top of page
Search
  • Kuya Win Gatchalian

Pag-urong sa pagbubukas ng eskuwela, tinatalakay na sa Senado


Pormal nang binuksan sa Senado ang pagtalakay tungkol sa pagbubukas ng klase kontra sa itinakda ng Department of Education (DepEd) na ika-24 ng Agosto para sa school year 2020-2021.

Bilang Chairman ng Senate Committee on Basic Education, Arts and Culture, inihain ng inyong lingkod ang Senate Bill No. 1541. Ito ay substitute bill ng pinagsama-samang mga panukala nina Senator Joel Villanueva, Senator Francis Tolentino at Senate President Vicente Sotto III.

Layunin ng panukalang-batas na amyendahan ang Section 3 ng Republic Act No. 7797 o ang “Act to Lengthen the School Calendar from 200 Days to Not More Than 220 Class Days.”

Sa ilalim ng naturang panukala, magkakaroon ang Pangulo ng Pilipinas ng kapangyarihang mamili ng ibang petsa para sa pagbubukas ng school year tuwing magkakaroon ng state of emergency. Maaaring ipagpaliban ang pagbubukas ng klase sa buong bansa o sa iba’t ibang lugar na apektado ng mga sakuna.

Sa ilalim ng Republic Act No. 7797, maaaring magsimula ang pasukan sa pagitan ng unang Lunes ng Hunyo ngunit hindi lalagpas sa huling araw ng Agosto. Ito ang naging basehan ng DepEd na magtakda ng petsang Agosto 24, 2020 para sa pagbubukas ng klase bilang tugon sa laban ng buong bansa sa COVID-19.

Para sa kaalaman ng lahat, noong nakaraang Abril ay inirekomenda ng Inter-Agency Task Force (IATF) for the Management of Emerging Infectious Diseases ang pagbubukas ng klase sa Septyembre. Ngunit ngayong Mayo lang din inaprubahan ng IATF ang panukalang simulan ang klase sa Agosto.

Nakapaloob din sa Senate Bill No. 1541 na mananatili sa kalihim ng DepEd ang kapangyarihang itakda ang pagwawakas ng kasalukuyang school year. Kasama sa magiging basehan nito ang Christmas at summer break, kabilang na rin ang mga sitwasyon na kinahaharap ng bawat rehiyon.

Nananatili rin sa kalihim ng DepEd ang kapangyarihang pahintulutan ang pagsasagawa ng klase tuwing Sabado para sa elementary at high school sa parehong pribado at pampublikong paaralan.

Kapag maisabatas ang ating panukala bago magsimula ang klase, magkakaroon ang DepEd ng legal na basehan upang ipagpaliban ang klase tuwing may kalamidad, lalo na ngayong hindi pa tapos ang ating kasalukuyang pagsubok sa nasabing pandemya.

Nais lamang nating bigyang-diin na ang pangunahing prayoridad sa pagbubukas ng klase ngayong taon ay ang kaligtasan ng 27 milyong mga mag-aaral, ang kanilang mga magulang at humigit kumulang 900, 000 na mga guro at iba pang kawani ng paaralan. Sa pamamagitan ng panukalang-batas na ito, mabibigyan natin ang mga paaralan ng mas mahabang panahon upang tiyakin ang kaligtasan ng bawat estudyante, magulang, guro at kawani ng mga paaralan.

Walang duda na lubos nating hangad na maipagpatuloy ang edukasyon. Ngunit, ating tandaan na ang kaligtasan at kalusugan pa rin ang dapat na pangunahing prayoridad sa gitna ng krisis na ating kinahaharap.

Tutukan ang ating kolum at social media sites para sa mga updates tungkol sa panukalang ito.

 

May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page