top of page
Search
  • Gerard Arce

E-games sa 'Pinas, ipinagpaliban muna dahil sa coronavirus


Malungkot na balita para sa mga Pinoy gamers, ipinagpaliban pansamantala ng pamunuan ng Acer ang Asia Pacific Predator League 2020 ngayong taon sa Pilipinas dahil sa patuloy na pananalasa ng coronavirus disease (Covid-19) pandemic.

Pangunahing inaalala ang seguridad at kaligtasan ng mga kalahok at ng gaming community bilang tugon sa health protocols at abiso ng mga awtoridad. Mananatiling lalahok ang mga kuwalipikadong koponan sa bansa para sa preliminary rounds para sa mga manlalaro ng Dota 2 at Battlegrounds hanggang sa final matches nito na maaaring maganap sa kalagitnaan ng Marso hanggang mid-June ng 2021 na may papremyong aabot pa rin sa USD400,000 o halos 20 milyon piso.

“The postponement of the Asia Pacific Predator League, instead of a cancellation, demonstrates Acer’s commitment to the gaming community,” pahayag ni Andrew Hou, President of Acer Pan Asia Pacific Regional Operations sa panayam ng isang website. “With the ongoing COVID-19 situation, we made the decision to move the competition to Spring 2021 for the safety and best interests of the tournament’s competitors, fans, spectators and staff.”

Nakatakda sanang ganapin ang malaking torneo sa MOA Arena sa Pasay City, nitong nakalipas na Pebrero. Halos umabot ng 20,000 na ticket ang naibenta na para sa torneo na nilahukan ng 17 rehiyon sa iba’t ibang bahagi ng bansa kung saan sumabak sa qualifying noong October 2019.

Nasilayan ang unang labanan ng mahuhusay na gamers para sa APPL noong 2018 sa Jakarta, Indonesia para ipakita ang pangakong suporta nito sa gaming industry sa rehiyon. Sinundan naman ito para sa ikalawang edisyon noong isang taon sa Nimibutr Stadium sa Bangkok, Thailand, na dinaluhan ng 10,000 mga fans at lumikom ng 4.3 million views sa online habang may karagdagang 123,000 itong manonood.

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page