top of page
Search

ni Anthony E. Servinio @Sports | Apr. 5, 2025



Photo: Stephen Curry at Ja Morant - FB / GSW / Memphis Grizzlies


Umapoy muli ang shooting ni Stephen Curry upang hatakin ang bisitang Golden State Warriors sa 123-116 tagumpay sa Los Angeles Lakers sa NBA sa Crypto.com Arena. Bumida din si Ja Morant sa importanteng 110-108 panalo ng Memphis Grizzlies sa Miami Heat. 

        

Matapos bumuhos ng 52 noong isang araw, 37 lang si Curry subalit higit sa sapat ito para makamit ang ika-45 panalo sa 76 laro at isang panalo na lang ang hahabulin sa 46-30 Lakers na bumaba sa pang-4 sa Western Conference. May pag-asa rin ang GSW na umangat hanggang pangalawa na hawak ng Houston Rockets (50-27). 

      

Nagsimula ang laro sa sagutan ng tres nina Brandin Podziemski at Austin Reaves at kinuha ng GSW ang unang quarter at hindi na sila lumingon, 26-22. Nalimitahan sa apat lang si Curry sa gitna ng husay ng mga kakampi subalit iyan ang hudyat para uminit at itayo ang kanilang pinakamalaking lamang, 55-39. 

       

Sinikap bumalik ng Lakers at naging lima na lang ang agwat sa huling 5 segundo sa 3-points ni Reaves, 116-121 at 35 segundo sa orasan. Binigyan ni Reaves si Curry ng foul at ipinasok ang dalawang paniguradong free throw. 

        

Galing sa timeout, ipinagpag ni Morant ang depensa ni 7’0” Kel’el Ware para sa nagpapanalong 2 puntos kasabay ng huling busina para tapusin ang 4 na sunod na talo. Bago niyan ay itinabla ni Tyler Herro ang laro sa 108-108 at may 14 segundong nalalabi. 

       

Gumana para sa 11 ng kanyang 30 si Morant sa huling quarter. Ito na rin ang unang panalo ni Coach Tuomas Iisalo matapos italaga kapalit ni Coach Taylor Jenkins. Bumuti rin ang pag-asa ng Minnesota Timberwolves sa 105-90 panalo sa Brooklyn Nets.  Pumutok para sa 28 si Anthony Edwards.  

 
 

ni Anthony E. Servinio @Sports | Mar. 28, 2025



Photo: Double-double si Best Import RHJ na 25 puntos at 12 rebound. Sinimento ni Rey Nambatac ang karangalan na Finals MVP sa kanyang 22 mula sa apat na tres. first photo via PBA.PH / Reymundo Nillama



Hanggang sa huli ay walang katiyakan ang resulta subalit nanaig ang puso ng TNT Tropang Giga kontra Barangay Ginebra para makamit ang 2024-25 PBA Commissioner's Cup sa overtime, 87-83, sa siksikang Araneta Coliseum.


Sa harap ng 21,274 tagahanga ay tinapos ang seryeng best-of-seven, 4-3. Ipinasok ni Justin Brownlee ang tres upang ipilit ang karagdagang limang minuto, 79-79, at 16 segundo sa orasan.


Nagmintis si Rondae Hollis-Jefferson at may pagkakataon si Jamie Malonzo subalit sumablay ang kanyang bato mula four-points. Isang mas determinadong TNT ang nagpakita para sa overtime at nagsama ang napiling Finals MVP Rey Nambatac, Poy Erram at Glenn Khobuntin para umarangkada agad, 85-79.


Hindi basta tumiklop ang Ginebra at pumalag sa likod nina Japeth Aguilar at Jamie Malonzo, 81-85, subalit walang nakapigil sa koronasyon ng TNT upang sundan ang kanilang kampeonato sa Governors’ Cup.


Nagtira ng lakas para sa huling sipa at bumanat ng magkasunod na three-points sina Calvin Oftana at Khobuntin para maging 75-72 at apat na minuto ang nalalabi. Humigpit ang depensa hanggang naka-buslo si RJ Abarrientos para magbanta, 74-75, papasok sa huling minuto subalit sinagot ito agad ni Khobuntin at 47 segundo sa orasan, 77-74.


Double-double si Best Import RHJ na 25 puntos at 12 rebound. Sinimento ni Rey Nambatac ang karangalan na Finals MVP sa kanyang 22 mula sa apat na tres.


Nanguna sa Gin Kings si Brownlee na may 28 at 10 rebound subalit hindi niya naipasok ang four-points na magtatakda sana ng pangalawang overtime. Nag-ambag ng 15 at 11 rebound si Japeth Aguilar habang 13 si Scottie Thompson.


Dala ng kanilang 87-83 panalo sa Game Six noong Miyerkules, maganda ang simula ng TNT at ipinasok ang unang anim na puntos.


Sabay uminit ang shooting nina Nambatac at RHJ para kunin ng Tropang Giga ang unang half, 40-35, sa malakas na dunk ni RHJ.


Nagising ang Gin Kings at bumomba ng siyam si Brownlee sa pangatlong quarter at pumabor ang takbo sa Ginebra, 62-60. Iyan na ang senyales para sa malupit na katapusan.


Sa Abril 5 nakatakda ang pagbubukas ng Philippine Cup, ang pangatlo at huling torneo para sa Season 49, at sisikapin ng TNT na mabuo ang bihirang Grand Slam. Isa sa aabangan din ay ang ika-50 kaarawan ng PBA sa Abril 9.

 
 

ni Anthony E. Servinio @Sports | Mar. 26, 2025



Photo: Nabuhayan ng todo ang Tropa mula roon at nagtayo ng 76-66 lamang na may 6:36 nalalabi na dala ng sigaw ng kanilang mga tagahanga. (via Reymundo Nillama)


Laro sa Biyernes – Araneta 7:30 PM TNT vs. Ginebra


Hindi pa handa ang TNT Tropang Giga at Rey Nambatac na sumuko at ipiniga ang 87-83 panalo kontra Barangay Ginebra kagabi sa Game Six ng 2024-25 PBA Commissioner’s Cup Finals. Tabla na ang seryeng best-of-seven sa 3-3 at ang Game Seven ay ngayong Biyernes sa parehong palaruan.


Pinangunahan ni Nambatac ang pagbuhos ng unang pitong puntos ng pangatlong quarter upang maagaw ang lamang, 45-42.


Kahit nakabalik ang Gin Kings, nagawang ipasok ni Nambatac ang milagrong four-points kasabay ng busina ng pangatlong quarter na nagbalik ng bentahe sa TNT, 63-62.


Nabuhayan ng todo ang Tropa mula roon at nagtayo ng 76-66 lamang na may 6:36 nalalabi. Dala ng sigaw ng kanilang mga tagahanga, bumawi ang Ginebra at naging isa na lang sa buslo ni Justin Brownlee, 79-80, at isang minuto ang nalalabi.


Nagtala ng dalawang free throw si Rondae Hollis-Jefferson upang makahinga ng kaunti ang TNT, 82-79. Biglang lumamig ang Ginebra at hindi maipasok ang bola at ipinasok ni Poy Erram ang paniguradong free throw na may 21 segundo sa orasan, 85-80.


Pumalag pa rin si Scottie Thompson sa kanyang three-points, 83-85, subalit kinapos sila sa oras. Saglit bumukas ang pinto sa dalawang mintis na free throw ni RHJ pero tunay na araw ng TNT. Sa harap ng kanilang pilay na kakampi Jayson Castro, nagpasikat si Nambatac sa kanyang 23 puntos para mapiling Best Player. Gumawa ng 27 si RHJ.


Patuloy ang laro ni Brownlee na pilay ang hinlalaki at pumuntos ng 22. Nag-ambag ng 12 si Scottie Thompson habang tig-11 sina Japeth Aguilar at Stephen Holt.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page