Sa pagharap natin sa new normal at digital careers, posibleng umarangkada!

May 23, 2020

Sonny Angara / Agarang Solusyon

  

Sa loob ng halos tatlong buwang pamamalagi sa kani-kanyang tahanan dahil sa lockdown, marami sa atin ang naka-‘work from home’. Ito ay para magtuluy-tuloy pa rin ang operasyon ng ating mga tanggapan.

 

Sa kasalukuyan, nakikita natin na kahit bawiin na ang lockdown, mas darami na ang mga magpapatupad ng sistemang work from home habang hinihintay nating malikha ang bakuna kontra COVID-19.

 

Nabatid din nating ang ilang negosyo, para lamang makabawi sa pagkalugi dahil sa lockdown ay minabuting mag-adjust sa operasyon ng kanilang tanggapan. Pero ang masakit, kinailangan nilang magbawas ng empleyado.

 

Unti-unti ay nakikita nating dahil sa pandemyang dulot ng COVID-19, umaalagwa ang tinatawag na “gig economy”.

 

Ano ang gig economy? Ito ay tungkol sa ipinatutupad ng mga kumpanya na mag-hire ng independent contractors o mga freelancer. Ang serbisyo ng mga ito ay project-based lamang. Hindi permanente, maaaring sa bahay lang magtrabaho, walang boss, pero kailangan niyang matapos sa takdang panahon ang kanyang proyekto dahil dito ibabase ang kanyang suweldo. At dahil ganito ang new normal natin, posibleng umangat ang sistemang ito at tiyak na darami ang magkaka-interes.

 

At dahil d’yan, isinusulong natin ngayon sa Senado ang isang panukalang-batas—ang Senate Bill 1469 o ang National Digital Careers Act. Ito ang nakikita nating paraan upang maihanda natin ang ating mga kababayan sa gig economy, mahulma ang kanilang galing at para maisulong at mapalakas ang digital careers.

 

Sa kasalukuyan, marami na ring umiiral na freelance jobs sa bansa. Nariyan ang Transportation Network Vehicle Service (TNVS) system, food delivery, courier services o maging ang home sharing.

 

Sa katunayan, noong 2019, pang-anim tayo sa mga bansa sa buong mundo na may pinakamataas na porsiyento ng freelancers.

 

Para sa kaalaman ng ating mga kababayan na interesado sa freelance jobs, maganda ang suwelduhan d’yan. Liban sa puwedeng sa bahay lang tayo magtrabaho, hawak natin ang oras natin, wala pa tayong boss na palaging nakatutok sa ginagawa natin. Kaya kung kuwalipikado tayo ay maaari tayong sumubok.

 

Ang ganitong sistema, kapwa paborable sa freelance employee at sa employer. Unang-una, mas makatitipid ang mga employer kung magha-hire sila ng freelancers. Pangalawa, kapag marami silang ma-hire na freelancers, mas marami rin silang maaasahan sa iba’t ibang proyekto, base sa kakayanan ng mga ito.

 

Ilan sa mga halimbawa ng namamayagpag na digital jobs sa ngayon, ang web development and designing; online teaching and tutoring; content creation; digital marketing, mobile app development; transcription and data entry jobs article and blog writing at marami pang iba.

May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa  AGARANG SOLUSYON ni Sonny Angara, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa agarangsolusyon.bulgar@gmail.com

Share on Facebook
Share on Twitter
Please reload

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

TOP STORIES

Please reload

.                                                                                      .                                                                                      .

Bulgar Big Logo.jpg

Bulgar Online.

Call us : (02) 995-3732

© 2019 bulgaronline

Sison's Publishing House, Inc. 

  • hamburger icon blgr