top of page
Search
  • Persida Acosta

Gustong malaman kung sino ang may obligasyon sa repairs sa bahay

Dear Chief Acosta,

Dumoble ang singil sa amin ng tubig. Napag-alaman kong may tumutulo sa aming tubo at sinabihan kami ng maniningil na ipagawa ito. Nangungupahan lamang kami at sinabihan na namin ang may-ari ng bahay pero ipinagsawalang-bahala lamang nila ito hanggang sa umabot na sa ₱ 50,000 ang aming bill. Ngayon sinisingil ako ng aming inuupahan sa kalahati ng nasabing halaga kahit wala naman akong pagkukulang. Ano ba ang obligasyon ng tagapagpaupa sa ganitong sitwasyon? - Leo

Dear Leo,

Para sa inyong kaalaman, ayon sa Article 1654 ng New Civil Code of the Philippines, obligasyon ng lessor o nagpapaupa na:

“Art. 1654. The lessor is obliged:

xxx xxx xxx

(2) To make on the same during the lease all the necessary repairs in order to keep it suitable for the use to which it has been devoted, unless there is stipulation to the contrary.” (Binigyang-diin)

Dagdag pa rito, sa Article 1663 ng parehas na batas, binigyang-diin naman ang obligasyon ng lessee o nangungupahan sa pagsasabi sa lessor ng mga kinakailangang repairs:

“Art. 1663. The lessee is obliged to bring to the knowledge of the proprietor, within the shortest possible time, every usurpation or untoward act which any third person may have committed or may be openly preparing to carry out upon the thing leased.

He is also obliged to advise the owner, with the same urgency, of the need of all repairs included in No. 2 of Article 1654.

In both cases the lessee shall be liable for the damages which, through his negligence, may be suffered by the proprietor.

If the lessor fails to make urgent repairs, the lessee, in order to avoid an imminent danger, may order the repairs at the lessor's cost.” (Binigyang-diin)

Maliwanag sa mga nabanggit na artikulo ng batas na sa mga kinakailangang ayusin, obligasyon ng lessor o nagpapaupa na gawin ito at ang tanging obligasyon ng lessee o nangungupahan ay agad na ipaalam sa lessor ang pangangailangang ito. Kung walang gagawin ang lessor hinggil sa mga kinakailangang gawin, maaaring ipagawa ito ng lessee kung saan ang pagbabayad o pananagutan sa gastusin ay maipapataw sa lessor.

Samakatwid, pananagutan ng may-ari ng bahay o ng inyong inuupahan ang sanhi ng kanyang kapabayaan. Bagkus, kung hindi niya inaksiyunan ang pagpapagawa, maaari sanang ipinagawa ninyo ito at ang pagbabayad ay maaatas sa kanya. Ang hindi rin niya pagtupad sa kanyang obligasyon bilang tagapagpaupa ay maaari ring magsanhi ng pagputol ng inyong kontrata sa kanya at/o pagkakaroon ng pananagutan sa pagbabayad ng kaukulang danyos tungkol sa pinsala o paghihirap na inyong natamo dahil dito.

Nawa ay nasagot namin ang inyong mga katanungan. Nais naming ipaalala sa inyo na ang opinyon na ito ay nakabase sa inyong mga naisalaysay sa inyong liham at sa pagkakaintindi namin dito. Maaaring maiba ang opinyon kung mayroong karagdagang impormasyon na ibibigay. Mas mainam kung personal kayong sasangguni sa isang abogado.

Maraming salamat sa inyong patuloy na pagtitiwala.

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page