top of page
Search

ni Anthony E. Servinio @Sports | July 14, 2025



Photo: Strong Group Athletics vs Chinese Taipei - Jones Cup



Laro ngayong Lunes – Xinzhuang Gym 5:00 PM SGA vs. Japan          


Linimitahan ng depensa ng defending champion Strong Group Athletics (SGA) ng Pilipinas sa dalawang puntos lang sa pangatlong quarter ang host Chinese-Taipei A upang magwagi, 67-56, sa simula ng kanilang kampanya sa pangalawang araw ng 2025 William Jones Cup sa Xinzhuang Gym ng New Taipei City. Sunod na haharapin nila ang Japan ngayong Lunes.


Hawak ng Taiwan ang 35-28 lamang matapos ang pangalawang quarter bago ang arangkada ng SGA para baliktarin ang takbo pabaligtad pabor sa kanila, 54-37. Sapat na sapin iyon at kinapos ang tangkang paghabol ng Taiwan sa huling quarter.


Halimaw ang numero ni Andre Roberson na 17 puntos at 19 rebound habang ang kanyang kapwa-import Ian Miller ay nagtala ng 16. Sumuporta si Rhenz Abando na may 11.          


Si Cheng Ying Chun ang nag-iisang Taiwanese na may higit 10 at nagtala ng 14. Siyam lang si Lin Ting Chien. Galing ang mga Hapon sa 86-84 pagtakas sa Qatar para pantayin ang kartada sa 1-1. Noong Sabado ay natalo sila sa Bahrain, 69-85.


Ang Bahrain at SGA na lang mga koponang walang talo matapos ang ikalawang araw ng torneo. Umakyat sa 2-0 ang Bahrain ng magtagumpay sila sa Chinese-Taipei B, 71-63.

 
 

ni Anthony E. Servinio @Sports | July 13, 2025



Photo: Stong Group Athletics



Laro ngayong Linggo – Xinzhuang Gym

7 PM Chinese-Taipei A vs. SGA 


Matapos bigyan ng pagkakataon na kilatisin ang walo nilang makakalaro,  sisimulan ng Strong Group Athletics ng Pilipinas ang depensa ng kanilang titulo sa 2025 William Jones Cup ngayong Linggo sa Xinzhuang Gym ng New Taipei City. Unang nabunot ng mga Pinoy ang host Chinese-Taipei A na gagawin ang lahat na hindi mapahiya sa harap ng kanilang mga kababayan.

        

Halos pareho ang listahan ng Taiwan mula sa koponan na tumalo sa Gilas Pilipinas sa FIBA Asia Cup Qualifier, 91-84, noong Pebrero 20. Ang malaking pagbabago lang ay ang pagbabalik ng magkapatid Adam Hinton at Robert Hinton galing sa pag-aaral nila ng kolehiyo sa Amerika at bagong naturalized 6’9” Joof Alasan na pinalitan si 7’0” Brandon Gilbeck. 

       

Walang laro ang SGA sa unang araw ng torneo kahapon. Ang Chinese-Taipei A ang simula ng nakakaparusang kalendaryo para sa SGA na nakatakdang maglaro araw-araw at walang pahinga hanggang katapusan ng torneo sa Hulyo 20. 

        

Kumpirmado na hindi makakalaro ng unang dalawa si Kiefer Ravena dahil pumunta siya ng Gresya. Nakatakdang humabol ngayong Linggo ng umaga sina Dave Ildefonso at Geo Chiu galing sa mahalagang laro sa Palayan City kagabi. 

      

Dahil dito bumigat ang responsibilidad ng mga beteranong import Tajuan Agee at Andre Roberson na buhatin ang koponan. Aasahan din si Ian Miller na matatandaang nagpahirap sa Meralco Bolts noong naglaro siya para sa Ulaanbaatar Broncos ng Mongolia sa 2025 Basketball Champions League Asia noong nakaraang buwan.

      

Ang iba pang laro ng SGA ay laban sa Japan (Hulyo 14), Qatar (15), Australia (16), Chinese-Taipei B (17), Malaysia (18), Bahrain (19) at United Arab Emirates (20). Ang may pinakamataas na kartada matapos ang single round robin ay agad tatanghaling kampeon.

 
 

ni Anthony E. Servinio @Sports | July 10, 2025



Photo: Beermen at Ginebra - PBA PH


Laro ngayong Linggo – Araneta

7:30 PM TNT vs. SMB


Ipiniga ng San Miguel Beer ang pinaghirapang 100-93 panalo sa Barangay Ginebra sa Game Seven upang makapasok sa 2025 PBA Philippine Cup Finals. Naghihintay sa Beermen ang TNT Tropang 5G sa isa pang seryeng best-of-seven simula ngayong Linggo sa parehong palaruan.


Nararapat na ang huling tabla sa ika-pitong laro ay 77-77. Mula doon ay bumanat ng magkasunod na buslo sina Don Trollano at Jericho Cruz at hindi na binitiwan ng SMB ang bentahe sa nalalabing walong minuto.


Ipinasok nina Chris Ross, June Mar Fajardo at Rodney Brondial ang mga pandiin na shoot para itayo ang kompartableng 98-89 lamang papasok sa huling dalawang minuto. Humirit ng four-points si Jamie Malonzo ngunit iyan na ang huling baraha ng Ginebra at tinuldukan ni Best Player Ross ang gabi sa dalawang free throw na may 34 segundo sa orasan.


Matapos hindi gamitin ni Coach Leo Austria sa Game Five at Six, balik-aksiyon si Ross at gumawa ng 19 puntos, pitong assist at apat na agaw bilang reserba. Nanguna sa SMB si June Mar Fajardo na may 21 at 19 rebound sa gitna ng natamong pilay sa pangalawang quarter.


Ipinagpag ni Malonzo ang kanyang maagang pangatlong foul at nagtala pa rin ng 22. Sumunod sina RJ Abarrientos at Scottie Thompson na may tig-16 at nabigo ang Gin Kings na maglaro sa Finals sa pangatlong pagkakataon ngayong taon.


Ikinumpleto ni Malonzo ang three-point play sa pagtatapos ng pangatlong quarter para sa pinakamalaking lamang ng Ginebra, 73-62. Subalit may ibang plano ang Beermen at humabol sa huling quarter hanggang inihatid ni Trollano ang tres na nagtakda sa 77-77.


Sisikapin ngayon ng SMB na pigilan ang TNT sa inaasam na Grand Slam. Kabilang ang Beermen sa maikling listaan na nagwagi ng tatlong tropeo sa isang taon at naabot nila ito noong 1989.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page