top of page
Search
  • Jersy Sanchez

Sey ng experts... COVID-19 pandemic anxiety, labanan sa pamamagitan ng positive distraction


Ngayong may Coronavirus Disease 2019 (COVID-19) pandemic, marami sa atin ang nakararamdam ng labis na pag-aalala. Marahil, natatakot mahawaan ng sakit o ma-expose ang mga mahal sa buhay sa nakamamatay na virus.

Bagama’t normal ito, hindi mabuti na halos buong araw itong maramdaman, kaya naman ang payo ng mga eksperto, subukan ang “positive distraction”.

Ayon kay Dr. Maria Caridad Tarroja, psychologist, kailangang ma-discover ng tao ang mga bagay na medyo kakaiba sa dating ginagawa. Aniya, epektib para sa iba ang pag-e-ehersisyo o pagyo-yoga, pero may iba’t ibang paraan umano ang bawat tao para mahanap ang kanilang distraction.

Kung mapapansin natin, maraming aktibo ngayon sa social media dahil madalas, ito ang kanilang pampalipas-oras at minsan, ito naman ang ginagamit nilang paraan para maibahagi sa ibang tao ang kanilang nararamdaman.

Maraming netizens ang nagkukuwento kung gaano sila natatakot at paano nila ito nilalabanan sa araw-araw na pamumuhay.

May ilang naging aktibo sa pagsusulat sa kanilang journal, nakikipaglaro sa mga alagang hayop, nakikipag-bonding sa pamilya, nag-aaral mag-bake o magluto at meron ding nag-enroll sa mga online courses.

Well, sa totoo lang, lahat naman tayo ay natatakot, pero may kani-kanya tayong paraan para labanan ito at walang masama kung sisimulan natin ito sa maliliit na hakbang o ‘yung tinatawag na

“baby steps”.

Labis na anxiety, pangamba at pagkalungkot man ang nararanasan ng ilan sa atin, hindi ito dapat maging hadlang para lalo pang makilala ang ating sarili. Kaya naman ipinayo ng mga eksperto na maging totoo sa nararamdaman at talakayin ito kasama ang iba pang tao.

Kilalanin ang nararamdaman at humingi ng propesyunal na tulong kung kinakailangan.

Anuman ang nararamdaman natin, sabi nga, “It’s okay not to be okay,” at for sure, pansamantala

lang ito. Gamitin ang pagkakataong ito para magpakatatag para sa ating sarili at mga mahal sa buhay.

‘Ika nga, mahirap pagdaanan, pero lilipas din. Gets mo?

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page