top of page
Search

News @Balitang Probinsiya | August 19, 2024


AKLAN -- Isang isang 62-anyos na lolong rider ang namatay nang mabangga ng isang trak ang minamaneho nitong motorsiklo kamakalawa sa Brgy. Linayasan, Altavas sa lalawigang ito.


Hindi na muna pinangalanan ang biktima hangga’t hindi pa naipapabatid ng pulisya sa pamilya ng lolo ang naganap na aksidente. 


Ayon sa ulat, mabilis ang takbo ng trak na minamaneho ng hindi pinangalanang driver kaya nabangga ang motorsiklong kinalululanan ng biktima.


Nabatid na sa lakas ng impact ay nagtamo ng malaking pinsala sa ulo at katawan ang biktima na agad nitong ikinamatay.


Inihahanda na ng mga otoridad ang kasong isasampa laban sa driver ng trak.



Kelot, dedbol sa riding-in-tandem


CAPIZ -- Isang 32-anyos na lalaki ang namatay nang pagbabarilin ng riding-in-tandem kamakalawa sa Brgy. Punta Tabuc, Roxas City sa lalawigang ito.


Ang biktimang nagtamo ng mga tama ng bala sa katawan ay nakilalang si Kashmer Bacaro, residente ng nabanggit na lungsod.


Ayon sa ulat, nakatayo si Bacaro nang biglang sumulpot ang dalawang hindi kilalang suspek na nakasakay sa isang motorsiklo at agad pinagbabaril ang biktima.


Matapos tiyaking patay na ang biktima ay saka mabilis na tumakas ang mga salarin. 


Inaalam na ng pulisya ang motibo ng mga salarin sa pamamaslang sa biktima.



Bigtime pusher, arestado


ILOILO CITY -- Isang bigtime drug pusher ang nadakip sa buy-bust operation ng mga otoridad kamakalawa sa Brgy. Bakhaw, Mandurriao District sa lungsod na ito.


Ang suspek ay nakilalang si Mac Obapial, nasa hustong gulang, at nakatira sa nabanggit na lungsod.


Ayon sa ulat, naaresto ang suspek nang pagbentahan nito ng shabu ang mga operatiba na nagpanggap na buyer.


Nabatid na nakakumpiska ang mga otoridad ng 150 gramo ng hinihinalang shabu at markadong pera sa pag-iingat ng suspek.


Nakapiit na ang suspek na nahaharap sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.


 
 

News @Balitang Probinsiya | August 16, 2024



Aklan — Isang rider na lasing ang sugatan nang sumemplang ang kinalululanan niyang motorsiklo kamakalawa sa Brgy. Bulwang, Numancia sa lalawigang ito.


Kinilala ang biktima na si Mark Rama, nasa hustong gulang at residente sa nasabing bayan.


Ayon sa ulat, nawalan umano ng kontrol si Rama sa pagmamaneho ng motorsiklo dahil sa kalasingan kaya sumemplang ito sa kalsada.


Nabatid na nagtamo ng mga sugat sa ulo at katawan ang biktima sa naganap na aksidente.


Agad dinala ng mga saksi ang biktima sa ospital at kasalukuyan pa siyang inoobserbahan sa pagamutan.



BEBOT, ARESTADO SA PEKENG YOSI


PALAWAN -- Isang 35-anyos na babae ang inaresto ng mga otoridad nang makumpiskahan ng mga pekeng sigarilyo kamakalawa sa Brgy. 4, Roxas sa lalawigang ito.


Kinilala ang suspek na si Lyra Pacia, residente ng nabanggit na barangay.

Ayon sa ulat, dinakip ng pulisya ang suspek sa labas ng bahay nito habang dinidiskarga ang mga pekeng sigarilyo na nakalulan sa kanyang L-300 van.


Nabatid na nakakumpiska ang pulisya ng 15 karton na naglalaman ng iba’t ibang uri ng mga pekeng sigarilyo.


Nakapiit na ang suspek na nahaharap sa kaukulang mga kaso.



LOLO, KINATAY NG SELOSONG MISTER


ALBAY -- Isang 60-anyos na lolo ang namatay nang pagtatagain ng isang selosong mister kamakalawa sa Brgy. Pinagdapugan, Polangui sa lalawigang ito.


Hindi na muna pinangalanan ang biktima at ang suspek habang nagsasagawa pa ng imbestigasyon ang mga otoridad.


Ayon sa ulat, nalaman ng selosong mister na nakikipag-inuman ang kanyang misis sa lolo sa loob ng bahay nito kaya dala ang isang itak ay pumasok ang suspek sa tahanan ng biktima at saka ito pinagtataga hanggang mapatay.


Mabilis na tumakas ang salarin matapos maisagawa ang krimen.

Nagpalabas na ng manhunt operation ang pulisya para madakip ang suspek.



BIKER, DEDBOL SA BUS


PUERTO PRINCESA CITY -- Isang biker ang namatay nang masagasaan ng isang pampasaherong bus kamakalawa sa national highway ng Brgy. Sta. Monica sa lungsod na ito.


Sa ngayon ay inaalam pa ng mga otoridad ang pagkakakilanlan ng biktima.


Ayon sa ulat, mabilis ang takbo ng bus na minamaneho ni Ricky Hugo, nasa hustong gulang kaya nasagasaan nito ang biktimang nakasakay sa kanyang bisikleta sa nasabing lugar.


Dinala pa ng mga saksi ang biktima sa ospital, pero idineklara itong dead-on-arrival.

Nakapiit na ang suspek na nahaharap sa kasong reckless imprudence resulting to homicide and damage to property.

 
 

News @Balitang Probinsiya | August 15, 2024



Negros Occidental — Isang plantasyon ng marijuana na kilala din sa tawag na “damo” ang sinalakay ng mga otoridad kamakalawa sa Bayawan City sa lalawigang ito.


Ang sinalakay na plantasyon ng marijuana ay nasa bulubunduking lugar ng Brgy. Manduao sa nasabing lungsod.


Ayon sa ulat, may nag-tip sa mga otoridad na may plantasyon ng marijuana sa nasabing lugar kaya agad itong sinalakay ng mga operatiba at dito natagpuan ang mga panananim na “damo” na nagkakahalaga ng mahigit P1.6 milyon.


Nabatid na nakatakas ang mga namamahala sa naturang plantasyon.

Sinunog na ng mga otoridad ang mga pananim na marijuana sa nasabing lugar.



DRUG TRAFFICKER, TIMBOG


ILOILO -- Isang drug trafficker ang dinakip ng mga otoridad sa drug-bust operation ng mga operatiba kamakalawa sa Brgy. Poblacion 4, Tigbauan sa lalawigang ito.

Kinilala ang suspek na si Jerric Gegato, hustong gulang, residente sa nasabing lungsod. 


Ayon sa ulat, may tinanggap na impormasyon ang mga otoridad na nagbebenta ng shabu ang suspek kaya nagsagawa ng drug-bust operation ang mga operatiba na naging dahilan upang madakip ang drug trafficker.


Nabatid na nakakumpiska ang mga otoridad ng siyam na pakete ng hinihinalang shabu at markadong pera sa pag-iingat ng suspek.


Nakapiit na ang suspek na nahaharap sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.



RAPIST-KILLER, NASAKOTE


ISABELA -- Isang rapist-killer ang naaresto ng pulisya kamakalawa sa Brgy. Buenavista, Santiago City sa lalawigang ito.


Hindi na muna pinangalanan ang suspek habang iniimbestigahan siya ng mga otoridad.

Nabatid na may mga saksi ang nagbigay impormasyon sa pulisya na ang suspek na nasa hustong gulang ang gumahasa at pumatay sa biktimang 12-anyos na batang babae.


Ayon sa ulat, inutusan ng kanyang tiyahin ang biktima na bumili ng sabon, pero hindi na ito nakabalik at nang hanapin ay natagpuan ang bangkay nito sa gilid ng ilog habang may palatandaan na ito ay ginahasa ng suspek.

Nakapiit na ang suspek na nahaharap sa kasong rape with homicide.



4 TULAK, ARESTADO SA DRUG DEN


BATAAN -- Apat na drug pusher ang nadakip sa drug-bust operation ng mga otoridad kamakalawa sa isang drug den sa Brgy. Munting-Batangas, Balanga City sa lalawigang ito.


Kinilala ang mga suspek na sina Julius Magbanua, Mary Jane Delumen, Jey Valera at Agnes Abad, pawang nasa hustong gulang at mga nakatira sa naturang barangay. 


Ayon sa ulat, may tinanggap na impormasyon ang mga otoridad na ginagawang drug den ang isang bahay sa naturang barangay kaya agad itong sinalakay at dito nadakip ang mga pusher.


Napag-alaman na nakakumpiska ang pulisya ng 15 gramo ng hinihinalang shabu at markadong pera sa pag-iingat ng mga suspek.


Nakapiit na ang mga suspek na pawang nahaharap sa kasong paglabag sa Dangerous Drugs Act of 2002.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page