top of page
Search
  • BULGAR

Tulong ang pipigil sa karahasan

Samu’t sari ang reaksiyon ng taumbayan kaugnay sa mga naging pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte sa kanyang talumpati nitong Miyerkules ng gabi.

Ito ay kasunod ng babala ng Pangulo na may kalalagyan ang sinumang manggugulo habang abala ang bansa sa paglaban sa krisis na dulot ng Coronavirus Disease 2019 (COVID-19).

Inatasan niya ang mga awtoridad na arestuhin ang mga maghahasik ng kaguluhan, ngunit kapag lumaban at nalagay sa alanganin ang buhay ng mga tagapagpatupad ng batas ay barilin na lamang ang mga lumalabag.

Matatandaang, kamakailan ay nasa 20 katao na nagsagawa ng kilos-protesta ang dinakip matapos ang nangyaring kaguluhan sa pagitan nila at ng mga kapulisan sa Quezon City.

Sa totoo lang, masisi ba natin ang mga tao kung maging desperado ang mga ito?

Aniya sa publiko, kailangang maging mapagpasensiya at hintaying dumating ang tulong ng gobyerno. Pero hanggang kailan dapat maghintay?

Sabihin man na matigas ang kanilang ulo, tama ba na takutin sila ng bala at kamatayan gayung kaya lamang sila nagsisilabasan sa kani-kanyang lungga ay dahil nasasagad ang gutom?

Hanggang ngayon marami pa rin ang hindi inaabot ng tulong mula sa gobyerno, may mga residente na napipilitan na ring mamalimos.

Kaya mula sa mga pahayag ng Pangulo kagabi, tayo ay umaasa na hindi na mauulit ang mga tagpong pagpalag at pamamalimos dahil tiniyak na darating ang tulong at walang magugutom.

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page