top of page
Search

ni Anthony E. Servinio @Sports | Dec. 11, 2024



Photo: Chandler McDaniel - Philippine Women's National Football Team, FB


Sumipa ng nag-iisang goal si Chandler McDaniel sa pangalawang minuto upang ihatid sa Stallion Laguna FC ang 2024 PFF Women’s Cup handog ng Coca-Cola laban sa Kaya FC Iloilo, 1-0, Lunes ng gabi sa Rizal Memorial Stadium.


Nakumpleto ang pagbawi ng mga bagong reyna mula sa 2023 PFF Women’s League kung saan wala silang ipinanalo sa siyam na laro. Nararapat lang na si McDaniel ang napiling Most Valuable Player. Naagaw niya ang bola at pinalipad ito mula 90 talampakan lampas sa tumalon na Kaya goalkeeper Inna Palacios.


Nag-uwi rin ng karangalan ang kanyang kakampi at ate Olivia McDaniel na Best Goalkeeper at Best Midfielder Katrina Wetherell. Napunta sa Kaya ang Best Scorer Julissa Cisneros sa kanyang kabuuang 11 goal at Best Defender Hali Long habang iginawad sa Tuloy FC ang Fair Play Award.


Nakamit ng Manila Digger FC ang pangatlong puwesto. Tumakbo ng isang buwan ang palaro tampok ang mga bituin ng Philippine Women’s National Team na ibinahagi sa anim na koponan.


Samantala, nabunot sa maituturing na “magaan” na Grupo A ang Philippine Men’s Football National Team para sa 2027 AFC Asian Cup Qualifiers Round 3 sa susunod na Marso. Makakaharap ng mga Pinoy Booters ang Tajikistan, Maldives at Timor Leste para sa isang tiket patungong torneo sa Saudi Arabia.


Iikot ang mga laro sa mga bansa at may tig-anim ang bawat koponan. Ang mga petsa ng mga laro sa Pilipinas ay Tajikistan (Hunyo 10), Timor Leste (Oktubre 14) at Maldives (Nobyembre 18) at dadalaw sa Maldives (Marso 25), Timor Leste (Oktubre 9) at Tajikistan (Marso 31, 2026). Matatandaan na nagwagi ang Pilipinas kontra Tajikistan, 2-1, sa Rizal Memorial noong Marso 27, 2018.

 
 

ni Anthony E. Servinio @Sports | Dec. 11, 2024



Photo: HOKA Trilogy Run Asia - FB


Matagumpay na nagwakas ang 2024 HOKA Trilogy Run Asia National Finals noong Linggo ng umaga sa Mall of Asia.


Pinangunahan nina Edsel Moral at Maricar Camacho ang tampok na Marathon laban sa kanilang kapwa-kampeon mula sa isang taong serye ng mga karera na umikot sa buong bansa.


Malaking tagumpay ito para sa Bikolanong si Moral na inamin na baguhan lang siya sa pagtakbo ng 42.195 kilometro at umoras ng 2:46:43.


Mag-isa siyang tumawid ng arko at naghintay bago dumating na pangalawang si James Kevin Cruz (2:54:25) at pangatlo Rudy Nino Singular (2:54:53). Nagbabantayan ang mga nangunguna bago magpasya si Moral na iwanan sila habang umiikot sa Intramuros bago bumalik ng MOA.


Nagawang ipagsabay ni Moral ang ensayo sa kanyang trabaho sa isang pabrika at nag-kampeon din siya sa 32 kilometro sa Davao Leg Three noong Oktubre 20.


Naging madali ang takbo para sa beteranang si Camacho sa gitna ng pagliban ng ilan sa kanyang mga karibal sa 3:25:28.


Pangalawa si Jennelyn Isibido (3:37:07) at pangatlo si Honey Damian (3:56:29). Mabigat na paborito si Camacho na kampeon sa 21 at 32 kilometro sa pangalawa at pangatlong yugto sa Metro Manila noong Hunyo at Agosto.


Pangatlo lang siya sa 16 kilometro sa pambungad na yugto noong Abril. Sa gitna ng tagumpay ng 2024 ay nakahanda na ang kalendaryo at maaari na magpalista ng maaga para sa bagong serye sa 2025 na magiging Sante Barley Trilogy Run Asia handog ng HOKA.


Ayon kay Race Director Coach Rio dela Cruz, bibigyan ang mga karera ng basbas ng World Athletics at maaaring gamitin ang resulta upang makalahok sa mga malalaking pandaigdigang karera.


Ang mga unang karera ay gaganapin sa Cagayan de Oro (Marso 2) Iloilo (9), Metro Manila (16), Davao (23) at Cebu (30). Ang National Finals ay babalik sa mas maagang Nobyembre 9 sa MOA.

 
 

ni Anthony E. Servinio @Sports | Dec. 11, 2024



Photo: Joel Cagulangan at Kevin Quiambao - Basketball Zone FB


Mga laro ngayong Miyerkules – MOA

11 AM UST vs. UE (JHS)

1 PM NU vs. UST (W)

5:30 PM DLSU vs. UP (M)


Papasok ang University of the Philippines taglay ang umaapaw na enerhiya sa Game 2 ng 87th UAAP Men’s Basketball Finals ngayong araw sa MOA Arena.


Sisikapin ng Fighting Maroons na walisin ang seryeng best-of-three laban sa defending champion De La Salle University na tinalo nila sa Game One noong Linggo, 73-65.


Matatandaan na nakuha ng UP ang unang laro ng kanilang serye noong nakaraang taon pero inagaw ng Green Archers ang sumunod na dalawa para makamit ang kampeonato.


Nakatatak iyan sa isipan ng mga beteranong sina Joel Cagulangan, Francis Lopez, Harold Alarcon at Gerry Abadiano na huwag uulitin ang nangyari. Subalit isang literal na malaking bahagi ng natamasang tagumpay ng Maroons ngayong taon si sentro Quentin Millora-Brown at pinatunayan ito sa kanyang 17 puntos sa Game 1. Tunay na sinusulit niya ang kanyang una at huling taon sa UAAP.


Para sa DLSU, hindi pa tapos ang laro at naipakita nila na kaya nilang umahon mula sa 0-1 butas.


Kontrolado nila ang unang half, 41-37, sa likod nina Kevin Quiambao at EJ Gollena subalit sabay nanlamig sila at nalimitahan sa isang free throw ni Quiambao sa huling quarter.


Sinubukan ni Michael Phillips na buhatin ang Archers pero hindi sumapat ang kanyang 17 puntos at 11 rebound. Hindi rin nakalaro masyado si Joshua David matapos tamaan ng pulikat at 2 puntos lang siya.


Samantala, sisikapin din ng NU na walisin ang Women’s Finals kontra defending champion UST sa 1:00 ng hapon. Bubuksan ang Junior High School Finals sa pagitan ng UE at UST sa 11:00 ng umaga.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page