top of page
Search
  • Korina Sanchez

Kawalan ng jeepney at limitadong bus, malaking problema sa mga ordinaryong mamamayan

Kasunod ng rekomendasyon ng mga lokal na pamahalaan na mapasailalim na sa General Community Quarantine (GCQ) ang Metro Manila, may mga kondisyon ito na tila pahirap pa rin sa ordinaryong mamamayan.

Hindi pa rin umano papayagan ang mga pampublikong jeepney at lilimitahan naman ang biyahe ng mga bus. Ang papayagan lamang ay tricycle, taxi at ride-hailing apps tulad ng Grab.

May mga alituntuin naman na dapat sundin ang mga ito sa ilalim ng new normal. Halimbawa, isa lang dapat ang pasahero ng tricycle. May panukala rin ang MMDA na kapag dalawa ang sakay ng pribadong sasakyan, puwede na lumabas kahit coding na tila ibabalik na kapag nga GCQ ang Metro Manila.

Napakaraming panukala at alituntunin na iminumungkahi ng iba’t ibang sektor hinggil sa transportasyon. Kung wala pa ring jeepney at limitado ang bus, paano kikilos ang ordinaryong mamamayan?

Halos tatlong buwang walang kita o sahod ang marami kaya paano naman sila makakabayad sa taxi o sa Grab? Naiintindihan ko rin kung bakit hindi pa pinapayagang bumiyahe ang mga pampulikong sasakyan dahil hindi pa maisip kung paano ipatutupad ang social distancing.

Problema talaga ‘yan. Halimbawa, ang MRT at LRT ay magsisimula na ng operasyon. Pero lalabas na halos kalahati lang ang papayagang pumasok sa mga bagon kung saan markado ang mga upuan at tatayuan ng pasahero para sa social distancing. Kung ganu’n, paano na ang mga naghihintay na makasakay? Hindi ba’t dodoble ang haba ng linya dahil sa social distancing din? At lalong dodoble o higit pa ang paghingtay para makasakay.

Siguradong magkakaroon ng kalituhan kapag nag-GCQ na ang siyudad. Magkakaroon din umano ng localized lockdown ng mga “high-risk barangays”. Malapit na tayo sa kalagitnaan ng 2020 at tila wala pa talagang nagaganap na maganda sa ating lahat. Tsk!

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page