Karapatan na dapat garantisado

June 22, 2020

Ms. Korina Sanchez / Isyung 'K'

  

 

Ayon kay Carrie Lam, pinuno ng Hong Kong, ang mga kumokontra sa plano ng Beijing na magpanukala ng bagong batas hinggil sa seguridad ng Hong Kong ay maituturing na kalaban ng mamamayan.

 

Nais maglagay ng mga tanggapan ang Beijing sa Hong Kong kung saan sila ang magbabantay sa mga tao o grupo na sangkot umano sa anumang pagkilos na kumokontra sa China, tingin nila ay terorista o sangkot sa panghihimasok ng ibang bansa.

 

Binatikos ng mga oposisyon ang panukalang-batas na kontra umano sa “one country, two systems” na pinagkasunduan nang ibalik ang Hong Kong sa China noong 1997.

 

Ayon sa Beijing at administrasyon ni Lam, ang target umano nito ay ang mga “nanggugulo” sa Hong Kong.

 

Samantala, sa atin naman sa ‘Pinas, nasa tanggapan na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang panukalang-batas na Anti-Terrorism Act of 2020 na mabilis ipinasa ng Kongreso sa panahon ng pandemya. Ang lagda na lamang ng Pangulo ang hinihintay upang maging opisyal itong batas.

Ayon sa mga kumokontra, masyadong malawak ang kahulugan ng terorismo. Magkakaroon pa ng Anti-Terrorism Council na itatalaga ng pangulo. Ang council ang tutukoy kung ang ginagawa ng isang tao o grupo ay maaaring pagkilos ng terorista.

 

Maaaring manghuli ang mga awtoridad kahit walang warrant at makulong mula tatlo hanggang 14 na araw. Kaya ang lahat ay nakasalalay sa Anti-Terrorism Council. Pero ang taong, sigurado bang patas ang tingin nila sa lahat? O parang si Carrie Lam na ang tawag sa oposisyon ay mga “nanggugulo” kaya puwede silang bansagang kalaban ng bansa?

 

Tila walang pinagkaiba ang dalawang batas na hinaharap ngayon ng mamamayan ng Hong Kong at Pilipinas — parehong tina-target ang mga “nanggugulo” o ang oposisyon.

 

Kung sinuman ang tinutukoy na nanggugulo ay depende sa gobyerno at maaaring malawak nga. Ang legal at mapayapang pagpuna sa mga nakikitang pagkakamali ng gobyerno ay maaaring magbansag sa isang tao na siya parte ng terorismo.

 

Puwede kang sugurin sa iyong tahanan, tangayin at ilagay sa kulungan habang iniimbestigahan ang iyong ginawa. Sino naman kaya ang hindi matatakot d’yan?

 

Paano tayo nakakasigurong hindi mang-aabuso ang mga pulis o awtoridad o ng Anti-Terrorism Council mismo kung walang kalaban-laban ang isang tao kapag binansagan siyang terrorista? Mistulang kathang-isip na lang ang karapatang-pantao.

 

Wala tayong problema kung ang target ng batas ay mga tulad ng Abu Sayyaf, ISIS, Maute, NPA at iba pang grupo na aktibo sa armadong pagbabagsak ng gobyerno.

 

Pero kung sa hinalang terorista pa lang ay puwede nang gawin ang paghuli at pagkulong sa ‘yo? Nasaan ang karapatan mo na dapat garantisado sa ilalim ng ating Saligang-Batas?

Share on Facebook
Share on Twitter
Please reload

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

TOP STORIES

Please reload

.                                                                                      .                                                                                      .

BULGAR LOGO

Bulgar Online.

Call us : (02) 995-3732

© 2020 bulgaronline

Sison's Publishing House, Inc.