top of page
Search
  • Socrates Magnus

Nalagas ang mga ngipin, babala na hihina ang kalusugan

Salaminin natin ang panaginip ni Suzette na ipinadala sa Facebook Messenger.

Dear Professor,

Sabi nila, may mamamatay kapag napanaginipan na nalagas ang mga ngipin. Totoo ba ‘yun, kasi napanaginipan kong nalagas ang mga ngipin ko?

Naghihintay,

Suzette

Sa iyo Suzette,

Araw-araw, may namamatay, pero hindi araw-araw ay may nanaginip na nalagas ang mga ngipin. Minsan, may ganu’ng panaginip, tapos nagkataon na may namatay.

Alam mo, simboliko ‘yung may mamamatay kapag napanaginipan na nalagas ang mga ngipin. Ito ay nag-ugat sa mga dakilang manunulat na hindi direktang tinutukoy ang pinag-uukulan ng kanilang mga likhang sining.

Kapag sinabing simboliko, may pinanghugutan na some kind of truth tulad ng nalagas ang mga ngipin na ating pag-uusapan ngayon. Kapag nawala ang lakas ng tao, siya ay patay na o mamamatay kung saan ang lakas na tinutukoy ay ang “prana”, ito ay isang salitang mistiko na tumutukoy sa life force. Kaya kapag nawala ang life force, wala na rin ang buhay.

Sa katawan ng tao, may mga bahagi kung saan nakasentro ang lakas at para sa iyong kaalaman, nasa ngipin ang lakas ng tao. Sa ganitong katotohanan nagmula ang paniniwala na kapag nalagas ang mga ngipin ay may mamamatay. Pero siyempre, ang paniniwalang ganu’n ay hindi nagsasabing ang nanaginip ay mamamatay kundi ang malapit sa kanya, mahal niya sa buhay o tao na kapag nawala sa buhay niya, siya ay labis na malulungkot.

Kapag ang tao ay sobrang nalungkot, hihina ang kanyang lakas at kapag nangyari ito, madalas siyang mananaginip na nalagas ang kanyang mga ngipin. Kaya bukod sa puwedeng may mawala na taong mahalaga sa kanya, ang panaginip na nalagas ang ngipin ay isa ring babala na hihina ang kanyang kalusugan o pangangatawan, kaya siya ay papayuhan na kumain ng masusustansiyang pagkain.

Bibirang-ihira na may namamatay kapag nakapanaginip ng nalagas ang mga ngipin, pero ang mas madalas na nangyayari ay ang paghina ng katawan.

Kaya bago ka matakot, mas magandang kumain ka nang kumain ng masusustansiyang pagkain na magpapalakas sa iyong katawan at magpapabalik ng iyong lakas.

Hanggang sa muli,

Professor Seigusmundo del Mundo

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page