Isang sulyap sa Father’s Day

June 22, 2020

Bong Revilla / Anak ng Teteng!

  

 

Kahapon ay ipinagdiwang natin ang Father’s Day, ngunit hindi tulad ng nakasanayan nating selebrasyon, hindi tayo maaari tayong maghanda ng maraming bisitang kaanak dahil sa mariing ipinagbabawal ang pagtitipon sa gitna ng pandemya.

 

Ngunit hindi ito mahalaga dahil ako bilang ama ay sapat na sa akin na ako ay maalala ng aking mga anak at ng iba pang nagmamahal sa akin at mabati man lang ako ng Happy Father’s Day.

Kaya sa mga ama, tatay, daddy, papa o kahit ano pa ang tawag ninyo sa inyong mga haligi ng tahanan ay mahalagang maramdaman nila ang kanilang kahalagahan sa panahong ito.

 

Sa kabila ng aking kasiyahan dahil lahat ng mga nagmamahal sa akin ay naalala naman ako partikular ang aking mga anak, ngunit medyo emosyunal ako habang isinusulat ko ang artikulong ito dahil sa tuwa na nasa stable condition na ang aking ama.

 

Lalo pa at ang ama ko mismo ang nagpumilit na makalabas ng St. Lukes Medical Center sa Bonifacio Global City, Taguig dahil gusto na niyang umuwi para magkakasama kami sa pagdiriwang ng Father’s Day na nangyari naman kahapon.

 

Sa edad na 93, kahanga-hanga ang ipinapakita niyang tapang para lumaban, kaya ang buong pamilya namin ay nakasuporta at buong-buo ang pag-asa na isang araw ay patuloy na bubuti pa ang kalagayan ng aking ama.

 

Hindi lingid sa marami na ang aking ama ay ang artista at dating Senador na si Ramon Revilla, Sr. na bukod sa akin niya ipinagkaloob ang kanyang pangalan ay minana ko pa ang napakaraming katangian.

 

Nakagisnan ko na ang aking ama bukod sa pag-aartista ay movie producer din kung saan ako nagsimulang mag-artista mula bata pa lamang, hanggang sa dumating ako sa puntong ako na ang nagdadala ng pelikula.

 

Sa murang edad ay natuto na akong maghanapbuhay at tinandaan kong mabuti ang mga itinuro niya sa akin na dapat ay mag-ipon na siya kong ginawa kaya ko narating ang aking kinalalagyan.

 

Kung may mga masusuwerteng tao sa mundo ay masasabi kong isa na ako sa mga ito dahil nagkaroon ako ng amang katulad ng aking ama na kahit saglit ay hindi ipinaramdam sa amin ang kahirapan sa buhay.

 

Hanggang sa aking paglaki ay nakagabay ang aking ama na dapat ay mamahagi umano ng mga biyayang aming tinatamasa, na naging dahilan sa mura kong edad na pumalaot sa pulitika dahil sa dami ng aking nais matulungan.

 

Mula pagiging bise-gobernador ng Lalawigan ng Cavite ay nakarating ako sa Senado at hanggang ngayon ay patuloy pa ring naglilingkod sa ating mga kababayan dahil sa mabuting paggabay sa akin ng aking ama.

 

Tulad mo, tulad ko ay may kani-kanya tayong kuwento tungkol sa ating ama, may hindi magandang pinagdaanan at may mga positibong karanasan na hindi dapat kalimutan, ngunit sa dulo ng lahat ng ito ay tumibay tayo bilang tao sa mundong ito.

 

Ngayong Father’s Day, iisa lang ang aking panalangin, ang mabilis na paggaling ng aking ama at sana ay makapiling ko pa siya at ng aking pamilya ng mahaba pang panahon.

 

Sabi nga nila ang ina raw ang ilaw ng tahanan na kahit brownout ay nagbibigay ng liwanag, pero ang ama na siyang haligi ng tahanan, na kahit gaanong kapayak at kahit abutin pa ng anay ay matibay na nakatindig pa rin kaya hindi dapat makalimutan!

 

Anak ng Teteng!

May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anak­ng­teteng.bulgar@ gmail.com

Share on Facebook
Share on Twitter
Please reload

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

TOP STORIES

Please reload

.                                                                                      .                                                                                      .

BULGAR LOGO

Bulgar Online.

Call us : (02) 995-3732

© 2020 bulgaronline

Sison's Publishing House, Inc.