top of page
Search
  • Mylene Alfonso​

Utos ni P-Duterte sa PNP: Health workers, protektahan laban sa mga abusado at bastos


Nagbanta si Pangulong Rodrigo Duterte na ipaaaresto ang sinumang mang-aalipusta sa mga healthcare workers sa halip na protektahan kasunod ng outbreak ng Coronavirus Disease 2019.

Ayon kay Pangulong Duterte, inatasan na niya ang hanay ng Philippine National Police na damputin ang mga ito makaraang makatanggap ng sumbong kaugnay nito.

"Ito namang isa, itong mga trabahante, mga doktor, mga nurse, health workers, attendants and all, eh, hindi makauwi ng bahay, tinatapunan n'yo ng kung anu-anong mga chemicals na nakakasira ng katawan. Mas una silang mamatay kay ‘yung sa pasyente doon sa COVID," sabi ni Duterte sa kanyang televised address.

"‘Yung mga tao na gumagawa ng ganu'n, I am ordering the police to go around. Huwag kayong mag-istambay d'yan sa istasyon. Maglakad kayo, tandem, at maghanap kayo ng mga taong bastos. At kung mahuli mo, kung ano ‘yung binubuhos niya doon sa health worker o sa doktor, ibuhos mo rin sa kanya para tabla," ani Duterte.

"Eh bakit? Ikaw lang ba ang marunong? ‘Di tikman mo rin ‘yung ginagawa mo and see if it would make you happy," dugtong pa ng Pangulo.

Ipinunto ni Duterte na dapat ang naturang mga frontliner ang unang pinoprotektahan dahil sila ang tutulong sa mga may sakit na COVID-19.

"Ulitin ko: Do not. ‘Yung mga doktor, p***** i** pagpunta mo doon sa ospital, ‘yon ‘yung doktor na binuhusan mo, ‘yon ‘yung maggagamot sa iyo sa loob ng hospital," ayon pa kay Duterte.

"Yung mga frontliners, huwag kayong mag-alala. I will support and defend you," pagtitiyak pa ng Chief Executive.

Una nang kinondena ng Department of Health (DOH) ang ginagawang harassment at diskriminasyon sa mga healthcare workers.

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page