top of page
Search
  • Nympha

Mga dapat gawin para makasundo at makilala ang mga kapitbahay


Inabutan ka man ng lockdown nitong panahon ng krisis sa bahay ng isa mong kaanak o kaibigan o kaya ikaw ang tipong bahay-trabaho lang at hindi gaanong nakakasalamuha ang kapitbahay dahil sa sobra mong busy dati sa iyong career. Pero dahil sa quarantine, nakapirmi ka sa bahay at maaaring dalawa lang kayo o nag-iisa ka. Kampante ka lang lalo na kung tahimik kang tao at mahiyain.

Kung bagong lipat ka naman d’yan sa inyong lugar at unang-una mong gustong gawin ay mapaganda ang samahan sa iyong kapitbahay at magkaroon ng positibong mga gagawin upang mas maging mas mabuting magkaibigan, narito ang mga praktikal at masayang paraan upang mapatatag ang samahan sa mga tao sa paligid mo:

1. NGUMITI AT BUMATI. Hindi naman binubuhat o gawaing bahay ang pagngiti para tamarin kang gawin ito. ‘Yung simpleng ngiti lang ay para madama niyang welcome siya para gumaan agad ang loob niya sa ‘yo. Mahalagang madama ng kapitbahay na palagay ang loob niya sa ‘yo.

2. MAKIPAGKUWENTUHAN. Ngayong uso ang social distancing at layu-layo muna nang konti sa kapwa, hindi hadlang ‘yan na kahit busy ka sa iyong ginagawa ay bigyan kahit 2 minuto lang na chat o kuwento ang kapitbahay. Ngitian siya at kumustahin. Ito ay para maging komportable siya sa ‘yo.

3. LINISING MABUTI ANG IYONG BAKURAN. Nakatataba ng puso kapag mismong ang kapitbahay mo ang pupuri sa malinis at maaliwalas mong bakuran. Mainam ‘yan na paraan upang mas gumanda ang pakikipagkaibigan sa kapitbahay. Ayaw kasi ng kapitbahay sa balahurang tao, kaya ang isang bakuran ay dapat panatilihing malinis at maayos.

4. MAGBIGAY NG ULAM O PAGKAIN. Nasubok sa panahong ito ng quarantine kung paanong ang isang kapitbahay ay magkaroon ng malasakit sa mga kalapit-lugar niya. Masarap sa pakiramdam na ang isang kapitbahay na may mobile palengke na hindi nauubos ang panindang gulay at prutas, pagkauwi niya ay ipinamamahagi niya ito sa kapitbahay. Ang pagdadala ng pagkain sa kapitbahay o mula sa simpleng handaan sa birthday o anumang okasyon ay mainam na paraan upang tumatag ang relasyon bilang magkakaibigan. Makatutulong ito kung bago ka lang sa inyong lugar. Hindi kailangang bongga ang pagkain. Isang simpleng pansit, cake o salad ay isa nang magandang gesture.

5. BUMUO NG GRUPO. Puwedeng pang-zumba group, sama-samang maglalakad o magdya-jogging sa lugar ito ay para mas lumakas pa ang samahan ng magkakapitbahay at maging pamilyar ka sa pagkakakilala sa kanila. R’yan magsisimula ang ligtas na kapaligiran at tahimik na kapitbahayan. Gayundin, mas mabilis na maiispatan ang isang hindi kakilala na papasok sa inyong subdibisyon o lugar at agad silang makatatawag ng pulis sakaling may hindi pamilyar na taong papasok sa isang bahay na walang tao.

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page