top of page
Search
  • Ryan B. Sison

Seguridad ng health workers, pinasisiguro sa PNP


Boses ni Ryan B. Sison

Hindi pa rin nauubos ang mga walang puso nating kababayan sa gitna ng Coronavirus Disease 2019 (COVID-19) pandemic dahil patuloy pa rin ang nararanasang diskriminasyon at karahasan sa mga health workers at iba pang frontliners.

Kaugnay nito, ipinag-utos ng Department of Interior and Local Government (DILG) sa Philippine National Police (PNP) na siguraduhin ang seguridad ng healthcare workers na nagsisilbing frontliners laban sa banta ng COVID-19.

Ito ay matapos barilin ang drayber ng ambulansiya sa Quezon, kamakailan, dahil sa pag-aakalang infected ng COVID-19 ang mga pasahero nito kahit mga health workers ang kanyang inihahatid.

Ayon kay DILG Secretary Eduardo Año, dapat tutukan ng PNP ang mga ospital at klinika, gayundin, dapat dagdagan ang police visibility sa lahat ng komunidad para matiyak ang kaligtasan at kapakanan ng mga frontliners sa bansa.

Samantala, inutusan ng kalihim ang mga LGUs na maglabas ng beripikadong impormasyon tungkol sa COVID-19 para maiwasan ang kalituhan at karahasan sa publiko.

Magsilbi sana itong babala sa mga bayolente at tamang hinala riyan na mag-isip kayong mabuti bago kayo kumilos.

Health worker man o hindi, maging mabuti tayo sa isa’t isa.

Paano kung takot o trauma ang maging sanhi ng pagkaubos ng health workers natin ngayon at hindi virus? Kapag naubos sila, paano ang mga maysakit?

‘Wag ninyong hintaying maubos ang pasensiya nila sa mga tulad ninyo bago kayo matauhan.

Hindi biro ang pagod at sakripisyo na ginagawa nila araw-araw para sa bayan kaya panawagan sa lahat, protektahan natin ang isa’t isa.

 

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com.

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page