top of page
Search
  • Ryan B. Sison

Relief packs, siguraduhing naipamimigay nang tama


Boses ni Ryan B. Sison

Mula nang nagsimulang magpamigay ng relief packs ang mga lokal na pamahalaan sa kanilang nasasakupan dahil sa enhanced community quarantine, iba’t ibang reaksiyon ang ipinahayag ng mga residente.

Merong masaya dahil sapat ito para sa kanilang pamilya, may mga kumakalam pa rin ang sikmura dahil hindi naaabot ng ayuda at meron namang mga dismayado dahil tila malayo sa ipinangako ng lokal na pamahalaan ang kanilang natanggap.

Noong mga nakaraang araw, naging laman ng social media ang reklamo ng mamamayan hinggil sa diumano’y iba-ibang laman ng relief packs sa iisang lungsod.

Ipinagkumpara ng netizens ang sample na laman ng bawat relief pack na ipinost sa Facebook page ng lokal na pamahalaan sa natanggap ng marami.

Base post ng lokal na pamahalaan, ang isang relief pack ay naglalaman ng 4 kilos ng bigas, 7 de-lata, noodles (5 noodles/1 pack macaroni/1 pack bihon), 10 sachets 3-in-1 coffee at 1 pack cupcake.

Ngunit base sa mga post na nakikita natin sa socmed, hindi maitago ang pagkadismaya ng marami dahil hindi aabot sa kalahati ng inaasahang matatanggap ang laman ng kanilang relief pack. ‘Ika nga, expectation vs. reality.

May mga nakakuha ng 2 kilos ng bigas, 2 de-lata at 2 noodles habang sa iba naman, kumpleto ang laman ng relief packs.

Bakit may mga ganitong nangyayari? Nasa iisang lungsod lang naman ang mga residenteng ito, pero bakit malayo sa ipinangako ang natatanggap nila?

Ang masaklap pa, kung sino ang mga taga-subdivision at may kakayahang bumili ng pagkain, sila pa ang mas maraming natatanggap at inuuna.

Nakakahiya naman sa mga nawalan ng trabaho at umaasa lang sa tulong ng gobyerno.

Oo, tungkulin ninyong tumulong sa lahat ng inyong residente, pero sana, maging patas kayo at ‘wag dagdag-bawas. Kung ano ang ipinangako ninyo, ‘yun ang ibigay niyo.

‘Wag din puro pangako dahil hindi ‘yun nakakabusog. Galaw-galaw din!

At habang abala kayo sa paniniguradong may matatanggap ang mga residente ninyo, mabantayan niyo rin sana ang distribusyon— kung natatanggap ang mga ito nang buo at walang nalalamangan.

Marami pa ring nagugutom at lalo itong darami kung pababayaan niyo na may malamangan.

 

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com.

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page