P5K-P8K tulong, hindi lahat makakatanggap — DSWD

April 5, 2020

Nagpaliwanag ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) patungkol sa kung anong mga sektor sa lipunan ang mabibigyan ng tig-P5,000 hanggang P8,000 cash subsidy sa ilalim ng Bayanihan to Heal As One Law.

 

Ayon kay Director Irene Dumao, tagapagsalita ng DSWD, kabilang sa mga makikinabang sa social amelioration program ay ang mga nasa informal sector o mahihirap na pamilyang nawalan ng pagkakakitaan sa panahon na umiiral ang enhanced community quarantine sa Luzon.

 

Kabilang sa mga benepisaryo ay ang mga senior citizen; mga may kapansanan; mga buntis at nagpapasuso; mga solong magulang; mga Overseas Filipinos in Distress; mga maralitang katutubo; mga kapuspalad at mga walang tirahan; mga impormal na manggagawa; manggagawa sa tahanan; mga kasambahay; mga drayber ng pedicab, traysikel, jeep, UV, bus, taxi, transport network vehicle service at transport network companies; micro-entrepreneurs at producers; mga may-ari ng mga tindahang sari-sari; mga may-ari ng negosyo ng pamilya; mga magsasaka, mangingisda, at manggagawang bukid; at mga empleyadong apektado ng "no work, no pay" policy.

 

Ang halaga ng subsidiya ay nakadepende aniya sa umiiral na minimum wage sa rehiyon na kinaroroonan ng benepisaryo.

 

Nilinaw ni Dumlao na ang pamilyang may maliit na kinikita na kabilang sa informal sector ang sakop ng subsidiya at hindi ang indibidwal. Ang ibig sabihin, ang mga indibidwal na sakop ng "no work, no pay" policy tulad ng gym instructor, dance instructor at katulad nito ay hindi kasama sa beneficiaries.

 

Ang isang pamilya na may miyembro na may kapansanan ay kuwalipikado sa subsidiya kung sila ay nabibilang sa informal sector.

 

Ang pamilya naman na may miyembrong nagtatrabaho sa gobyerno kahit pa ang head of the family ay isang informal sector worker ay hindi kasama sa cash subsidy.

 

Makakasali lang ang senior citizen sa emergency cash grants kung nabibilang sa mahirap na pamilya. Kung may kaya ang mga anak ng senior citizen, hindi rin siya kuwalipikado sa tulong pinansyal.

 

Samantala, sinabi ni Dumlao na nagsimula na ang distribusyon nito ng emergency cash subsidy sa mga benepisaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) na may hawak nang cash card.

 

"Nag-umpisa noong April 3 ang pagdeposito nu'ng emergency subsidy for the beneficiaries in Regions I, II, III, Calabarzon and NCR, and CAR, and BARMM," ani Dumlao.

 

"Nito namang Sabado, Regions IV-B, V, VI, VII, and IX. And then the remaining regions naman, ngayon nila matatanggap 'yung kanilang mga emergency subsidy. This is for 4Ps beneficiaries," dagdag nito.

 

Pero nilinaw nito na hindi buong matatanggap ng 4Ps beneficiaries ang emergency cash subsidy kundi daragdagan lamang ang kanilang natanggap sa ilalim ng conditional cash transfer program.

 

"Ang naging batayan natin sa pag-compute nu'ng tatanggaping karagdagang subsidiya ng ating mga 4Ps beneficiaries ay 'yung tinatanggap nila na grant para sa buwan ng April and May. Sa buwan ng April, ang ating mga beneficiaries ay tatanggap ng P750 for health and nutrition and rice subsidy na P600. So 'yun 'yung kanilang regular na cash grant para sa buwan ng Abril. So that is P1,350," paliwanag nito.

 

"Ngayon ang halaga ng emergency subsidy for residents of NCR ay P8,000. So makakatanggap ang isang 4Ps beneficiary ng karagdagang P6,750 para umabot sila doon sa maximum subsidy na P8,000," ayon pa kay Dumalo.

 

Hindi na rin kailangang sumulat sa social amelioration card form ang 4Ps beneficiaries dahil kasama na sila sa listahan ng may 18 milyong pamilya na makikinabang sa financial assistance ng gobyerno.

 

"Nililinaw natin na hindi lahat ay mapapasa o makakatanggap ng social amelioration card form. Unang-una, kung ikaw ay 4Ps beneficiary, hindi ka na dapat bigyan ng social amelioration card form dahil identified na kayo," ani Dumlao.

Share on Facebook
Share on Twitter
Please reload

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

TOP STORIES

Please reload

.                                                                                      .                                                                                      .

Bulgar Big Logo.jpg

Bulgar Online.

Call us : (02) 995-3732

© 2019 bulgaronline

Sison's Publishing House, Inc. 

  • hamburger icon blgr