top of page
Search
  • Nitz Miralles

Angel, todo-tanggol kay Mayor Vico, Sen. Koko, pinagre-resign

Nitz Miralles / Bida

Netizens, nagalit kay Marian dahil sa N95 mask

Nagluto ang mga celebrities para makatulong sa mga frontliners katulad ni Judy Ann Santos na gumawa ng specialty niyang Angry Adobo. Si KC Concepcion naman, nagluto ng chicken and pork adobo para sa Veteran’s Memorial Medical Center at Perpetual Help Medical Center sa Las Piñas at si Marian Rivera, nagluto ng menudo para pa rin sa mga frontliners.

Ipinost ni Marian ang video ng pagluluto niya ng menudo, maging ang paglalagay sa box, pagtakal ng kanin at pagsulat ng isinama niyang personal note.

Tinulungan siya ni Dingdong Dantes sa paghahanda ng mga food packs at ang mister din niya ang naglagay ng tape sa bawat box.

Post ni Marian, “Menudo ni Nanay Ingkang. Kitchen duties for our dear frontliners at the Quezon City General Hospital today who are sacrificing so much for us. Tonight’s meal for them is our family’s specialty — Menudo — a recipe that’s been passed on by my Nanay. Stay safe everyone!”

May nag-comment na may special touch 'yung food from Marian dahil personal na iniluto for the frontliners.

May pumuna rin sa suot na N95 mask ni Marian, hindi raw siya makakapagluto nang maayos dahil sa pagsusuot nito. Kaya raw marami ang nagho-hoard ng N95 mask dahil pati ang mga artista ay gumagamit nito.

Ipinagtanggol naman si Marian ng mga fans niya, hindi raw matatawag na hoarding kung one piece lang ng N95 mask ang ginamit nila.

Nagkawanggawa na raw si Marian, mask pa ang napansin.

***

ANGEL, TODO-TANGGOL KAY MAYOR VICO, SEN. KOKO, PINAGRE-RESIGN

Nag-trending nationwide at worldwide ang hashtag na #ProtectVico kung saan, sinuportahan ng mga netizens at taga-showbiz si Pasig City Mayor Vico Sotto matapos siyang ipatawag ng National Bureau of Investigation Anti-Graft Division para magpaliwanag sa violation daw niya sa Bayanihan to Heal as One Act (e.g. continuous tricycle operation).

Kasabay nito ay nag-trending din ang #Vico at #MayorVico.

Nauna nang nag-react si Angel Locsin at sinabing, “Hindi ako nagmamarunong sa batas, pero sa opinyon ko, si Koko ang dapat ipatawag at hindi si Vico.”

Sa update na iimbitahan din si Sen. Koko Pimentel para pagpaliwanagin after his quarantine, sabi ni Angel, “So, alam n'yo na hindi s'ya puwedeng lumabas kasi quarantine s'ya. Bakit wala pang kaso? Worst, bakit hindi pa siya nagre-resign???”

Sabi ni Angelica Panganiban, “Wala silang mapag-initan. Si Mayor Vico talaga?

Kung sino pa ang may naitutulong at maayos na sistema, siya pa ang kakasuhan? HANEP! Eh, nasaan na 'yung nagkalat ng virus sa Makati Med? So far kasi, 'yun pa lang ang nagagawa niya. Ikalat ang virus. Mapapamura ka na lang pala talaga.”

Sey naman ni Kim Chiu, “Like what????!!! 'Yoko na!!! Ang hirap sa PH govt., 'pag gumawa ka ng mabuti sa kapwa, mas nakakataas ang makakabangga mo, 'pag gumawa ka ng hindi mabuti, kaming mga netizens lang ang kalaban mo at ang nakakataas ay (emojis na nakakandado ang bibig).”

Sabi naman ni Bela Padilla, “Sayang. May taong tumayo na at gumalaw para sa mga tao. Pinapaupo ulit. #protectvicosotto.”

Ayon naman kay Janine Gutierrez, “Busy po siya. Bakit hindi na lang si Senator Koko Pimentel ang ipatawag ninyo? Or 'yung isang mayor, marami raw po kasi ang naghahanap sa kanya.”

Hirit naman ni Maris Racal, “Positive na sukang-suka na sa government. Good people are outnumbered.”

Sey naman ni Paolo Valenciano, “NBI… where is your compassion? #ProtectVico.”

Pati rin ang mga lawyers at senators ay idinepensa si Vico gaya ni Sen. Kiko Pangilinan na nagsabing wala pang nilabag na batas ang Pasig City mayor dahil bago mag-March 18, nagpaalam siya kung puwedeng gumamit ang naturang lungsod ng mga tricycles at ang Bayanihan to Heal as One Act ay ipinasa noong March 24.

Maging sina Senators Joel Villanueva at Rissa Hontiveros at Senate Majority Floor Leader Tito Sotto ay idinepensa rin si Vico.

Ang latest, itinanggi ni DOJ Secretary Menardo Guevarra na may kinalaman ang DOJ sa summons na ipinadala kay Vico na may pirma ng NBI Deputy Director for Investigation Services.

***

SANYA, FEEL NA FEEL ANG PAGIGING MAGDALENA

Sa Lenten Special ng GMA Network na Jesus: His Life, si Sanya Lopez ang nagboses sa karakter ni Mary Magdalene na isang disipulo ni Hesus at nakasaksi ng pagkamatay at muling pagkabuhay ng Panginoon.

Hindi napigilan ng Kapuso actress na madala sa kanyang mga eksena kahit boses lang niya ang ginamit.

“Every time na may ginagawa akong iyakan na eksena, nadadala ako sa kanila kaya naiiyak din ako. Nagtanong ako kung okay lang na madala sa mga eksena, okay lang daw at mas maganda para mas maging makatotohanan ang kalalabasan ng boses ko,” kuwento ni Sanya.

Isang karangalan kay Sanya na mapabilang sa Lenten Special ng Kapuso Network this year dahil panata nila ito ng kuya niyang si Jak Roberto. Dagdag pa ni Sanya, mataas ang respeto niya sa mga dubbers dahil hindi biro ang kanilang trabaho na magboses at umarte nang sabay.

“'Di basta-basta magsasalita ka lang, kailangan, may nararamdaman ka rin kahit hindi ka nakikita,” ani Sanya.

Mapapanood ang Jesus: His Life sa Black Saturday, 3 PM kung saan kasama ni Sanya ang iba pang Kapuso stars na magboboses ng mga karakter sa Bible.

Speaking of Sanya, siya ang kasama ni Sen. Bong Revilla, Jr. sa Agimat ng Agila.

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page