BULGAR

Mar 25, 2023

2 todas sa pinulutang palaka

ni Jeff Tumbado | March 25, 2023

Utas ang dalawang indibidwal makaraang mamulutan ng palaka sa Bgy. Camaya, Bataan kamakalawa.

Namatay habang nagpapagamot sa Mariveles District Hospital (MDH) ang mga biktima na sina Dennis Zarate, 37, at Charlie Caballero, 28, ilang oras nang sila’y isugod sa nabanggit na gusali.

Napag-alaman sa ulat ng Mariveles Municipal Police Station na hapon ng Huwebes nang mangyari ang insidente sa bahay ni Caballero sa nasabing lugar kung saan ay naghanda ang mga ito sa kanilang inuman.

Sinasabing nagluto ang mga biktima ng adobong palaka na kanilang pulutan.

Maya-maya pa umano ay nakaranas ng sobrang pananakit ng tiyan ang dalawa at tuluyang nag-collapse.

Sa naturang ospital binawian ng buhay ang mga biktima dahil sa cardiac arrest.

Sa pagsusuri ng mga doktor, napag-alamang hindi palakang bukid ang kanilang pinulutan kundi uri ng “palakang-tubo”.

Ayon sa impormasyon mula sa mga eksperto, ang palakang-tubo, na kalimitang nakikita sa mga tubuhan o sugar cane plantation, ay may lason na taglay at hindi dapat ito kinakain ng mga tao dahil sa panganib sa kalusugan at buhay.

    0