top of page
Search

ni Anthony E. Servinio @Sports | May 28, 2025



Photo: Gilas U-16 with Coach LA Tenorio - SBP / SEAG Network



Laro ngayong Huwebes – Bren Guiao 7:00 PM Pilipinas vs. Malaysia


Inagaw ng Gilas Pilipinas Youth ang solong liderato ng FIBA Under-16 Asia Cup Southeast Asian Basketball Association (SEABA) Qualifiers matapos ang pinaghirapang 77-68 panalo kontra Indonesia sa Bren Z. Guiao Convention Center sa San Fernando, Pampanga.


Nanatiling malinis ang mga Pinoy sa 4-0 at sigurado nang maglalaro para sa kampeonato sa Biyernes. Hindi magawa ng Gilas ang makalayo at nasasabayan sila ng mga Indones at apat lang lamang ng mga Pinoy matapos ang dalawang quarter, 32-28.


Pagsapit ng huling quarter ay nakabanat ang Pilipinas at itinayo ang pinakamalaking bentahe sa shoot ni Prince Carino, 63-49, at piton minuto ang nalalabi ngunit hindi basta tumiklop ang mga bisita.


Nagawang tabasan nila ang agwat, 61-65, subalit nakahinga ang Gilas sa three-points ni Everaigne Cruz, 68-61. Sinundan ito ng mga krusyal na buslo nina Gab delos Reyes at Carino upang iakyat sa mas komportableng 74-63 lamang pagsapit ng huling dalawang minuto.


Sa unang tatlong laro ng Gilas ay nanalo sila na may huling agwat na 53.3 bawat laro. Nanguna sa atake sina Carino na may 15 puntos at Travis Pascual na may 13 habang 12 si Jolo Pascual. Nagtala ng 23 si Benjamin Piet Hernusi para sa Indonesia.


Kahit bumaba sa 3-1 ay malakas ang tsansa nila na labanan muli ang Gilas sa Biyernes. Sa iba pang mga laro, nagwagi ang Thailand sa Vietnam, 63-46, upang manatili ang pag-asa para sa kampeonato sa kartadang 2-2.


Pinantayan din ng Malaysia ang mga Thai sa 2-2 sa bisa ng 78-55 tambakan sa kulelat na Singapore.


 
 

ni Anthony E. Servinio @Sports | May 28, 2025



Photo: Nalusutan ni Shai Gilgeous-Alexander ng Oklahoma City Thunder sa pag-drayb ng bola si Anthony Edwards ng Minnesota Timberwolves sa yugtong ito ng kanilang laban sa NBA playoffs Game 4 ng West finals kahapon. (si.com.nba)


Pasado sa kanilang unang malaking pagsubok ang numero unong Oklahoma City Thunder at nilusutan ang Minnesota Timberwolves, 128-126 sa Game 4 ng 2025 NBA Western Conference Finals sa Target Center kahapon. Kumpara sa mga tambakan sa unang tatlong laro, hinintay ang huling segundo bago matiyak ang 3-1 lamang ng OKC sa seryeng best-of-seven. 

      

Inaalagaan ng Thunder ang 109-100 lamang at 6 na minuto ang nalalabi pero humabol ang Minnesota. Nagbanta ang Timberwolves sa dalawang free throw ni Naz Reid, 125-126 at binigyan agad ng foul ni Nickeil Alexander-Walker ang kanyang pinsan MVP Shai Gilgeous-Alexander na walang kabang ipinasok ang dalawa, 128-125, at 6 na segundo sa orasan.

       

Binigyan ng maagang foul ni Alex Caruso si Anthony Edwards upang mapigil ang posibleng 3-points at sa halip ay tumira ng free throw na may 4 na segundo pa.  Ipinasok ni Edwards ang una at sadyang minintis ang pangalawa pero nakuha ni SGA ang bola at ibinato ito palabas ng korte.

       

Pang-MVP talaga ang numero ni SGA na 40 puntos at 10 assist sa 40 minuto. Hindi malayo sina Jalen Williams na may 36 at Chet Holmgren na may 21.

        

Tatlong Minnesota ang may 20 o higit subalit hindi ito ang mga karaniwang inaasahan na sina NAW na may 23, Jaden McDaniels na may 22 at Donte DiVincenzo na may 21.  Pinili ang maling araw para umalat ang laro ni Edwards na may 16 at Julius Randle na lima lang. 

        

Maaaring wakasan na ng OKC ang serye sa kanilang tahanan Paycom Center sa Huwebes. Kung sakali, ito ang magiging pangalawang pagpasok ng koponan sa NBA Finals matapos ang 2012 kung saan lumuhod sila sa Miami Heat sa 5 laro.


 
 

ni Anthony E. Servinio @Sports | May 28, 2025



Photo: Bumida si Karl-Anthony Towns para iligtas ang New York Knicks sa Game 3 para maiwasang mawalis ng Indiana Pacers sa NBA playoffs ng Eastern Conference finals. (sportingnews.com)

    

Nabuhayan ang kampanya ng bisitang New York Knicks matapos daigin ang Indiana Pacers, 106-100 sa Game 3 ng 2025 NBA Eastern Conference Finals kahapon sa Gainbridge Fieldhouse. Mahalaga na nagwagi ng isa ang Knicks dahil wala pang koponan sa kasaysayan ng liga ang umaahon sa 0-3.

      

Sa una, mukhang patungo ang Pacers sa 3-0 at bumanat ng 13 walang-sagot na puntos para itayo ang 55-35 lamang sa huling 3 minuto ng 2nd quarter. Hindi sumuko ang Knicks at humabol hanggang maagaw ang bentahe sa tres at three-point play ni Karl-Anthony Towns, 87-85 sa  8 minuto sa huling quarter. 

       

Nakabawi saglit ang Indiana pero binasag ng shoot ni Jalen Brunson ang huling tabla, 100-98 at sinundan ng dalawang free throw ni Josh Hart na may 20 segundong nalalabi, 102-98. Nagsilbing huling hirit ang buslo ni Tyrese Haliburton, 100-102 at mula roon ay tiniyak nina Brunson at Hart ang panalo sa tig-2 free throw sa huling 10 segundo. 

      

Mahina ang simula ni KAT pero bumomba ng 20 puntos sa huling quarter para magtapos na may 24 at 15 rebound. Sumunod si Brunson na may 23 habang may 16 si OG Anunoby. 

      

Nagtala ng 20 si Haliburton at nag-ambag ng 19 si Myles Turner at 17 kay Pascal Siakam. Ang Game 4 ay sa Miyerkules sa parehong palaruan at babalik sa New York City sa Biyernes para sa Game 5. 

       

Papasok ang Minnesota Timberwolves sa Game 4 ng Western Conference Finals ngayong Martes na todo ganado laban sa bisitang OKC Thunder. Nanalo ang Timberwolves sa Game 3, 143-101, para maiwasang mawalis sa serye. Kahit anong mangyari, ang 2025 NBA Finals ay magsisimula sa Hunyo 6 at itutuloy sa 9, 12 at 14.       


 
 
RECOMMENDED
bottom of page