Unang kampeonato sa AFF Cup, sasakmalin ng PHL Azkals

June 23, 2020

Kahit sa katapusan ng taon pa magaganap ang AFF Suzuki Cup 2020, ngayon pa lang ay abala
na si Coach Scott Cooper sa pagsusuri sa mga manlalarong Filipino sa ibayong dagat upang
palakasin ang Philippine Azkals.  Sisikapin ng Pilipinas na makuha ang unang kampeonato sa
torneo isang dekada na nakakalipas buhat noong tinaguriang “Miracle In Hanoi” na naghudyat
ng pag-angat muli ng Football sa bansa.

“We’ve been studying their abilities and most importantly, their true desire to play for the
Philippines,”
 wika ni Coach Cooper sa palabas na Across The Line.  “All these players can
make their entry in the near future.”


Karamihan ng mga kandidato ay tubong Alemanya na sina Gerrit Holtmann at Raphael Obermair
na parehong midfielder at goalkeeper Bernd Schippman.  Nariyan din si midfielder Jesse Curran
(Australia) at mga defender na sina Jefferson Tabinas (Ghana), Niko de Vera (Estados Unidos),
Jesper Nyholm (Sweden) at Michael Kempter (Switzerland).

Noong makasaysayang gabi ng Disyembre 5, 2010 sa kabisera ng Vietnam ay ginulat ng Azkals
ang lahat at pumasok sa semifinals ng Suzuki Cup sa unang pagkakataon matapos talunin ang
defending champion Vietnam, 2-0, sa likod ng mga goal nina Chris Greatwich at Phil Younghusband.  Mula roon ay pasok ang mga Pinoy sa semifinals sa tatlo sa apat na sumunod na
edisyon subalit hindi pa sila nakalalaro para sa kampeonato.


Malaking papel ang ginampanan ng mga Filipino-foreigner sa pambansang koponan sa huling 10
taon. Retirado na ang karamihan ng  Azkals noong 2010 kaya napapanahon na upang maghanap
ng bagong dugo na magbibigay sigla sa koponan.

Bago ang Suzuki Cup ay tatapusin ng Azkals ang kanilang tatlong nalalabing laro sa 2022 FIFA
World Cup Qatar at 2023 AFC Asian Cup qualifier kontra Guam, Tsina at Maldives sa Oktubre
at Nobyembre.  Ang Suzuki Cup ay nakatakdang magsimula sa huling linggo ng Nobyembre at
iikot ang mga laro sa lahat ng kalahok na bansa.  

Share on Facebook
Share on Twitter
Please reload

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

TOP STORIES

Please reload

.                                                                                      .                                                                                      .

BULGAR LOGO

Bulgar Online.

Call us : (02) 995-3732

© 2020 bulgaronline

Sison's Publishing House, Inc.