top of page
Search
  • Gerard Arce

Olympic Boxer tuloy ang ensayo kahit naka-quarantine


Kahit nasa community enhanced quarantine ang bansa, patuloy pa rin sa pagpapatibay ng katawan at pagpapalakas si 2020 Tokyo Olympics-bound Irish Magno upang maging handa sa pagbubukas ng kanilang training.

Kasalukuyang naka-home quarantine ang 28-anyos na lady boxer sa pangalawang tahanan nito sa Baguio City matapos hindi makauwi sa Janiuay, Iloilo dahil sa mga cancelled flights.

“Hindi po ako nakauwi kasi na-cancel po flight ko going to Iloilo. Naka-home quarantine po ako ngayon dito sa Baguio,” wika ng Bachelor of Science in Criminology sa University of Baguio sa panayam ng Bulgar sa social media. “Pero habang naka-quarantine po need pa rin mag-training kahit papawis lang sa labas ng bahay,” dagdag nito.

Matagumpay na nakakuha ng ticket patungong Summer Games ang 2019 Southeast Asian Games silver medalist sa pamamagitan ng pagkapanalo laban kay Sumaiya Qosimova ng Tajikistan sa bisa ng 30-24, 30-24, 30-24, 30-25, 30-25 unanimous decision sa women’s under-51kgs category box-off sa nakalipas na Asia-Oceania Boxing Qualification Tournament sa Prince Hamzah Sports Hall sa Amman, Jordan. Si Magno ang kauna-unahang babaeng nagkwalipika sa larangan ng boxing sa Olympiad para sa Pilipinas. Ang world featherweight champion na si Nesthy Petecio ay nasilat sa quarterfinal round ng kanyang dibisyon, habang hindi pinalad si Riza Pasuit na makapasok sa top 4 boxers.

Makakasama ni Magno si 2019 World silver medal winner Eumir Felix Marcial, na nagawa namang magkampeon sa men’s under-75kgs, patungong Olympic Games na nakatakdang magbukas simula Hulyo 24-Agosto 9 sa Tokyo, Japan sa 2021.

Kabilang sila sa apat na pambansang atleta na maglalaro sa quadrennial meet kasama sina pole vaulter Ernest “EJ” Obiena at Edriel “Carlos” Yulo ng Gymnastics.

Ipinasara muna pansamantala ng Philippine Sports Commission (PSC) ang mga pasilidad nito sa loob ng Rizal Memorial Sports Complex (RMSC) habang pinagamit muna ito para sa mga apektado ng COVID-19 outbreak patients.

“Naging motivation ko po iyong mga hirap at sakit na pinagdaanan namin sa training at eto na ‘yung magiging bunga ng hirap ng mga coaches po namin kaya need ko po manalo at ma-qualify. Iyon po lagi kong iniisip.”

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page