BULGAR

Jul 31, 2020

Health services, gawin nang online

ni Mylene Alfonso | July 31, 2020

Nanawagan ang isang consumer group para sa digital transformation ng health care sector upang mapunan ang malaking patlang sa paghahatid ng medical services sa mga mamamayan sa gitna ng COVID-19 pandemic.

Ayon sa Citizen Watch Philippines, ang digital transformation o paglipat sa online ng mga serbisyong pangkalusugan ay magbibigay-daan para maging mas episyente at accessible ang mga serbisyo sa mamamayan tulad ng medical, dental at mga konsultasyon sa doktor.

Ani Citizen Watch Philippines convenor Orlando Oxales, sa pamamagitan ng telemedicine at iba pang digital solutions, ang mga pasyente ay hindi na mapipilitang ipagsapalaran ang pakikiharap sa ibang tao at ang posibleng pagkahawa kapag pisikal silang bumisita sa isang medical institution ng isang ahensiya ng gobyerno.

Partikular na ipinanawagan ng Citizen Watch Philippines sa pamahalaan ang pag-aalis ng bureaucratic barriers na pumipigil sa pagtatayo ng digital infrastructure sa loob ng maraming dekada.

Tinukoy din ng grupo ang pangangailangan na ganap na ipatupad ang Ease of Doing Business (EODB) Law at permanenteng buwagin ang bureaucratic barriers sa national at local levels. Hiniling din sa pamahalaan na payagan ang telecom industry na tumulong sa pagtatayo ng future-proof digital infrastructure network.

    0