top of page
Search
  • Buti Na Lang May SSS

Pagpapalawig ng SSS ng schedule ng pagbabayad ng mga kontribusyon hanggang Hunyo 15, 2020

Dear SSS,

Magandang araw SSS! Ako ay negosyante sa Pasig City at mayroong 20 empleyado. Dahil sa enhanced community quarantine, hindi ko nahulugan ang kontribusyon ng aking mga empleyado. Nangangamba akong dahil ilang buwan akong hindi nakapag-remit ng SSS contributions ay baka mapatawan na ako ng penalty. Nabasa ko sa inyong Facebook page na hanggang June 1 ang pagbabayad pero hindi ako nakapunta sa inyong opisina. Salamat po.

- Marcus

Sagot

Pinalawig muli ng SSS ang schedule ng pagbabayad ng kontribusyon ng mga employer hanggang Hunyo 15, 2020. Nauunawaan ng SSS ang kalagayan ng mga employer at mga miyembro nito bunga na rin ng ipinatupad na enhanced community quarantine sa iba’t ibang bahagi ng bansa. Kaya minarapat ng SSS na magkaroon ng adjustment sa regular na petsa ng pagbabayad ng kontribusyon sa SSS.

Para sa mga regular employer na tulad mo, maaari mong bayaran ang mga kontribusyon ng iyong mga empleyado para sa mga buwan ng Pebrero, Marso, at Abril 2020 hanggang Hunyo 15, 2020. Ang kagandahan nito, hindi ka na rin papatawan ng anumang multa hinggil sa mga late payments.

Samantala, maaari namang bayaran ng mga household employers ang kontribusyon ng kanilang mga kasambahay para sa mga buwan ng Enero, Pebrero, at Marso 2020 ng hanggang Hunyo 15, 2020. Wala ring ipapataw na anumang multa hinggil dito. Subalit, ang mga kontribusyon naman sa mga buwan matapos ang Abril 2020 ay babalik na sa dating regular na schedule ng pagbabayad.

Para sa mga employer na nagbabayad ng installment sa ilalim ng Contribution Penalty Condonation Program, pinalawig din ng SSS ang schedule ng kanilang pagbabayad. Maaari nilang ideposito ang mga post-dated checks para sa hulog sa mga buwan ng Pebrero, Marso, Abril, at Mayo 2020 hanggang sa Hunyo 15, 2020.

Ngunit nais naming ipaalala sa mga employers na ang mga kontribusyon sa mga buwan matapos ang Abril 2020 ay babalik na rin sa dating regular na schedule ng pagbabayad.

Para naman sa mga individual members, tulad ng mga self-employed, voluntary at non-working spouse, binibigyan sila ng hanggang Hunyo 15, 2020 upang bayaran ang kanilang kontribusyon para sa mga buwan ng Enero, Pebrero, at Marso 2020. Gayunman, ang mga kontribusyon sa mga buwan matapos ang Abril 2020 o mga quarter matapos ang 1st quarter ay babalik na sa dating regular na schedule ng pagbabayad.

◘◘◘

Kung mayroon kayong mga katanungan tungkol sa SSS o mayroon kayong paksa na nais talakayin sa pitak na ito, maaari kayong magpadala ng e-mail sa mediaaffairs@sss.gov.ph.

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page