top of page
Search

ni Anthony E. Servinio @Sports | Jan. 6, 2025



Photo: Kawhi Leonard - LA Clippers - IG



Sa loob ng 24 oras ay nag-overtime muli subalit iba ang resulta at gumanti ang bisitang Denver Nuggets sa San Antonio Spurs, 122-111, sa NBA kahapon sa Frost Bank Center. Balik-aksiyon din si Kawhi Leonard matapos lumiban sa unang 34 laro at wagi ang kanyang L.A. Clippers sa Atlanta Hawks, 131-105. 

      

Itinapik ni Devin Vassell ng Spurs ang sarili niyang mintis para ipilit ang overtime, 108-108, at 14 segundo sa orasan. Tiniyak ni Nikola Jokic na hindi mauulit ang nangyari sa 110-113 pagkabigo sa Spurs at mag-isang ipinasok ang unang 7  puntos ng overtime para lumayo agad ang Nuggets, 115-108.

       

Nagtapos si Jokic na may 9 ng kanyang 46 sa overtime na may kasamang 10 assist.  Lamang ang Spurs sa simula ng huling quarter, 92-81 at humabol ang Denver sa likod ni Michael Porter Jr. na ginawa ang 10 ng kanyang 28.

      

Hindi masyadong pumuntos ang tinaguriang “The Klaw” at nagtala ng 12 sa unang tatlong quarter at hindi na ginamit sa huli pero lumaki pa rin sa 124-96 ang bentahe.  Pitong iba pang kakampi ang may 10 o higit sa pangunguna ni Norman Powell na may 20 para sa kanilang ika-20 panalo sa 35 laro. 

       

Ibang inspirasyon ang hatid ng dating MVP Derrick Rose at tinambakan ng Chicago Bulls ang New York Knicks, 139-126.  Parehong nagbagsak ng tig-33 sina Zach LaVine at Coby White kasabay ng pormal na pagpugay kay Rose ng koponan niya mula 2008 hanggang 2016. 

       

Naghayag ang Bulls na ireretiro ang numero ng uniporme ni Rose na 1 sa susunod na taon at tatabihan nito ang mga naunang 4 (Jerry Sloan), 10 (Bob Love), 23 (Michael Jordan) at 33 (Scottie Pippen).  Laman ng usapan na kinukuha si Rose ng Filipino Club Strong Group Athletics sa Dubai International Championship sa katapusan ng buwan.


 
 

ni Anthony E. Servinio @Sports | Dec. 15, 2024



Photo: NBL PILIPINAS Camsur Express vs. Taguig Generals


Itinakas ng Cam Sur Express ang 93-92 panalo kontra bisita at defending champion Taguig Generals sa Game 3 ng 2024 National Basketball League (NBL-Pilipinas) President’s Cup Finals Biyernes sa Fuerte Cam Sur Sports Complex sa Pili.


Naiwasang mawalis ang Express sa seryeng best-of-five at ipinilit ang Game 4 na ginanap Sabado sa parehong palaruan. Inaksaya ng Cam Sur ang 66-46 lamang sa pangatlong quarter.


Humabol ang Generals sa likod nina Dan Anthony Natividad, Noel Santos at Lerry John Mayo na tinuldukan ng dalawang tres ni Christopher Azares, 86-89, at 1:14 sa huling quarter. Itinapon ng Express ang bola subalit nagmintis si Azares at nakuha ni Mayo ang bola para lalong lumapit, 88-89.


Nagpalitan ng shoot sina Jerome Almario at Mayo para ihanda ang nakakapanabik na pagtatapos. Walang puntos buong laro, ipinasok ni Jamba Garing ang dalawang pinakamahalagang free throw na may apat na segundong nalalabi, 93-90.


May huling pagkakataon ang Taguig pero nagmintis ng magpapatabla sanang tres si Mike Jefferson Sampurna at pinulot ni Mayo ang bola para sa huling puntos. Nanguna sa Express si Almario na may 24 kasama ang 7 sa huling quarter.


Sinuportahan siya nina Kyle Philip Domagtoy na may 20 at Verman Magpantay na may 14. Itinala ni Mayo ang 11 ng kanyang 22 sa huling quarter na may kasamang 19 rebound.


Nagtapos na may 18 si Sampurna subalit wala sa huling quarter. Naputol ang 14 magkasunod na tagumpay ng Taguig buhat pa noong Agosto at ito ang pinakaunang talo ng koponan sa NBL-Pilipinas Finals mula pa noong 2019.


Nagtagumpay ang Generals sa Game 1 at 2, 90-87 at 80-77 na parehong ginanap sa Duenas Gym sa Signal Village. Kung kailangan, babalik doon para sa winner-take-all Game 5.


 
 

ni Anthony E. Servinio @Sports | Dec. 11, 2024



Photo: EGilas Pilipinas - Samahang Basketbol ng Pilipinas - SBP


Mga laro ngayong Miyerkules – SMX Clark

11 AM Pilipinas vs. New Zealand

4 PM Turkiye vs. Pilipinas

7 PM Pilipinas vs. Brazil


Walo sa pinakamahusay na pambansang koponan ang magtatagisan para sa eFIBA Season Three World Finals ngayong Dis. 11 at 12 sa SMX Convention Center Clark sa Pampanga. Pangungunahan ang mga kalahok ng punong-abala at kampeon ng Asya eGilas Pilipinas at defending champion Estados Unidos.


Nabunot ang mga Amerikano (Hilagang Amerika) sa Grupo A kasama ang Algeria (Aprika), Portugal (Europa) at Saudi Arabia (Gitnang Silangan).


Nasa Grupo ang Pilipinas, Brazil (Timog Amerika), Aotearoa New Zealand (Oceania) at Turkiye (Europa). Ang eGilas ay binubuo nina Clark Banzon, Prich Jayrald Diez, Isaiah Vincent Alindada, Kenneth Gutierrez at Julian Mallillin na lahat ay naglaro noong nakaraang taon sa Sweden.


Nais nilang higitan ang ika-apat na puwesto matapos matalo sa Turkiye. Lahat ng mga kalahok ay kinailangang dumaan na qualifier sa mga nakalipas na buwan sa kani-kanilang mga kontinente.


Maglalaro ng single round at ang dalawang pinakamataas sa bawat grupo ang tutuloy sa semifinals at finals sa Huwebes.


Tatanggap ang kampeon ng $20,000, $10,000 sa pangalawa, $6,000 sa pangatlo at $4,000 sa pang-apat.


Ang tatanghaling MVP at Defensive Player ay parehong bibigyan ng P2,500 habang may $1,000 ang bawat kasapi ng All-Star Five. Gagamitin sa torneo ang pinakabagong edisyon ng NBA 2K.


Sabay-sabay maglalaro ang limang kasapi ng koponan na gaganap ng papel ng mga gwardiya, forward at sentro.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page