Istayl ng mga manyak na pulis sa checkpoint, buking; mga sangkot, dapat turuan ng leksiyon!

May 23, 2020

Ryan B. Sison / Boses

   

Naging mahigpit ang pagpapatupad ng kapulisan sa mga quarantine protocols, partikular ang pagkontrol sa mga lumalabas at pumapasok sa bawat checkpoints kung saan hindi nila pinapayagang makalampas sa checkpoint ang mga walang quarantine pass at I.D.

 

Kadalasan, ito ang pinagmumulan ng sagutan at sakitan sa pagitan ng mamamayan at kapulisan, pero paano kung ito rin ang maging dahilan para magkaroon ng seksuwal na pang-aabuso sa kababaihan?

 

Kaugnay nito, hinihikayat ng Philippine National Police (PNP) ang mga umano’y biktima ng pang-aabuso ng ilang pulis na magsampa ng reklamo.

 

Ayon kay PNP Chief Gen. Archie Francisco Gamboa, may mga alegasyon hinggil sa ilang pulis na nang-aabuso ng kababaihan sa quarantine checkpoints.

 

Ito ay kasunod ng mga ulat na may mga pulis na sangkot sa “sex for pass” o may mga nagbibigay ng serbisyong seksuwal para makalusot sa mga quarantine checkpoints.

 

Sineseryoso umano ng pamunuan ng PNP ang mga alegasyon hinggil sa pisikal at seksuwal na pang-aabuso, gayundin, tiniyak nito na aaaksiyunan ang sinumang pulis na sangkot sa mga ito.

 

Habang hinihikayat ang mga biktima na magreklamo, panawagan natin na sana ay maaksiyunan talaga ang mga ito nang ‘di tularan ng iba pang pulis.

 

Kaya para sa mga sangkot sa kalokohang ito, humanda na kayo! Nar’yan kayo sa mga checkpoint para magtrabaho at hindi para manamantala. ‘Di porke naka-uniporme kayo ay puwede n’yo nang gawin ang lahat ng gusto ninyo.

 

Nakakahiya naman sa mga kabaro ninyong nagbubuwis ng buhay bilang frontliners at nadadamay dahil sa pagkakamali ninyo.

 

Sana ay magsilbing paalala ito na obligasyon ng kapulisan na protektahan ang mamamayan laban sa anumang uri ng karahasan o pang-aabuso kaya dapat nang matuldukan ito.

 

Sa lahat ng nakaranas ng anumang klase ng pang-aabuso, ‘wag kayong matakot magreklamo dahil may mga tao pa ring handang magprotekta sa inyo.

 

Habang kinakaharap ang pandemya, maging daan tayo para protektahan ang bawat isa dahil virus pa rin ang kalaban natin dito at hindi ang kapwa natin.

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com.

Share on Facebook
Share on Twitter
Please reload

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

TOP STORIES

Please reload

.                                                                                      .                                                                                      .

Bulgar Big Logo.jpg

Bulgar Online.

Call us : (02) 995-3732

© 2019 bulgaronline

Sison's Publishing House, Inc. 

  • hamburger icon blgr