Ano ang Sickness and Maternity Benefits Payment thru-the-Bank Program (SMB-PB)?

Buti na lang may SSS

  

  

Dear SSS,

Mayroon akong empleyado na nag-file ng SSS sickness benefit. Sabi sa akin ng branch ay dapat akong magbukas ng bank account para doon na ipapasok ang bayad sa SSS benefits ng aking mga empleyado. Gusto ko sanang itanong kung kailangan pa bang mag-open ako ng bank account para dito? Salamat po. – Alicia

 

Sagot

Mabuting araw, Alicia! Kinakailangan na mag-enroll ang isang employer na tulad mo sa Sickness and Maternity Benefits Payment thru-the-Bank Program (SMB-PB) dahil dito ide-deposito ng SSS ang kabayaran sa sickness at maternity reimbursement ng employer na binigay in advance sa mga empleyado.

 

Noon ay binabayaran ng SSS ang reimbursement ng employer para sa benepisyo sa pagkakasakit at panganganak sa pamamagitan ng tseke na ipinapadala sa employer sa pamamagitan ng koreo na kung minsan ay umaabot ng isang buwan o higit pa bago ito makarating sa kanilang mailing address. Sa layuning lalong mapabilis ang pagbabayad ng sickness at maternity reimbursement ng employer, nakipag-tie up ang SSS sa mga bangko para sa ang pagbabayad ng nasabing benepisyo ay sa pamamagitan na ng bank account ng mga employer.

 

Simula 2015, lahat ng employer ay kinakailangan na i-enroll ang kanilang savings o current account sa bagong sistema na ito upang masiguro na ang lahat ng kanyang advance payments sa dalawang benepisyo ay agad din niyang matatanggap. 

 

Upang mag-enroll sa sistemang ito, maaari mong i-download ang enrollment form sa SSS website o bisitahin ang pinakamalapit na sangay ng SSS o kumuha ng form mula sa isang SSS-accredited bank. Kinakailangan na ang nakapirma sa enrollment form ay itinalaga ng employer o ng board of directors ng kumpanya bilang awtorisadong pumipirma sa kanilang bank records. Ang itinalagang awtorisadong pumirma sa kumpanya ay dapat magpasa ng SSS Form-L501 o Specimen Signature Card na sinertipika ng kanyang employer. Ngunit kailangang tiyakin ng employer na ang pangalan ng kumpanya na nasa bank records ay pareho ng pangalan ng kumpanya na inirehistro nila sa SSS. Kung hindi tugma ang pangalan ng kumpanya, ibabalik ng bangko benefit reimbursement na magreresulta sa pagkaantala ng pagdedeposito ng reimbursement.

 

Matapos nito, ipapasa ng employer ang dalawang kopya ng form sa itinakdang SSS-accredited bank. Sesertipikahan ng bangko na tama ang mga impormasyon ukol sa bank account. Ipapasa ng bangko ang form sa SSS upang iproseso ito. Maaaring alamin ang status ng enrollment sa pamamagitan ng My.SSS. Kaya mahalaga na ang isang employer ay nakarehistro sa My.SSS na nasa SSS website.

 

Sa sandaling makumpleto ang proseso, ang lahat ng pagbabayad ng reimbursement ng employer para sa benepisyo sa pagkakasakit at panganganak ay sa pamamagitan na ng bank account ng employer. Kung mayroong anumang mga pagbabago sa impormasyon sa bank account o pagsasara ng bank account, dapat itong ipagbigay-alam ng employer sa SSS sa lalong madaling panahon upang maiwasan ang pagkaantala sa pagproseso ng mga pagbabayad ng mga benepisyo.

 

Samantala, ang mga self-employed, voluntary at OFW na miyembro na wala pang savings o current account ay bibigyan naman ng letter of introduction form na kailangang ipasa sa anumang accredited banks upang makapagbukas ng kanilang savings account o 'di kaya’y cash card account. Maaari rin namang  gamitin ng mga miyembro ang kanilang Unified Multi-Purpose Identification cards (UMID) bilang ATM cards. Kinakailangan lamang i-enroll nila ito sa mga piling sangay ng SSS na may Union Bank kiosks.

Kung mayroon man kayong mga katanungan tungkol sa SSS o mayroon kayong topic na nais matalakay sa kolum na ito, maaari ninyo kaming i-email sa mediaaffairs@sss.gov.ph.

Tags:

Share on Facebook
Share on Twitter
Please reload

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

TOP STORIES

Please reload

.                                                                                      .                                                                                      .

Bulgar Big Logo.jpg

Bulgar Online.

Call us : (02) 995-3732

© 2019 bulgaronline

Sison's Publishing House, Inc. 

  • hamburger icon blgr