top of page
Search
  • Maeng Santos

Sa gitna ng ECQ... Lola, 9 pa arestado sa droga


Sampung hinihinalang drug personalities kabilang ang 62-anyos na lola ang arestado sa gitna ng ipinatutupad na enhanced community quarantine sa magkahiwalay na lugar sa Caloocan at Navotas Cities.

Ayon kay Caloocan Police Chief P/Col. Dario Menor, alas-10:20 ng Huwebes ng gabi, nagsasagawa ng checkpoint ang mga pulis sa pangunguna ni PLt. Mario Solangon, Jr. sa Phase 4, Langit Road, Bgy. 176, Bagong Silang, nang parahin nila ang motorsiklo (BO 51107) na minamaneho ni Edward Allen Mang, 31, at angkas nito si Francisco Layco, Jr., 27, kapwa ng Bagong Silang, dahil walang suot na helmet.

Sa halip na huminto, humarurot ang mga suspek kaya hinabol sila nina PCpl. Xyron Pacumbala at PCpl. Junnel Dingalan at nang maaresto ay narekober sa mga ito ang dalawang sachets ng shabu na tinatayang nasa P39,440 ang halaga.

Timbog din ng mga tauhan ng PCP-7 sina Enrico Ramos, 36; Jessie Morales, 49, at Richard Bognot, 45, matapos makuhanan ng 1.17 gramo ng hinihinalang shabu na tinatayang nasa P7,956 ang halaga sa Teremas, Bgy. 156, Caloocan City, alas-11:00 ng Huwebes din ng gabi.

Nauna rito, nasakote rin ng mga tauhan ng PCP-7 sa ilalim ng pangangasiwa ni P/Capt. Brian Ramirez, sa kahabaan ng Libis Baesa, Bgy. 160, alas-10:30 ng gabi sina Emilio Dispo, 32; Ronnie Asuncion, 49, at Jun Apostol, 35, nang maispatan na nag-aabutan ng ilegal na droga.

Nakumpiska sa mga suspek ang tatlong sachets ng hinihinalang shabu.

Sa Navotas City, naaresto naman ng mga operatiba ng Navotas Police SDEU Team na nagsasagawa ng covert patrol at validation hinggil sa napaulat na illegal drug activities sa kahabaan ng Daanghari St., Bgy. Daanghari, alas-10:45 ng Huwebes ng gabi sina Bernardino Jocson alyas Enad, 43, at ang lola na si Perlita Francisco alyas Perla, listed/user.

Narekober sa mga suspek ang apat na sachets na naglalaman ng 8.6 gramo ng hinihinalang shabu na tinatayang nasa P58,480 ang halaga.

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page