BULGAR

Oct 25, 2020

Payment sa SSS contributions, extended hanggang December 1

@Buti na lang may SSS | October 25, 2020


 
Dear SSS,

Ako ay business owner sa Taguig City. Nabasa ko sa post sa Facebook na pinalawig ang deadline ng pagbabayad ng kontribusyon para sa mga hindi nahulugan na buwan. Totoo ba ito? Sisingilin ba ako ng SSS ng penalty dahil sa late remittance ng SSS contributions? – Chatty

Sagot

Mabuting balita, Chatty! Minsan pa’y pinalawig ng SSS ang deadline ng pagbabayad ng kontribusyon ng mga employer at miyembro ng hanggang Nobyembre 30, 2020. Ngunit dahil holiday ang nasabing petsa, maaari pa ring bayaran ang SSS contributions sa kasunod na working day at ito ay Disyembre 1.

Ipinatupad ito ng SSS upang bigyan ng sapat na panahon ang mga employer at mga miyembro na i-remit ang kanilang kontribusyon para sa mga nalaktawan nilang mga buwan dahil na rin sa mga ipinatutupad na mga hakbang sa pag-iingat upang maiwasan ang pagkalat ng sakit na COVID-19.

Para sa mga regular employer na katulad mo, maaaring bayaran ang mga kontribusyon ng iyong mga manggagawa para sa mga buwan ng Pebrero hanggang Oktubre 2020 ng hanggang Disyembre 1, 2020. At ang good news ay hindi ka namin papatawan ng anumang multa hinggil sa late payment hangga’t nabayaran mo ang kontribusyon sa itinakdang deadline.

Kung ikaw naman ay amo ng kasambahay o household employer, maaari mong bayaran ang mga kontribusyon ng iyong kasambahay para sa mga buwan ng Enero hanggang Setyembre 2020 ng hanggang Disyembre 1, 2020 rin. Wala ring ipapataw na anumang multa hinggil sa late payment hanggang sa nasabing petsa.

Para sa mga employer na nagbabayad ng installment sa ilalim ng Contribution Penalty Condonation Program, maaari nilang i-deposito ang kanilang mga post-dated checks para sa hulog nila sa mga buwan ng Marso hanggang Oktubre 2020 bago o sa Disyembre 1, 2020.

Pinalawig din ang deadline ng pagbabayad ng kontribusyon ng mga miyembro na kabilang sa self-employed, voluntary at non-working spouse. Binibigyan sila ng SSS ng hanggang Disyembre 1, 2020 upang bayaran ang kanilang kontribusyon para sa mga buwan ng Enero hanggang Setyembre 2020.

Ngunit nais naming ipaalala sa mga regular employers na ang mga kontribusyon para sa mga buwan mula Nobyembre 2020 ay babalik na sa dating regular na deadline ng pagbabayad. Para naman sa mga household employer at mga miyembro na kabilang sa self-employed, voluntary at non-working spouse, babalik na sa dating regular na schedule ng pagbabayad ang mga kontribusyon para sa mga buwan mula Oktubre 2020.

◘◘◘

Para sa tamang impormasyon at updates sa mga programa at benepisyo ng SSS, hinihikayat namin ang mga miyembro at employer na bisitahin at i-follow ang opisyal na Facebook page ng SSS sa “Philippine Social Security System” o sa Twitter account sa @PHLSSS. Maaari ding mag-subscribe sa YouTube channel sa “Philippine Social Security System” at sumali sa SSS Viber Community, “MYSSSPH Updates.”

◘◘◘

Kung mayroon kayong mga katanungan ukol sa SSS o kaya ay mayroon kayong paksa na nais talakayin sa pitak na ito, maaari kayong magpadala ng e-mail sa mediaaffairs@sss.gov.ph.

0