top of page
Search

News @Balitang Probinsiya | July 23, 2024




Aklan -- Isang adik na drug pusher ang dinakip ng mga otoridad sa buy-bust operation ng mga operatiba kamakalawa sa Brgy. Poblacion, Kalibo sa lalawigang ito.


Ang suspek ay kinilala ng pulisya na si Christopher Parce, nasa hustong gulang at residente ng nabanggit na barangay. 


Ayon sa ulat, naaresto ang suspek nang pagbentahan nito ng shabu ang mga operatiba na nagpanggap na buyer.


Nabatid na nakakumpiska ang mga otoridad ng dalawang sachet ng hinihinalang shabu at markadong pera sa pag-iingat ng suspek.


Nakapiit na ang suspek na nahaharap sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.




WANTED SA BATANGAS, TIKLO SA CATANDUANES


CATANDUANES -- Isang most wanted criminal sa Batangas ang naaresto ng pulisya kamakalawa sa kanyang hideout sa Brgy. Sogod Tibgao, Virac sa lalawigang ito.


Hindi na muna pinangalanan ng pulisya ang suspek na edad 46, habang iniimbestigahan nila ito. Ayon sa ulat, dinakip ng mga otoridad ang suspek sa bisa ng warrant of arrest na inisyu ng korte kaugnay sa kinasasangkutan nitong kasong homicide sa Batangas.


Nabatid na nakita ng mga operatiba ang suspek sa nasabing lugar kaya agad itong inaresto.


Hindi naman nanlaban ang suspek at ngayon ay nakapiit na sa detention cell ng himpilan ng pulisya.



BANGKAY NG DALAGITA, NATAGPUAN


DAVAO DEL SUR -- Isang bangkay ng 15-anyos na dalagita ang natagpuan sa isang abandonadong bahay kamakalawa sa Brgy. Poblacion Uno, Bansalan sa lalawigang ito.


Dahil menor-de-edad ay hindi na isinapubliko ng mga otoridad ang pangalan ng biktima na residente sa nasabing barangay.


Sa pagsisiyasat ng pulisya ay napag-alamang ginahasa at pinatay ang biktima.


Nang imbestigahan ng mga otoridad si Bienvenido Arnejo, nasa hustong gulang dahil ito ang nakitang huling kasama ng dalagita ay umamin ito na ginahasa at pinatay niya ang biktima noong July 14, 2024 sa abandonadong bahay.

Nahaharap ang suspek sa mga kasong rape at murder.



12 TULAK, ARESTADO SA DRUG DEN


GENERAL SANTOS CITY – Nasa 12 drug pusher ang nadakip sa drug-bust operation ng mga otoridad kamakalawa sa isang drug den sa Brgy. Fatima sa lungsod na ito.


Hindi na muna pinangalanan ang mga suspek na pawang nasa hustong edad at nakatira sa naturang lungsod, habang sila ay iniimbestigahan pa ng pulisya. 


Ayon sa ulat, may tinanggap na impormasyon ang mga otoridad na ginagawang drug den ang isang bahay sa naturang barangay kaya agad itong sinalakay at dito nadakip ang mga pusher.


Napag-alaman na nakakumpiska ang mga otoridad ng ilang gramo ng hinihinalang shabu at markadong pera sa pag-iingat ng mga suspek.


Hindi naman nanlaban ang mga suspek nang dakpin sila ng pulisya.


 
 
  • BULGAR
  • Jul 22, 2024

News @Balitang Probinsiya | July 22, 2024



Nueva Vizcaya – Nasa 13 illegal miners ang dinakip ng mga otoridad kamakalawa sa kabundukan ng bayan ng Solano sa lalawigang ito.

Pansamantalang hindi pinangalanan ang mga suspek habang iniimbestigahan sila ng mga otoridad.


Ayon sa ulat, may nagbigay impormasyon sa mga otoridad na may mga nagsasagawa ng ilegal na pagmimina sa nabanggit na kabundukan.


Dahil dito, agad rumesponde ang pulisya at nang hanapan ng permit mula sa Dept. of Environment and Natural Resources (DENR) ay walang naipakita ang mga minero kaya agad silang inaresto ng mga operatiba.

Nakapiit na ang mga suspek na nahaharap sa mga kaukulang kaso.



4 BIGTIME TULAK, HULI SA DRUG-BUST


ILOILO -- Apat na bigtime drug pusher ang nadakip sa drug-bust operation ng pulisya kamakalawa sa Brgy. Balabag, Pavia sa lalawigang ito.


Kinilala ang mga suspek na sina Eldon Moralte, Wycliff Molarte, Anthony Lapag at Roberto Arbatin, pawang nasa hustong gulang at mga drug pusher sa nasabing bayan.

Ayon sa ulat, may tinanggap na impormasyon ang mga otoridad na nagbebenta ng shabu sa naturang barangay ang mga suspek kaya agad rumesponde ang mga operatiba at dito nadakip ang mga  pusher. 


Napag-alaman na nakakumpiska ang mga otoridad ng 187 gramo ng hinihinalang shabu at markadong pera sa pag-iingat ng mga suspek.


Nakapiit na ang mga suspek na pawang nahaharap sa kasong paglabag sa Dangerous Drugs Act of 2002.



42 BAHAY, NATUPOK 


CEBU – Nasa 42 bahay ang tinupok ng apoy kamakalawa sa Brgy. Guizo, Mandaue City sa lalawigang ito.


Ang sunog ay nagmula sa tahanan ng hindi pinangalanang residente sa naturang lugar.

Ayon sa ulat, nakita na lamang ng mga residente na biglang sumiklab ang sunog sa isang bahay at dahil sa mabilis na pagkalat ng apoy ay nadamay ang 41 pang kabahayan sa naturang lugar.


Wala namang iniulat na nadisgrasya sa naganap na insidente.


Sa ngayon ay inaalam pa ng mga arson investigator ang sanhi at halaga ng napinsala sa 42 tahanan na nasunog sa nabanggit na barangay.



LIDER NG KOMUNISTA, NASAKOTE


MASBATE -- Isang opisyal ng komunistang New People’s Army (NPA) ang naaresto ng mga otoridad kamakalawa sa kanyang hideout sa Brgy. Poblacion, San Jacinto sa lalawigang ito.


Kinilala ng pulisya ang suspek sa alyas na “Ka Ador”, lider ng NPA-Guerilla Front 4 na nakabase sa nasabing lalawigan.


Ayon sa ulat, dinakip ng mga otoridad si “Ka Ador” sa bisa ng warrant of arrest na inisyu ng korte kaugnay sa kinasasangkutan nitong mga kasong murder at frustrated murder.


Sinabi ng mga otoridad na matagal na nilang pinaghahanap si “Ka Ador” at kamakalawa lang sila nagkaroon ng pagkakataon na dakpin ito sa kanyang hideout.

Hindi naman nanlaban ang suspek nang dakpin siya ng mga otoridad sa naturang lugar.

 
 
  • BULGAR
  • Jul 18, 2024

News @Balitang Probinsiya | July 18, 2024




QUEZON -- Isang 35-anyos na laborer ang nagpakamatay sa pamamagitan ng pagbigti sa sarili kamakalawa sa loob ng banyo ng kanilang bahay sa Brgy. Gulang-Gulang, Lucena City sa lalawigang ito.


Dahil sa kahilingan ng pamilya ng biktima ay hindi na isinapubliko ng mga otoridad ang pangalan ng binatang nag-suicide.


Nabatid na ilang kamag-anak ng biktima ang nakatagpo sa nakabiting bangkay ng binata sa loob ng kanilang banyo.


Ayon sa pamilya ng laborer, wala silang alam na dahilan para magpakamatay ang biktima.


Patuloy pa ang imbestigasyon ng pulisya para mabatid motibo ng biktima sa kanyang pagpapakamatay.



TRIKE DRIVER, SINAKSAK NG ISTAMBAY


NEGROS OCCIDENTAL -- Isang 45-anyos na tricycle driver ang sugatan nang saksakin ng isang istambay kamakalawa sa Brgy. Gargato, Hinigaran sa lalawigang ito.

Ang biktimang nagtamo ng isang tama ng saksak sa likod ay nakilalang si Renato Magquilat, samantalang ang suspek ay nakilalang si Ryan Garcia, 43, kapwa nakatira sa nabanggit na bayan.


Ayon sa ulat, habang minamaneho ni Magquilat ang kanyang tricycle, sa hindi malamang dahilan ay sinaksak siya ni Garcia sa likod.


Agad dinala ng mga saksi ang biktima sa ospital at kasalukuyang inoobserbahan, samantalang naaresto naman ng mga nagrespondeng pulis ang suspek.

Nakapiit na ang suspek na nahaharap sa kasong frustrated murder.



2 NOTORYUS NA TULAK, NASAKOTE


ILOILO -- Dalawang notoryus na drug pusher ang dinakip ng mga otoridad sa drug-bust operation ng mga operatiba kamakalawa sa Brgy. Gen. Hughes, City Proper District, Iloilo City sa lalawigang ito.


Ang mga suspek ay nakilalang sina Marvin Dionero at Edwin Cartagena, kapwa nasa hustong gulang at mga residente sa nabanggit na lungsod. 


Ayon sa ulat, may tinanggap na impormasyon ang mga otoridad na nagbebenta ng shabu ang mga suspek kaya nagsagawa ng drug-bust operation ang mga operatiba na naging dahilan upang madakip ang dalawang pusher.


Nabatid na nakakumpiska ang pulisya ng 67 gramo ng hinihinalang shabu at markadong pera sa pag-iingat ng mga suspek.


Nakapiit na ang mga suspek na kapwa nahaharap sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page