top of page
Search
  • Buti Na Lang May SSS

Ang social media accounts ng Social Security System (SSS)

Dear SSS,

Magandang araw, SSS! Dahil sa kasalukuyang pandemya na nararanasan sa ating bansa, may kahirapan pang magpunta sa SSS branch upang makipagtransaksiyon dahil na rin sa limitadong transportasyon sa aming lugar. Dahil dito, nais kong itanong na bukod pa ba sa SSS website, saan pa ako maaaring makakuha ng updates kaugnay sa mga benepisyo o mga programa na maaari kong makuha mula sa SSS? – Peter

Sagot

Prayoridad ng SSS ang kapakanan at kaligtasan ng aming mga miyembro lalo na ang ating mga pensiyonado. Dahil dito, sinikap ng SSS na bukod sa nakagawian nating face to face transactions ay pinasok na rin ng aming ahensiya ang mga makabagong plataporma sa internet at social media upang mas maabot pa ang mas maraming miyembro sa Pilipinas at ibang bansa hinggil sa mga programa at serbisyo na ibinibigay at ipinapatupad ng ating ahensiya.

Noong nauso ang paggamit ng cellphone ay ang Pilipinas ang binansagang “Text Capital of the World.” Gayundin sa makabagong henerasyon, ang ating bansa rin ang tinaguriang social media capital of the world dahil sa milyun-milyong Pilipino na mahilig sa internet at social media sites tulad ng Facebook, YouTube, Twitter at Instagram. Dahil dito, nabatid ng SSS na mabisang channel ang Facebook, YouTube, Twitter at Instagram sa paghahatid ng mahahalagang impormasyon sa ating mga miyembro.

Ito ay epektibong paraan upang maparating sa ating mga miyembro ang updated information, facts, services at programs na ating ibinigay sa panahon na tayong lahat ay napailalim sa enhanced community quarantine sa nakalipas na halos tatlong buwan na pagtigil sa ating mga kabahayan.

Dahil sa iyong sitwasyon, iminumungkahi namin sa iyo na i-like at i-follow mo ang opisyal na Facebook page ng SSS sa Philippine Social Security System @SSSPh, gayundin sa Instagram sa @mysssph at sa Twitter sa @PHLSSS. Maaari ka ring mag-subscribe sa aming YouTube sa Philippine Social Security System kung saan mapanood ang iba’t ibang informational videos ng SSS. Mula sa mga opisyal na social media accounts na ito ay masusubaybayan mo ang mga advisory, announcements, updates at balita tungkol sa mga programa at benepisyo ng SSS. Maaari ka ring magpadala ng feedback o magkomento sa aming mga posts upang mapaganda pa ang aming serbisyo at paglilingkod sa inyo na malugod naming tutugunan at bibigyang aksiyon.

Para rin sa kaalaman ng lahat, umabot na sa 2.78 milyon ang followers ng SSS Facebook Page. Samantala, nakapagtala na rin kami ng 13,000 na followers sa Instagram, 18,700 na followers sa Twitter, at 19,600 na subscribers sa YouTube.

Dagdag pa rito, inaanyayahan ka namin tuwing Biyernes na makisali sa inter-active live discussions sa Facebook na “uSSSap Tayo” mula 10-11 ng umaga upang ihatid sa inyo ang pinakamainit na balita mula sa SSS. Dito ay maaari ka ring maghain ng iyong mga katanungan, suhestiyon at pagbati. Mula noong 2017 ay atin na itong isimasagawa bilang pagkonekta sa ating mga miyembro sa iba’t ibang panig ng mundo. Real-time ang diskusyon na kung nais mong balikan ay muli mo ring mapapanuod sa aming facebook site.

Sa pagdaan ng mga panahon, ang SSS ay patuloy na nagsisikap na sumabay at gamitin ang mga makabagong teknolohiya at pamamaraan sa kaginhawahan na rin ng ating 37 milyong miyembro. Tulad ng ating tema ngayong ika-62 taong anibersaryo ng SSS, “We Connect and Protect.”

◘◘◘

Kung mayroon kayong mga katanungan tungkol sa SSS o mayroon kayong paksa na nais talakayin sa pitak na ito, maaari kayong magpadala ng e-mail sa mediaaffairs@sss.gov.ph.

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page