top of page
Search
  • BULGAR

Kuwentong frontline ng ex-Seag champ athlete soldier


Hindi na kaila sa ating lahat na karamihan sa mga frontliners na nakikipagsapalaran upang itaya ang kanilang buhay laban sa hindi nakikitang virus ay mga atleta na nagbigay karangalan din sa ating bansa, sa kanilang pagsabak sa mga international compeitions.

Isa sa kanila ang dating SEA Games champion ng athletics na si Arniel Ferrera na ngayon ay isa nang frontliner na sundalo na at nagbabantay para sa ating kaligtasan.

Si Ferrera ay kilala bilang isang kampeon sa kanyang paboritong sports na hammer throw kung saan ay nag- kampeon siya sa biennial meet noong 2003, 2009, 2011 at 2013 at nagmarka ng panibagong rekord dito.

Ayon sa kanya, naging malaking tulong sa kanya ang pagiging atleta, sa kanyang pagpasok sa pagiging sundalo gayung ibayong disiplina ang kanyang natutuhan noong panahon na siya ay naglalaro bilang national athlete.

"Maganda na bilang atleta, dala ko at ng iba pang athlete-soldier ang disiplina para magawa nang maayos ang trabaho, lalo na kung may pasaway na makaharap'" ayon sa kanya sa isang panayam.

Hindi alintana ni Ferrera ang pagod sa pagbabantay sa kabila ng kanyang pagkakawalay sa mga mahal sa buhay gaya ng kanyang asawa at anak.

Ito aniya ang kanyang sinumpaang tungkulin bilang enlisted personnel ng Philippine Air Force, ang protektahan ang bansa at mga nasasakupan nito.

"Hindi lamang kami palaban sa laro, kundi mas handa kaming lumaban para sa lahat ng ating mga kababayan kontra COVID," ayon pa kay Ferrera na tatlong buwan nang hindi nakakauwi sa kanyang pamilya.

Kasalukuyang nakahimpil sa Lubiran Bridge checkpoint malapit sa San Juan at Sta. Mesa si Ferrera at nagbabantay din sa kalapit bayan nito.

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page