunner na nakilala lang sa mga alyas na “Kits” at “Kurumber,” pero nakahalata ang dalawang suspek na mga pulis ang kasama ng police informer kaya pinagbabaril ng mga ito ang biktima.


Agad gumanti ng putok ang mga operatiba, pero nakatakas ang dalawang suspek.

Nagpalabas na ng manhunt operation ang pulisya para madakip ang dalawang gunrunner.



LABORER, NALUNOD SA DAGAT


AKLAN -- Isang 37-anyos na laborer ang namatay nang malunod kamakalawa habang naliligo sa dagat sa isang beach resort sa Brgy. Pook, Kalibo sa lalawigang ito.

Nakilala ang biktima na si Manuel Ricamonte, residente ng Brgy. Torralba sa nabanggit na bayan. 


Ayon sa ulat, naligo sa dagat na sakop ng resort si Ricamonte, kasama ang kanyang mga kaibigan.


Sinabi ng mga kaibigan ng biktima, biglang tinangay ito ng alon kaya nagawi sa malalim na bahagi ng dagat at nalunod.


Nabatid na lumipas pa ang ilang oras bago natagpuan ang biktima nang lumutang ang bangkay nito sa dagat.



BATANG LALAKI, TINODAS NG GUNMAN


BACOLOD CITY -- Isang 12-anyos na batang lalaki ang namatay nang barilin ng isang hindi kilalang armadong salarin kamakalawa sa Locsin Street, Brgy. 12 sa lungsod na ito.


Ang biktimang nagtamo ng isang tama ng bala sa ulo ay itinago ng mga otoridad sa pangalang “Boy,” residente ng naturang lungsod.


Ayon sa ulat, habang nakatayo ang biktima sa bangketa sa nabanggit na barangay ay dumating ang suspek at agad itong binaril sa ulo.


Matapos tiyaking patay na ang biktima ay saka mabilis na tumakas ang salarin. 

Iniimbestigahan na ng pulisya ang motibo ng suspek sa pamamaslang sa biktima.

 
 

News @Balitang Probinsiya | July 15, 2024



Capiz — Isang lasing ang inaresto ng pulisya dahil sa ginawa nitong panunutok ng baril kamakalawa sa dalawang lalaki sa Brgy. Bato, Roxas City sa lalawigang ito.

Hindi na muna pinangalanan ang suspek at dalawang biktima, pawang nasa hustong gulang, habang nagsasagawa pa ng imbestigasyon ang mga otoridad. 


Ayon sa ulat, dala ng labis na kalasingan ay magkasunod umanong tinutukan ng baril ng suspek ang dalawang biktima sa nabanggit na barangay.


Sa takot ng dalawang biktima ay ini-report nila sa pulisya ang panunutok ng baril ng lasing kaya agad rumesponde ang mga otoridad at inaresto ang suspek na nakumpiskahan ng isang baril at mga bala.

Hindi naman nanlaban sa pulisya ang suspek na nahaharap sa iba’t ibang kaso.




LABORER, BINARIL NG KAPITBAHAY


ILOILO CITY -- Isang laborer ang nasa kritikal na kondisyon nang barilin ng kanyang kapitbahay kamakalawa sa Brgy. Boulevard, Molo District sa lungsod na ito.

Kinilala ng pulisya ang biktima na nagtamo ng isang tama ng bala sa dibdib na si Jully Mendoza, 36 at residente ng nabanggit na barangay. 


Ayon sa ulat, kasama umano ng biktima ang dalawa niyang kamag-anak nang lapitan ito ng suspek at agad binaril na tinamaan sa dibdib. 


Matapos ang pamamaril ay mabilis na tumakas ang suspek patungo sa hindi mabatid na direksyon, samantalang ginagamot na sa ospital ang biktima.

Nagpalabas na ng manhunt operations ang pulisya para madakip ang suspek.




DRUG DEALER, ARESTADO SA DRUG-BUST


LANAO DEL SUR -- Isang drug dealer ang naaresto sa drug-bust operation ng mga otoridad kamakalawa sa Brgy. Western, Wao sa lalawigang ito.

Ang suspek ay kinilala ng pulisya na si Alimar Matalicop, nasa hustong gulang at residente ng nabanggit na bayan.


Ayon sa ulat, naaresto ang suspek nang pagbentahan nito ng shabu ang mga operatibang nagpanggap na buyer.


Napag-alaman na nakakumpiska ang mga otoridad ng isang kilo ng hinihinalang shabu at markadong pera sa pag-iingat ng suspek.


Nakapiit na ang suspek na nahaharap sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page