SEAG medalists nahasa sa lockdown training sa ULTRA

May 23, 2020

 

Naging bentahe para kay 2019 Southeast Asian Games bronze medalist Noelito Jose  ang pananatili sa loob ng Philsports Complex dormitory mula nang abutan siya roon ng Enhance Community Quarantine (ECQ) ng buong Luzon; para pagbutihan at hasain pa ang angking galing kasama ang foreign coaches na hindi na rin nakauwi sa kanilang bansa.

 

Kahit napalayo sa pamilya dahil sa desisyong samahan ang dalawang Korean coaches sapol ng ideklara ang ECQ bunsod ng pananalasa ng coronavirus disease (COVID-19) pandemic, kuntento pa rin ang men’s epee member dahil nakakuha ito ng pagkakataon na matutunan ang kaalaman at technique sa pananatili sa dormitoryo kasama ang isa pang team mate na si Hannie Abella ng women’s epee.

 

“Bago kasi mag-quarantine pinapili kami kung uuwi kami bago mag-lockdown, pero sabi naming dalawa ng team mate ko na mag-stay kami kasi walang kasama iyong korean coach namin, habang iyong 4 sana na mag-qualifying umuwi na,” pahayag ni Jose sa panayam ng BULGAR sa online interview. “Naisip din namin na hindi kami makakapagtraining ng maayos sa bahay namin unlike kapag nagstay kami dito sa ULTRA dahil matututukan kami ng coaches namin,” dagdag ng 23-anyos na tubong Valenzuela City.

 

Nanindigan ang dalawang national fencers na magkawang-gawang samahan ang kanilang mga foreign coaches na sina Park Sang Sun at Kim Seung Jun, matapos maunsyami ang nakatakda sanang qualifying tournament para sa Tokyo Olympics kasama sina Nathaniel Perez, Christian Jhester Concepcion, Jylyn Nicanor at Samantha Catantan noong Abril 15-16 sa South Korea.

 

“Everyday po ang training namin except Sunday, kaso sa hallway lang po ng dorm dahil bawal po ipagamit ang oval, gym at fencing hall,” pahayag ng University of Santo Tomas graduate.

 

Hindi man sila nagkikita ng kanyang mga magulang, ay nagpapa-abot na lamang ito ng kanyang pagtulong sa mga ito sa pamamagitan ng pagpadala ng kanyang allowances.

 

“Iyong allowance ko po sa national team ang source of income ko lang po ngayon dahil hindi po ako nakapagwork ngayon para po mag-full time athlete in preparation for qualifying po sana,” eksplika ng UAAP Season 80 Athlete of the Year awardee.  

 

Kasalukuyang may 28 atleta, 4 na Filipino at 2 Korean coaches mula sa Fencing, Boxing, Athletics, at 6 pang sports ang ginagabayan ngayon sa Philsports sa pangangalaga ng dormitory manager na si Roselle Destura, habang pinangangasiwaan ni Acting Executive Director Merlita Ibay ang aktibidades ng kalinisan sa Philsports arena.

Share on Facebook
Share on Twitter
Please reload

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

TOP STORIES

Please reload

.                                                                                      .                                                                                      .

Bulgar Big Logo.jpg

Bulgar Online.

Call us : (02) 995-3732

© 2019 bulgaronline

Sison's Publishing House, Inc. 

  • hamburger icon blgr